Noong
unang panahon, ang mga tao ay hindi pa tunay na hiwalay sa mga diyos at
diyosa. Ang mga engkanto ay nakapaligid sa mga puno, lupa, tubig,
at hangin kung kaya’t madali silang tawagin ng mga tao kung sila’y may
pangangailangan. Ngunit ipinasiya ni Bathala, ang pinakamataas na
diyos at tagapaglikha ng sansinukob, na dapat iwanan ng mga diyos at
diyosa ang mga tao sa kanilang kabuhayan dahil sa panganib na ang
kanilang mga kapangyarihan ay makakagambala sa kaparaanan ng mundo.
Habang dumadami ang tao, malimit ang pag-aaway ng iba’t ibang mga
angkan at tribo. Nasasangkot ang mga diyos at diyosa dahil ang
mga tao’y humihiling ng lakas sa pakikipaglaban. Minsan nga ay
nag-away si Idianale, ang diyosa ng paghahayupan at Lakan Bakod, ang
diyos ng mga hardin. Sa pagkamatay ng sanlaksang nilalang dahil
sa bahang nilikha ni Idianale, inutos ni Bathala na huwag nang
mamagitan ang mga engkanto maliban sa masidhing pangangailangan o kung
may totoong panganib ang mga tao.
Ngunit
isang manghuhulang nakilala ni Bathala sa ikatlong bundok ng Hilaga ay
nakatuklas ng isang kataas-taasang propesiya. Ayon sa manghuhula,
dadating ang araw na makakalimutan na ng mga tao ang mga engkanto at
ang kanilang kapangyarihan. Ang kanilang tanging pag-asa ay
magbubuhat sa tatlong diyos at diyosa na mamumuhay kasama ng lipunan ng sangkatauhan. Sa kanilang pagkikita, mahihinto ang pagkalimot ng mga
tao sa kapangyarihan ni Bathala at ng mga engkanto. Ngunit kung
sila’y hindi magtutulungan, tuluyang mawawala ang mga diyos at diyosa
sa paningin ng sangkatauhan. Tuluyan din ang pag-aaway ng tao at
kaguluhan sa mundo.
Kahit
sa kataas-taasang kaalaman ni Bathala, hindi alam ng mga engkanto kung
kailan magaganap ang propesiya at kung sino ang tatlong pag-asa ng
sangkalupaan. Kaya sa hiling ni Apo Laki, ang diyos ng araw at
digmaan, itinaguyod ng mga engkanto ang isang ritwal upang magkatotoo
ang hula. Kailangang lumaki ang mga kabataang engkanto sa mundo
kasama ng mga tao upang magkatagpo ang tatlong diyos-tao na itinuturing
ng orakulo. Kaya sa pagdating ng ikasiyam na taong gulang ng mga
anak ng mga diyosa, ang mga kabataan ay magsisimulang maglakbay sa
mundo bilang tao.
Matindi
ang hapis ng mga inang diyosa dahil mawawala ang mga pagkakakilanlan sa
simula ng paglalakbay ng kanilang mga anak. Hindi malalaman ng mga
diyosa kung sino ang kanilang anak at hindi rin malalaman ng mga bata
ang kanilang pagkadiyos. Kailangang dumaan muna ng pagsubok ang
mga batang diyos-tao upang sila’y bumalik sa kanilang pinanggalingan.
Siyam na mahirap na pagsubok ang haharapin nila upang
mapatunayang sila ay tunay na diyos. Ang kalungkutan ng mga ina
ay hindi lamang sa pansamantalang pagkawalay ng kanilang mga anak;
sapagkat matapos ang ilang henerasyong nagdaan sa ritwal, mayroong mga
diyos-taong hindi na muling bumabalik sa kanilang ina. Ang ibang
bata naman ay namatay sa pagsubok dahil sa kanilang mga katangiang tao at ang
iba naman ay pumiling manirahan sa mundong kanilang kinalakihan.
Kaya’t sa pista bago maglakbay ang mga kabataan, lumilindol at
umuusok ang mga bulkan sa sangkalupaan bunga ng paghihinagpis ng mga
inang diyosa.
Sa
isang sulok ng bahay ni Apo Laki, makikita ang dalawang diyosa na
mataimtim na nag-uusap. Ngayon ay ang gabi ng ikapitong pagbilog
ng buwan at nagsimula na ang kapistahan ng paglalakbay. Mahigpit
ang yakap ni Bugan, ang diyosa ng langit, kay Anitun Tabu, ang diyosa
ng ulan.
“Huwag
ka nang mangamba,” ang bulong ni Bugan. “Si Dangat ay matalinong
bata. Ang hula ko’y una siyang makakaalam ng kanyang tunay na
katauhan.”
“Totoong
matalino si Dangat.” Pinunasan ni Anitun Tabu ang tumutulong luha
sa mukha. “Ngunit hindi siya katulad ng anak mo. Malakas
ang katawan ni Lakan Bisig at ito’y makatutulong sa kaniya habang
sya’y nasa mundo ng mga tao. Hindi katulad ng Dangat ko na
parating sakitin. Namasdan ko na kahit noong bata pa si Dangat ay
hindi niya makaya ang paghawak ng itak o kaya’y arnis. Paano niya
malalabanan ang mga halimaw na ipapadala ng diyos ng kasamaan?”
“Tinuruan
mo siya ng mga makapangyarihang sumpa. Natatandaan ko pa noong
sinumpa ni Dangat ang anak ni Lakan Bakod dahil siya’y ninakawan ng
salamangkanggata ng niyog. Hanggang ngayon ay tagilid pa rin ang
ilong ng bata!”
Ngumiti
nang kaunti si Anitun Tabu sa narinig na alaala. “Ngunit, hindi
natin alam kung magagawa niya muli ang mga ituro ko sa kaniya.
Paano kung tunay niya nang malimot ang sining ng sumpa?”
Muling namalisbis ang kanyang luha sa pagdidilim ng kanyang
pag-iisip. Hinawakan niya ang kamay ni Bugan upang makahanap ng
pag-asa.
Ilang
saglit pa ay lumapit si Mayari, ang anak ni Bathala at pinakamagandang
diwata sa mundo ng mga engkanto. Kahit sa mga diyos at diyosa,
ang tanaw sa nag-iisang mata ni Mayari ay nakadudulot ng kaginhawahan.
Ngunit sa araw na ito, ang kapangyarihan ng kagandahan ni Mayari
ay nabawasan. Sa kanyang tanging mata ay may nakaukit na luha.
“Kamusta ka, Mayari?" ang tanong ni Bugan.
“Sana’y
mabigyan ko kayo ng kaluwagan ng loob,” ang sagot ni Mayari.
“Ngunit sa palagay ng aking ama na matagal pa ang pagkupas ng aking
luha dahil sa pagkawalay ni Hiyas. Masakit ang aking kalooban at
iginagawad ko ang aking pighati at pakikiramay sa inyo.”
“Siguradong
maayos ang pamilyang kukupkop kay Hiyas. Sa pag-unawa ko,
dinadakila ng mga tao ang magagandang kababaihan,” ang tugon ni Bugan.
Nakatanaw
ang mga diyosa sa tatlong batang naglalaro ng salamangkang piko.
Tila lumilipad si Lakan Bisig sa kanyang pagtalon at maririnig
ang matamis na tawa ni Hiyas. “Sana’y totoo ang iyong hinala,”
malalim na buntong-hininga ni Mayari. Hindi katagalan ay narinig
nila ang kinatatakutang batingaw. Oras na ng paglalakbay.
DONG!
Umalingawngaw ang agong na hawak ng binatang si Lakan Bisig sa paanan ng bundok na binabantayan ni Maria Makiling.
“Lumabas
ka, Kapre!” sigaw ni Lakan Bisig. Sinabi ng mga matatanda mula sa
kanyang bayan na hindi matitiis ng kapre ang ingay ng agong.
DONG! Ginamit ni Lakan Bisig ang puwersa ng kanyang lakas
upang magalit ang halimaw.
“AARGGGHHHH!”
Sa wakas, nagpakita ang isang higante na nakabalot sa mabahong
pananamit at maruming kadenang pinagsasabitan ng mga pugot na ulo ng
mga tao. Hindi mawari ni Lakan Bisig kung paano nagtago ang kapre
sa puno ng balete. Bigla na lamang itong lumabas sa dilim at kung
hindi pa sa nanlilisik na mga mata at siga ng tabako ay hindi makikita
ang halimaw. Ngunit walang oras mag-isip ang binata dahil mabilis
na lumusob ang kapre patungo sa kanyang kinatatayuan.
Isinabit
ni Lakan Bisig ang batingaw sa kanyang sinturon at inilabas ang matulin
na itak. Itinaas niya ang sandata at naghatid ng ubod-lakas na dagok mula sa
napakalakas niyang mga bisig. Ngunit mas malaki ang kapre at
napabuwal si Lakan Bisig. Iniwasan niya ang suntok ng mabahong
halimaw at nagpagulong-gulong palayo sa isa pang hataw. Kumanlong
ang binata sa ilalim ng punong akasya at hinipo ang sugat sa binti.
Natanto niyang nawala pala ang kanyang itak at siya’y biglang
nangamba sa darating na panganib. Nilunok ni Lakan Bisig ang
kanyang takot at muli siyang lumabas sa dilim.
DONG!
Hinampas ng binata ang batingaw upang lumapit sa kanya ang kapre.
Pagkakita sa nanlilisik na mga mata, tumakbo ang binata papunta sa
isang kuweba. DONG! Parang umaapoy ang kanyang binti sa
bawat hakbang ng kanyang pagtakbo. Sa wakas, naabot din niya ang
kadulu-duluhan ng kuweba. Sa pagsisiyasat ng kanyang kinatatayuan, napansin niyang wala
nang labasan ang yungib. Para siyang dagang hindi makakawala.
Wala nang ligtas.
Binatak
ng magiting na Lakan Bisig ang kanyang buong lakas at hinarap ang
halimaw na pumasok sa kuweba. Ngumiti naman ang kapre sa kanyang
biktimang tila nawalan na ng lakas.
DONG!
Napawi ang ngiti ng kapre nang maramdaman ang hapdi sa kanyang tainga.
DONG! DONG! DONG! Umaalingawngaw ang tunog nang batingaw sa kuweba. DONG! DONG! DONG! Humagulgol sa sakit ang
halimaw.
Ang
binata naman ang ngumiti nang makita niyang nanghihina ang kapre.
Nakapinid ang kamay ng halimaw sa kanyang mabahong tainga nang sa
wakas, nilisan nito ang kuweba. Napaupo si Lakan Bisig matapos
lumayo ng panganib. Isang malaking buntong-hininga ang kanyang inilabas.
Tapos na ang hirap.
Ilang
sandali ang nakalipas nang makita ni Lakan Bisig ang isang liwanag na nagmumula sa
labas ng yungib. Lumapit ang binata sa pinagmumulan ng liwanag.
Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nakita, ngunit sa pagkupas ng
liwanag ay lumabas ang anyo ng isang matandang babae.
“Salamat, Lakan Bisig.” Ang sabi ng matanda. “Iniligtas mo ako at ang bundok na ito mula sa kapre.”
“Sino po kayo...paano n'yo nalaman ang aking pangalan?” ang tanong ng binata.
“Mahirap maipaliwanag ang nangyayari sa mundo, anak ko. Ngunit malalaman mo ang katotohanan sa tamang panahon.”
Ibinabanya ang kanyang tingin upang hindi makita ng matanda ang kanyang
pagkasiphayo. Itinago niya ang kanyang simangot at kinuskos niya
na lamang ang dahon ng kakaw sa sugat sa binti. Marami na siyang
nakitang mga kababalaghan sa mundo. Ito ay ang ikaapat na
halimaw na kanyang hinarap upang maipagtanggol ang kanyang taumbayan.
Nais niya na ng mga kasagutan. Bakit siya nagkamit ng
walang-katulad na lakas upang matalo ang mga halimaw? Ano ang
kanyang tungkulin sa mundo? Bakit siya kakaiba sa lahat ng tao?
Siya’y binabagabag ng mga tanong na mula pa sa kanyang kabataan
ay binibigyan ng sagot na ‘Malalaman mo rin ang katotohanan sa tamang
panahon.’
“Lakan Bisig, huwag kang mapuot sa iyong kalikasan,” wika ng matanda.
Nagulat ang binata. Nababasa kaya ng matanda ang kanyang isipan?
“Hindi
pa matatapos ang paghihirap sa iyong kapalaran. Ngunit tayo ay
mga nilalang na binigyan ng kataas-taasang Kabunian ng kapangyarihang
ugitin ang sarili nating buhay. Nasa iyong mga palad ang
hinaharap...kung gusto mong gamitin ang iyong lakas upang tulungan ang
iyong kababayan o kung gusto mong manahimik na lamang.”
“Bukal po sa aking puso ang pagtulong sa ating kapwa.” Mataimtim ang
paglilimi ni Lakan Bisig. Siya’y nagsisi sa kanyang
pag-aalinalangan sa paggamit ng biyayang lakas.
“Kung
gayon, binata. Humayo ka sa lalawigan ng Bicol,” ang utos ng
matanda. “Hanapin mo ang bunganga ng kagubatan ni Asuang, ang
diyos ng kadiliman. Ikinulong ni Asuang ang kanyang kapatid na
si Guguran kung kaya’t ang mga tiyanak at manananggal ay naninindaksa
Kanluran. Ikaw ang kanilang tanging pag-asa. Tanggapin mo
ito." Isinuot ng matanda ang isang kuwintas kay Lakan Bisig. “Sa takdang
panahon, iyan ay magagamit mo sa iyong pakikipaglaban.”
“Salamat
po.” Muling nanumbalik ang lakas at saya ng binata matapos isuot sakanya ng
matanda ang kuwintas. “Huwag po kayong mag-alala at ililigtas ko
ang mga tagaKanluran sa mga halimaw ni Asuang.”
“Gamitin mo ang bato na ito upang mahanap mo ang kulungan ni Guguran. Nawa’y pagpalain ka ni Kabunian.”
Sinuri
ni Lakan Bisig ang bato. Sa biglang tingin, ang magaspang na
bato ay waring may mga ukit lamang ng kalikasan. Ngunit kung susuriing mabuti ang bato mapapansin na ang dibuho ay dalawang punong
niyog na humahapay sa punong nara. Itinaas ni Lakan Bisig ang
bato at inihambing niya ito sa mga puno na kanyang
natatanaw. Nagpatuloy siya sa paglalakbay, at sa wakas ay narating
niya ang bunganga ng gubat ni Asuang.
Sa
ilalim ng dalawang punong niyog ay may nagtatalong dalaga at binata.
Nakasimangot ang lalaki at tila siya isang batang napagalitan ng ina
dahil sa kanyang pananabik sa panganib. Ang dalaga naman ay
kabigha-bighani. Kahit na makikita ang kayamutan sa kanyang mga
mata, parang sinalo ng kanyang pagkatao ang sanlaksang kagandahan.
Nabighani si Lakan Bisig. Nawala ang kanyang pagod at
nanumbalik muli ang kanyang lakas matapos masilayan ang dalaga.
“Kamusta kayo, mga kaibigan,” ang bati ni Lakan Bisig. “Ako ay si Lakan Bisig na galing sa bayan ng Laguna.”
“Kamusta, Lakan Bisig,” ang matamis na bati ng dalaga. “Ako’y si Hiyas, mula sa Timog na lalawigan ng Sulu.”
“Kamusta,
Lakan Bisig,” ang bati naman ng binata. “Dangat ang pangalan ko.
At gaya ng sinabi ko dito kay Hiyas, mas makabubuting kayo’y
umalis na pook na ito. Maraming mga kababalaghan dito sa Bicol
at kayo’y nanganganib.”
“Panganib
ang aking hanap, Dangat,” ang sagot ni Lakan Bisig habang nakapako ang tingin sa dalaga. “Nandito ako upang iligtas ang
diyos na si Guguran upang tuluyan nang mawala ang mga tiyanak at
manananggal sa lalawigan.”
“Iyan din ang aking pakay!” ang sagot ni Dangat.
“Ako man,” ang bulong ni Hiyas. Nakaukit ang pagkagulat sa mukha ng mga kabataan.
“Hindi
sa ako’y nagyayabang. Ngunit ako’y nakaranas na ng mga ganitong
pakikipagsapalaran. Mas mabuting ako na lamang ang pumasok sa
gubat para hindi na kayo masaktan,” ang pahayag ni Dangat.
“Huwag
mo akong hamakin dahil sa ako’y isang babae,” ang sagot ni Hiyas.
“Kailan lamang ay ipinagtanggol ko ang bayan ng Sulu mula sa
lambanang pumatay ng isang libong tao.”
Namangha si Lakan Bisig. “Ano ang iyong sandata?”
“Nakamit
ko ang sining ng mga albularyo. Apat na sugo ng diyos na si
Asuang ang aking natalo sa pamamagitan ng mga dahon at halaman sa ating
kapaligiran.”
“Ano naman ang damong dala mo ngayon?” ang pangungutyang tanong ni Dangat.
“Asin
ang tanging makatatalo sa mga manananggal. Higit pa ito sa iyong
sandata, Dangat.” Sa inis, tumalikod ang dalaga kay Dangat
at lumakad patungo sa gubat.
“Teka, nagbibiro lamang ako,” ang pangangatwiran ni Dangat.
“May
naririnig ka bang tumatawa?” ang hiyaw ni Hiyas. Nginitian ni
Lakan Bisig ang dalaga. Lumapit ang binata kay Hiyas at sabay
silang nagtungo sa gubat.
“Hindi
ko maipapangakong kayo’y masasagip ko kayo kung kayo'y masaktan.”
Nagbuntong-hininga si Dangat habang sinusundan sina Hiyas at
Lakan Bisig.
Tila
nalulon ng dilim ang araw sa pagpasok ng magkakaibigan sa loob ng
gubat. Tahimik ang kapaligiran. Nakalabas ang arnis ni
Dangat at ang bawat bahagi ng kanyang katawan ay nakahanda sa labanan.
Ilang sandali ang nakalipas at ibinaba ng binata ang kanyang
sandata. “Payapa naman pala rito. Dapat siguro’y magpahinga
muna tayo.”
“Shhh...”
ang bulong ni Hiyas. Tahimik nga. Ngunit hindi wasto ang
katahimikan sa gubat. Walang naririnig ni huni ng ibon o
ingay ng mga hayop. “Patay ang gubat na ito. Walang halamang
namumunga at walang hayop na nakatira.”
“Tama ka, Hiyas. Ihanda ang mga sandata,” ang utos ni Lakan Bisig. “Mahirap makita sa dilim ang mga kalaban.”
“Masyado kayong matatakutin. Tama ang hinala ko...AAARRGGH!” Nabuwal si Dangat sa sakit.
“Dangat!”
Lumapit si Hiyas at kinapa ang sugat sa katawan ng binata.
Inilabas ni Hiyas ang katas ng puso ng saging upang punasan ang
nasaktang braso ni Dangat. Nakabantay si Lakan Bisig para sa isa
paglusob ng kalaban habang ginagamot ni Hiyas ang kanilang kaibigan.
Ilang sandali pa ay gumising si Dangat.
“Manananggal,” ang bulong ni Dangat. “Mabibilis ang mga impakta.”
"EEEK....
EEEK...." lumusob ang limang manananggal sa tatlong kabataan. Tila
hinihiwa nila Lakan Bisig ang hangin upang harangin ang mga kaaway.
“Masyadong marami ang kalaban!” ang sigaw ni Lakan Bisig.
Inakbayan
ni Hiyas si Dangat at hinila ang katawan nito. Umatras si
Lakan Bisig habang ipinagtatanggol ang kanilang mga buhay mula sa
mababangis na halimaw. “Kailangang makarating tayo sa isang
punso,” ang hiyaw ni Hiyas kay Lakan Bisig.
“Doon
sa hilaga!” ang sigaw ni Dangat. Ginamit niya ang kanyang
kaliwang kamay upang ilabas ang arnis. Habang nakahilig ang
kanang bisig kay Hiyas, hinampas ni Dangat ang isang impaktang
lumulusob. Umaapoy ang kanyang katawan sa sakit ngunit
iwinagayway niya ang arnis sa dilim.
“TABI-TABI PO!” Ang sigaw ni Hiyas. Sa wakas, nakita nila ang isang malaking punso.
“Ay
kulitkulitkulit! Mga batang mapipilit!” Lumabas ang nuno at
hiniyawan ang mga magkakaibigan. “Ay bakekang, isang mangkukulam!
‘Sang diyos na makisig at ‘sang mayabang na mang-uusig!”
Nagtinginan
ang mga magkakaibigan. Nagtatanungan ang kanilang mga mata kung
ano na dapat nilang gawin. Palapit na ang mga manananggal at
wala na silang mapagtataguan.
“Patuluyin n'yo po kami sa inyong punso,” ang pakiusap ni Hiyas.
“Ikaw
babaeng Muslim, patayin ang halimaw sa dilim!” Naintindihan ni Hiyas
ang bugtong. Inilabas niya ang asin at iwinisik ito sa hangin.
"AAARRGGGGGGHHHHH!
ARRGGGHHH!" Nasaktan ang mga manananggal ng asin ni Hiyas.
Sa bawat lapit ng mga impakta, ay sabay naman ang sabog ni Hiyas ng makapangyarihang kimiko. Ilang sandali ang nakalipas at lumayo na
ang mga sugo ni Asuang.
“Matalinong
bata, walang haka-haka,” ang wika ng nuno. “Matutulog muli ang
matanda. Huwag na muling gambalain.”
“Salamat
po sa inyo, nuno,” ang pahayag ni Hiyas. “Ngunit pwede ho bang
itanong sa inyo kung nasaan ang bilangguan ni Guguran?”
“Matutulog
muli ang matanda. Huwag na muling igambala!” Ang ikalawang
pakli ng nuno ay puno ng maitim na budhi. Hindi sumigaw ang nuno
ngunit nabalutan ng takot ang magkakaibigan.
Taglay ang kanyang buong lakas, iwinagwag ni Lakan Bisig ang kanyang sindak.
“Ibibigay ko po sa inyo ang aking kuwintas kapalit ng inyong
nalalaman.”
Tila
isang batang paslit nakarinig ng pag-uudyok ng kendi ang nunong nangangaligkig sa
galit. Nawala ang sumpa sa mga magkakaibigan at naglaho ang
kanilang takot.
“Hmm...hmmm...”
Pinagmamasdang mabuti ng nuno ang kuwintas na nakasabit kay Lakan Bisig.
Ang mga nuno ay bihasa sa sining ng mga panday. Sila’y
hindi tumatangi sa isang bagay namainam ang pagkakayari.
“Gintogintoginto!
Isang himala!” Matindi ang pamamangha ng nuno. “Ituturo
ko ang landas kung ibibigay mo sa akin ang kuwintas.” Hindi
maalis ng nuno ang kanyang titig sa alahas.
Nagtinginan
ang magkakaibigan. Alam nilang mag-ingat sa mga pangako ng mga
nuno dahil ang kanilang paglalang ay nakapagdudulot ng kamatayan.
Ngunit hindi nila alam kung saan ang bilangguan ni Guguran at
mahirap maghanap sa mapeligrong gubat.
“Ituro mo muna sa aming ang daan at ibibigay sa iyo ni Lakan Bisig ang kuwintas,” utos ni Dangat sa nuno.
Umakyat ang matandang nuno sa kanyang punso upang simulan ang kanyang tagubilin:
“Sa hilaga kayo’y paroroon
Si Guguran ay naghihintay sa inyong tuon
Hanapin ang bukal sa dilim
Sa pagbaba ng tubig ay mag-ingat sa mga talim
Lagpas ng tubig, sa lupain ng mga tiyanak
Kayo’y mag-ingat sa dila nilang nanlulupak
Tila sila’y mga batang payapa
Ngunit ang kasamaan nila’y laganap sa lupa
Matapos patayin ang mga alagad ni Asuang
Makikita n'yo ang serpyente sa parang...
ULLKKGGH!"
“HUWAG DANGAT!” hiyaw ni Hiyas. Biglang sinakal ni Dangat ang nuno at hinila nito ang matanda sa lupa.
“Magsabi ka ng katotohanan, matanda! Kung hindi’y ipapakain kita sa tiyanak!”
“Nakulam
ka na ba, Dangat?! Ano ang ginagawa mo? Siya lamang ang
makapagbibigay ng direksyon patungo sa ating paroroonan!” Buong lakas na ihiniwalay ni
Hiyas ang binata sa nuno.
“Huwag
kang maniwala sa matandang ito, Hiyas.” Tumagos ang titig ni
Dangat kay Lakan Bisig at Hiyas. “Ako ang paniwalaan n'yo, huwag ang
nuno.”
Inilabas
ni Hiyas ang isang maliit na supot. Ibinuhos niya sa kamay ang puting pulbos at ipinakita ito sa nuno. “Matandang nuno, alam
mo na may kapangyarihan ang mga albularyo na sunugin ang inyong punso.”
“Huwag! Mangkukulam! Ilayo mo iyan sa aking tahanan!” ang hiyaw ng matanda.
“Nasaan si GUGURAN?!” ang matapang na tanong ni Dangat.
“Na sa
likod ng aking bahay. Gamitin ang alahas na tunay. Patawad
mga bata, ayoko lang ang ginto’y mawala.” Malakas na humhikbi ang nuno.
Para siyang hinahapis sa pagpanaw ng kanyang mga minamahal sa
buhay.
Ilang
sandali pa ay hinanap ng mga magkakaibigan ang bilangguan ni Guguran sa
likod ng punso. “Paano mo nalamang nagsisinungaling ang nuno,
Dangat?” ang tanong ni Lakan Bisig.
“Isang
matandang babae ang nagbigay ng pangitain matapos ko siyang iligtas
mula sa isang syokoy,” ang tugon ni Dangat. “Huwag daw akong
maniwala sa mga kwentong may serpiyente bilang alagad ng kadiliman.
Ito raw ang kanyang alay bilang pasasalamat sa aking katapangan.
Akala ko’y nahihilo lang ang babae. Pinagtawanan ko pa nga ang
kanyang alay.”
“Kahit na ang alay ay mga salita lamang, ang halaga ay katumbas rin ang aking kuwintas,” ang pasiya ni Lakan Bisig.
“Totoong
may himala sa salita,” ang pahayag ni Hiyas. “Isang matandang
babae na sinagip ko mula sa lambana ang nagpayo sa akin na magdala ng
asin.” Mula noon, naunawaan ng mga magkakaibigan na ang kanilang
mga kapalaran ay magkakatugma.
“Tingnan
mo ito, Lakan Bisig,” ang tawag ni Dangat. “Ilagay mo ang iyong
kuwintas.” Ipinatong ng binata ang alahas sa butas na nakaukit sa
isang malaking bato. Biglang yumanig ang lupa at nabiyak ang
isang burol sa silangan ng punso.
Isang
kamangha-manghang pangyayari ang bumati sa magkakaibigan sa loob ng
kuweba. Mga sari-saring alahas, banga, at tela ang kumikinang at
nagbibigay liwanag sa kadiliman. Ang lahat ay gawa sa ginto.
“Huwaaagg!!!”
Ang hikbi ng matandang nuno na sumunod sa mga magkakaibigan
patungo sa loob ng kuweba. Isa-isang natunaw ang maririkit at masining na
mga bagay na yari sa ginto. Umagos ang ginto sa maliit na kanal papunta sa
isang pintuan. Sa pagapaw ng kanal, bumukas ang pilak na
bilangguan.
“Guguran!” Ang hiyaw ni Dangat.
“Salamat,
mga bata. Kayo’y pinagpala ni Bathala!” Punit-punit ang damit ng
diyos. Sukdulan ang kanyang pagkapayat at maliban sa kanyang
matatag na mukha’y parang wala nang buhay ang kanyang katawan.
“Wala tayong oras magkwentuhan. Kailangan nating makalabas
ng gubat bago dumating si Asuang.”
Nagsimulang
yumanig ang lupa. Biglang maririnig ang mga iyak ng tiyanak at
ang ingay ng pakpak ng mga manananggal. Humahagibis pagtakbo
ng apat upang mahanap ang bunganga ng gubat. Nakita ni Dangat ang
liwanag. Ilang hakbang na lang ay maaabot na niya ito at
makakalabas na siya sa dilim.
Ilang saglit pa...Sa wakas, nakita na niya ang araw!
“Haha!”
Tumawa siya nang malakas at binati niya ang amoy ng liwanag.
“Lakan Bisig, Hiyas, tayo’y nagtagumpay!” Tumalikod si Dangat at
hinanap ang mga kaibigan. Ngunit wala sa kanyang likuran ang
dalaga’t binata. Nangamba si Dangat. Ilang taon na ang
nakalipas at ang tatlo ay hustong nakikipaglaban sa iba’t ibang mga
halimaw at sugo ni Asuang. Nagkaroon ng kapayapaan sa mga bayan
ng Bicol, Cordillera, at Samar. Sa huling pakikipaglaban sa mga
tikbalang sa Capiz, nakamit nila ang pagkakaisa ng mga Bisaya at
Muslim.
Naaninaw si Dangat ang anyong ng isang babae sa ilalim ng punong balete. “Hiyas!” Humangos siya patungo sa kaibigan.
Humarap
ang babae kay Dangat. May pumukaw na liwanag mula sa kanyang
kinatatayuan. Nayanig ang loob ng binata at hindi
niya maipaliwanag ang pagbalong ng kanyang luha..
“Dangat, ako’y si Anitun Tabu, ang diyosa ng ulan.”
Hindi
maintindihan ni Dangat ang matinding simbuyo ng kanyang damdaming yakapin ang diyosa.
Ang kanyang kagandahan ay kabigha-bighani ngunit ang binata’y
mas nababalani sa kapayapaang inihahandog ng magandang dilag.
“Malapit
nang matapos ang iyong kahirapan,” pagpapatuloy ng diyosa. “Walong sugo ni Asuang ang iyong nagapi. Ito ang
iyong huling pagsubok.”
“Ako po'y nangangayupapa, o diyosang kapuri-purihan.” Lumuhod ang binata sa harap ng diyosa.
“Makinig
kang mabuti, o binata.” Ngumiti ang diyosa. Mas lalong nagliyab
ang puso ni Dangat. “Hindi mo kailangan ng lakas sa huling
pagsubok. Ngunit ikaw ay daranas ng malaking pag-aagam-agam.
Isang pagpapasyang aantig sa sansinukob ang kailangan mong
gawin.”
Tumingala ang binata at nagulat sa banal na salita.
“Kung
tatanggapin mo ang iyong kapalaran, ang tatlong magkakaibigan na sina
Dangat, Hiyas, at Lakan Bisig ay magtutulungan upang ipagtanggol ang
pangalan ng mga diyos at diyosa. Kayo ay magdudulot ng pagkakaisa
sa mga tao sa mundo. Mawawala ang karahasan ng mga halimaw at
mabibilanggo si Asuang sa kadiliman. Nasa iyong mga kamay, Dangat, ang
pag-asa ng mga engkanto at sangkatauhan.”
“Ngunit sino naman po ako para gumawa ng napakahalagang pasiya? Ako’y tao lamang,” ang pahayag ni Dangat.
“Dangat,
ikaw ay hindi tao lamang.” Sa banal na salita ng diyosa,
naintindihan ni Dangat ang buong katotohanan. Bumalik ang lahat
ng kanyang alaala. Nakita niya sa kanyang balintataw ang paglalaro
sa mga sumpa kasama nina Lakan Bisig at Hiyas noong sila’y bata pa.
Naalala niya sina Bathala at ang malaking bahay ni Apo Laki.
At ang diyosa sa kanyang harap ay dili iba't ang kanyang ina.
Niyakap
niya ng mahigpit ang inang-diyosa na nawalay sa kanyang kalooban.
Tinanggap niya ng buong kasiyahan ang mga luhang hindi niya
maihayag habang siya’y lumalaki sa daigdig ng mga tao. Tinanggap
niya ang mga masasayang alaala ng kanyang kamusmusan.Sa ilang
iglap, nawari rin niya ang kanyang kahinaan.
“Oo,
anak. Hindi mo hawak ang arnis sa ating mundo. Ang iyong
kapangyarihan ay nanggagaling sa iyong mga binibigkas.”
Muling
naguluhan ang binata. Unti-unting napawi ang kanyang katuwaan
dahil sa pagmamahal niya sa makamundung sandata. Ito ang nagbigay
sa kaniya ng kapangyarihan. Siya’y pinagpipitagan ng maraming tao
dahil sa kanyang bilis sa arnis.
“Ito
ang iyong hamon,” itinuloy ng diyosa ang kanyang pahayag. “Sa
iyong anyong pagkatao, ikaw ay nagkamit ng kapangyarihang magpasiya.
Nasa iyong kamay ang hinaharap. Kung gusto mong manatili
kasama ng mga tao, ang iyong kamunduhang pag-aari ay magdudulot ng
iba’t ibang kapangyarihan. Kung pinili mong bumalik sa aking
yakap, ika’y magiging diyos...isang diyos na bagama’t lumpo ay
makapagdudulot ng katahimikan sa sansinukob.”
Tumulo
ang luha ng diyosa nang makita niya ang mukha ni Dangat. Matagal
na panahon ang kanyang hinintay upang makilala niya muli ang anak.
Ngunit nakilala ng ina ang kaguluhan sa mga mata ni Dangat.
Sa isang kisap-mata ay nawala ang anyo ng engkanto.
Malalim
ang paglilimi ng binata. Mula nang malaman niya ang katotohan,
naramdaman niya ang panghihina ng kanyang mga kamao. Siya’y
naglakbay sa malalayong lugar upang mag-isip. Ngunit kung minsan
ay nanlalambot ang kanyang mga tuhod. Mula sa bangka o kaya’y sa
paglalakad, tinipun nini Dangat ang
lahat ng lakas at hinanap niya ang sagot sa kanyang hamon sa iba’t ibang bayan.
Ilang
buwan singkad nang makarating siya sa lalawigan ng Cebu. Sa
tuktok ng burol ay may itinatayong altar para sa isang diyos.
Lumapit siya sa isang lalaking nakaupo sa ilalim ng punong nara.
Nagulat ang binata sa kanyang nakita. Ang lalaki ay maputi
at nababulutan ng buhok sa buong katawan.
“Kamusta, kaibigan,” ang bati ni Dangat.
“Paano ka nakapagsalita...?” Ang lalaking maputi naman ang nagulat sa kanyang narinig.
“Maraming hindi maipaliwanag sa mundo,” ang tugon ni Dangat.
“Tama ka kaibigan, marami rin akong nakitang mga kababalaghan sa aking pamumuhay,” ang pahayag ng maputing lalaki.
Natuwa
si Dangat sa kanyang nakilala. Baka siya na nga ang
makapagbibigay ng tugon sa kanyang pagsubok. “Ano ang ginagawa
mo rito sa lalawigan ng Cebu?”
“Iyan
ang aking diyos.” Itinuro ng lalaki ang magkapatong na kahoy sa
ibabaw ng lamesa. “Ang pangalan niya ay Hesus. Siya ang
nagbibigay sa akin ng kapangyarihan upang magbago ang lahat ng tao sa
lupa. Dito sa Cebu ang simula ng lahat.”
“At ikaw ay makapangyarihan?” ang namamanghang tanong ni Dangat.
“Ang
aking Diyos ang pinaka-kataas-taasan! Ang lahat ng bagay mula langit
hanggang sa lupa ay kanyang pag-aari. Kaya’t lahat ng nakikita mo
mula sa burol na ito ay hawak ng kapangyarihang ipinamahagi ni Hesus sa
akin upang maibalik ko ang mga tao sa kanyang pagmamahal.”
Nangamba
si Dangat. Kung ang lalaking maputi ay magkakaroon ng tunay na
lakas, siya’y hindi magwawagi bilang isang lumpong diyos. Tumakbo
ang binata pababa ng burol upang hanapin sina Lakan Bisig at Hiyas.
“Teka,
binata,” ang hiyaw ng lalaking maputi. “Bibigyan kita ng
pagkakataong magbalik-loob sa Diyos! Ang iyong salita ay
magbibigay ng mga himala!”
Tila
mauubos na ang hininga ni Dangat. Malayo na ang kanyang nilakbay
at nagsisimula na namang sumakit ang kanyang mga tuhod. Ang higit pang masaklap ay
mas naguguluhan pa ang kanyang loob sa narinig sa Cebu. Siya’y
umupo sa likod ng palumpong ng mga rosas. Ang kanyang katawan at
puso ay nanlalambot na sa pagod. Nararamdaman niya ang matatalas
na tinik mula sa bulaklak.
“Tama
ang sabi mo, Lakan Bisig.” Narinig ni Dangat ang malamyos na
boses ni Hiyas. Gumaan ang kanyang kalooban at natuwa sa muling
pagkakarinig sa tinig ng kanyang kaibigan. Sumilip siya mula sa palumpong.
Nahihirapan siyang tumayo kaya’t hinintay na lamang ang pagdating
ng dalawang kaibigan.
“Ngunit
huwag muna nating ikuwento ang ating pagmamahalan kay Dangat,”
ang sabi ni Lakan Bisig kay Hiyas. “Masakit na sa kanyang
kalooban ang pagiging lumpo. Baka siya mabigo sa ating
pagkakaunawaan.”
“Hindi
lang ako mabibigo, Lakan Bisig!” ang hiyaw ni Dangat. Pinilit
niyang tumayo at naghanap siya ng tungkod sa palumpong.
“Dangat!” ang bulong ni Hiyas.
“Habang
ako’y nanghihina, kayo naman ay nagkakatuwaan!” Nagpupuyos ang galit ni
Dangat. “Masaklap ang aking hamon samantalang kayo ay nagagalak
kasama ng mga engkanto! Hindi n'yo ba naisip ang paghihirap ng
inyong kaibigan? Hindi n'yo ba nadarama ang aking nadarama!?”
“Dangat,
makinig ka!” Umaagos ng luha ni Hiyas. “Kami rin ni
Lakan Bisig ay binigyan ni Bathala ng pagsubok! Hindi ka namin
nalilimutan.”
“Kung
gayon, nakita ko na ang buong katotohanan. Sa buong buhay ko,
puro pasakit ang ibinibigay ni Bathala. Pati ang mga inang
diyosa ay nagtatakwil sa kanilang mga anak! Hindi n'yo ba
naiintindihan? Sigalot lamang ang dulot ng mga diyos!”
“Hindi
ka nag-iisip, Dangat!” Galit na rin si Lakan Bisig sa kanyang
kaibigan. Huwag mong talikuran ang tunay na ikaw!”
“Mabuti
sigurong hindi ako nag-iisip!” Nanlilisik ang mga mata ni Dangat.
“Hahaha! Tingnan mo, hindi na masakit ang tuhod ko!”
Inilabas niya ang kanyang arnis.
“Huwag kang magkakamali, Dangat!” Unti-unting inilabas ni Lakan Bisig ang kanyang itak.
“HAHAHA!
Huwag kang mangamba, kaibigan.” Ang boses ni Dangat ay puno
ng panunuya. “Ang huling pagkakamali mo, engkanto, ay ang iyong
armas. Maliwanag na ang lahat sa aking isipan. Tama rin naman ang
aking ina na ang aking salita ang aking kapangyarihan.”
Ibinagsak
ni Dangat ang kanyang pinakamamahal na arnis sa lupa. Tumalikod
ang binata at naglakad palayo sa dati niyang mga kaibigan. Nabuo
na ang kanyang pasiya. Simula nang pakikipaglaban niya kay Lakan
Bisig, naramdaman niya ang pagbabalik ng kanyang lakas. Tunay na
ang kapangyarihan niya ay hindi nanggagaling sa arnis. Ito rin ay
hindi nanggaling sa mga sumpa. Gumawa siya ng pangako sa sarili.
Hahanapin niya ang katotohanan sa pahayag ng kanyang ina.
Siya’y maghahanap ng mga pag-aari sa mundo ng tao upang siya’y
magkamit muli ng kapangyarihan. Mawawala na ang sumpa ng
mga engkanto sa kanyang buhay.
Nakalipas
ang mahabang panahon. Umupo si Lakan Bisig kasama ng
nakatatandang Amihan, ang diyosa ng hangin, sa itaas ng gusali.
Marami nang nakitang kababalaghan ang dalawang engkanto sa mundo.
Nakita nila ang mga digmaan, kamatayan, at paghahasik ng lagim ng
sangkatauhan. Hindi na nga kailangan ni Asuang na magpadala pa ng sugo.
Ang pagkakawatak-watak ng tao ay sapat na sa paglaganap ng
kalungkutan.
Ngunit
hindi nawawalan ng pag-asa si Amihan at Lakan Bisig. Para kay
Amihan, ang mundo ay nagmula sa bunga ng pagmamahalan. Sa anyong
ibon, pinagbati ni Amihan ang nag-aaway na mga diyos na si Bathala at
Aman Sinaya. Mula sa pagtuktok ng diyosa sa kawayan, lumabas sina
Malakas at Maganda. Mula noon ay nagkaroon ng kapayapaan sa
sanlibutan. Hindi nawawalan ng pag-asa ang matandang diyosa na
ang mundo ay muling babalik sa pagkakaisa at kabutihan.
Nais
naman ni Lakan Bisig ang pagbabalik-tiwala ng mga tao sa engkanto.
Napupuno siya ng kalungkutan tuwing naaalala niya si Dangat na
nakabalot ng puting tela. Sa pagkalat ng salita ng Diyos ay
nagkamit ang dating kaibigan ng malaking kapangyarihan. Sa
kanyang pananalita ay nagsimulang makalimutan ng mga tao ang angkan ni
Bathala. Mas lalong nalungkot si Lakan Bisig sa alaala ni Hiyas.
Sa ikasiyam na pagsubok ng dalaga, napagpasiyahan niya na siya’y
mananatili sa lupa kasama ng kanyang mga pamilyang Muslim.
Siya’y nagsimulang makipaglaban sa mga Kristiyano na nang-aapi sa
kanyang kapwa-Muslim.
Hanggang
makalipas ang ilang daang taon, nagsisisi pa rin si Lakan Bisig dahil
hindi niya natupad ang propesiya na nabanggit ng isang manghuhula sa
hilaga noong unang panahon. Tunay nga na nakapasa siya sa
kanyang pagsubok. Sa sapagpakamit niya ng anyong engkanto, nawala
ang tanging minamahal niyang dalaga. Ngunit siya’y hindi
nawawalan ng pag-asa. Tumingin sa malayo si Lakan Bisig kasama ng
nakatatandang diyos na si Amihan. Mula sa mataas na gusali ay makikita
ang polusyon sa kalupaan. Sa himpapawid ay may dumaang eroplano.
Ngunit sa sulok ng gusali, masugid na hinahanap ni Lakan Bisig
ang tatlong diyos-tao na muling magtutulungan para sa ikabubuti ng
mundo.
WAKAS