Bilang
isang Pilipino-Amerikano, nalalaman ko ang tungkol sa kahirapan sa
Pilipinas ngayon. Nang tanungin ko ang mga magulang ko kung bakit
mahirap pa rin ang Pilipinas, ang sabi nila ito raw ay sanhi ng
katiwalian, pagpapabaya at maling pamamalakad ng mga namumuno sa
pamahalaan. Siguro’y nakasapat ang sagot na ito noong kabataan
ko, ngunit dahil sa pag-unlad ng aking pagkakakilanlang Pilipino ay
napagpasyahan kong manaliksik ng tunay na dahilan sa ilalim ng
pananatili ng kahirapan at ng kakulangan ng kaunlarang pang-ekonomiya
sa Pilipinas. Noong nakaraang tag-init, naglakbay ako sa
Pilipinas bilang kalahok sa Philippine Studies Program upang hanapin
ang mga sagot sa aking mga katanungan at upang mabuo ang aking
kaugnayan sa aking mga kababayan. Sa pamamagitan ng mga pagdalaw
sa mga mambubukid sa Bulucan, sa mga maralitang tagalungsod sa Tondo,
at sa mga abang manggagawa sa Cavite, pinukaw ako ng kanilang buong
pag-asa at lakas ng loob sa pakikibakang mapabuti ang kanilang
kalagayan sa kabila ng kanilang malaking kahirapan.
Hindi
ito ang unang paglalakbay ko sa Pilipinas dahil doon ako ipinanganak –
sa Lungsod ng Quezon, subalit nagtungo kami ng aking mga magulang at
babaeng kapatid sa Amerika upang dito na manirahan noong ako ay isang
taong gulang pa lamang. Bawat ikalawang taon, umuuwi kami upang
mamasko at makipagsaya sa piling ng aming pamilya doon, kaya itong
huling uwi ko ay ang ika-siyam kong pagdalaw sa Pilipinas. Sa kabila
nito, kakaiba itong huli kong pag-uwi dahil nagbalak akong hindi lamang
magsaya kundi matutunan din ang aking katutubong kasaysayan at kultura.
Sa
programang sinalihan ko, nagkaroon kami ng maraming gawain at
pagkakataong matutunan ang tungkol sa kultura, kasaysayan, at lipunang
Pilipino. Nagsidalo kami sa mga lekturang ibinigay ng mga
propesor ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, katulad nina
Bienvenido Lumbera, Ramon Guillermo, Rolando Tolentino, Bonifacio
Ilagan, at mga iba pa. Tinulungan nila kaming ilagay ang aming
pagkaunawa ng aming mga karanasan sa Pilipinas sa balangkas na
intelektuwal. Bagamat marami kaming natutunang kawili-wili, ang
pinakanagbigay-sigla sa amin sa lahat ay ang mga “exposure trips” sa
labas ng lungsod kung saan nailantad sa amin ang tunay na pamumuhay ng
mamamayang Pilipino.
Ang
una naming pagdalaw ay sa lalawigan ng Bulacan upang bisitahin ang mga
mambubukid. Nagbiyahe kami ng dalawang oras sa dalawang dyipni
patungo sa maliit na bayang Tungkol Mangga, at bumaba kami ng matarik
na burol bago kami dumating sa munting bahay ng magsasakang si Ka
Padring. Nakilala namin ang kanyang pamilya, at natuwa akong
pakinggan ang kanilang dalisay na Tagalog na hindi nahaluan ng anumang
dayuhang salita di tulad ng Tagalog ng mga taga-Metro Maynila.
Inakay nila kami sa bukirin at tinuruan nila kami kung paano
magtanim ng tanglad. Nalaman naming dapat gumising nang maaga ang
mga magsasaka, mga alas-singko, para magsimula ng pagsasaka sa bukirin
at linangin ang mga tinanim na gabi, patatas, kerot at letsugas.
Tinulungan namin silang magtanim ng isang oras at naramdaman ko
ang kaligayahan sa pagtulong sa kanila. Paminsan-minsan
tumitingala ako upang hangaan ang maganda at maaliwalas na tanawin.
Sa mga sandaling iyon ay nakaramdam ako ng pagmamahal at
pagpapahalaga sa kagandahan ng aking katutubong bayan.
Matapos
ang pagsasaka, nagbalik kami sa bahay nila Ka Padring at doon may
inihanda silang tanghalian na pinakbet, sinigang, pritong isda, at
siyempre, kanin. Habang kumakain kami, ipinaliwanag nilang hindi
sila ang may-ari ng kanilang lupang inaararo. Kahit na nanirahan
nang matagal na panahon ang kanilang mga ninuno doon, sinakop ng
pamahalaan ang lupa para ipagbili ito sa mga malalaking korporasyon, at
pinilit silang maging mangungupahan lamang ng lupa. Sa mga
nakaraang dekada, sinubukan ng pamahalaang ipamigay ang lupa sa mga
magsasaka tulad ng programang “land reform” ni Marcos at ng
Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP ni Aquino. Ngunit
dahil sa kapangyarihan ng mga asendero sa Kongresong pinagsamantalahan
ang butas sa batas, hindi pa nagtatagumpay ang mga programang ito.
Bukod dito, hindi inasikaso ng pamahalaan ang pagbibigay ng
panlipunang paglilingkod katulad ng sapat na edukasyon at
pangangalagang pangkalusugan, Mga dalawang oras ang layo ng
pinakamalapit na paaralan at ospital, kaya kadalasan kumukonsulta sila
sa katutubong manggagamot kung sila ay may karamdaman. Hanggang
ngayon ay ipinaglalaban pa rin nila ang kanilang karapatang makapag-ari
ng lupa at makatanggap ng mga panlipunang paglilingkod, bilang kasapi
ng Kilusang Mambubukid ng Pilipinas o KMP. Sa makabagbag-pusong
tono ng boses nila, napansin naming pinananaligan nilang mahigpit ang
kanilang layunin.
Pagkatanghalian,
nagpahinga kami at nakipaglaro sa mga bata. Kahit na simple lang
ang kanilang paglalaro ng mga bato sa isang pirasong karton, napakasaya
nila sa pakikpaglaro sa amin. ‘Ani Ka Padring, masasaya sila sa
maliit na bahay nila at ayaw nilang lumipat sa lungsod kahit may mas
maraming gawaing pangkabuhayan doon. Hinamon nila ang penomenang
modernisasyon na iminungkahi ng pamahalaan, dahil habang may kalusugan
at trabaho sila ay kontento na sila sa kanilang kalagayan, samantalang
ang mga mamamayan ng unang mundo ay di pa rin ganap na nasisiyahan sa
kabila ng kanilang materyal na kayamanan. Tumimo sa aking puso
ang kaligayahan at kasimplihan ng kanilang buhay.
Ibang-iba
sa magandang tanawin ng Tungkol Mangga, sumunod kaming naglabkay
kinabukasan sa Smokey Mountain sa Tundo, kung saan naninirahan ang mga
pinakadukhang tagalungsod ng Maynila. Sumakay kami ng dalawang
beses sa MRT papunta sa Cubao at saka sa Monumento, kung saan bumaba
kami at sumakay muli sa traysikel papunta sa Tundo. Nang dumating
kami, nahirapan akong huminga dahil sa kakapalan ng usok sa hangin.
Ang katindihan ng usok na ito ay galing hindi lamang sa basurang
nagkalat kung saan-saan, kundi maging sa pagsasunog ng goma ng gulong ng
sasakyan upang gamitin o ipagbili ang asero na nasaloob nito. Sa
buong pamamalagi namin doon ay kinailangan kong takpan ng panyo ang
aking ilong at bibig para hindi malanghap ang masamang simoy ng hangin
ng polusyon, ngunit nakalanghap pa rin ako nito. Hindi ako
makapaniwala na kaya ng mga naninirahan doong huminga ng matinding
polusyon na parang regular na hangin lamang ito. Mga sampung
minuto pa lamang ako doon ay nahilo na ako at sumakit ang aking mga
baga.
Sumunod
ay binisita namin ang isang kilusang KADAMAY o Kalipunan ng Damayang
Mahihirap na nagtatanggol para sa kapakanan ng mahihirap. Ang
punong-tanggapan nila ay isang mallit na silid lamang na yari sa kahoy
at kartong inihandog ng isang manggagamot, at kung saan din sila
nag-aalaga ng mga bata. Nagbebenta sila ng mga karaniwang gamot
nang mura, mga lima o pitong piso lamang ang halaga ng bawat isa.
Umupo kami sa mga bangko (dahil wala silang maraming silya) at
ipinaliwanag ng pangulo nilang si Carmen Dennida ang kalagayan ng mga
mahihirap sa Tundo.
Ayon
kay Gng. Dennida, naninirahan ang mga dalawang libong pamilya o 150,000
katao sa mga slum ng Smokey Mountain. Ang karamihan sa kanila ay
mga migrante galing sa lalawigan at wala silang ibang trabaho kundi ang
mangolekta ng basura at maghanap ng kahit ano mang bagay na maaaring
pakinabangan para maipagbili o magamit. Katulad ng mambubukid sa
Bulacan, hindi sila tumatanggap ng edukasyon o pag-aalagang
pangkalusugan mula sa pamahalaan, ngunit paminsan-minsan binibisita
sila ng mga manggagamot nang pro bono.
Ang malinis na tubig ay bihira, kaya bihira rin silang maligo
upang makatipid sa tubig na gagamitin sa pagluluto, inumin, at
paglalaba ng mga damit. Kahit na nangako ang pamahalaang
magtatayo ng dalawampu’t isang gusaling iuukol sa pagpapabahay, pito
lamang ang naitayo at hindi naman sila okupado ng mga mahihirap.
Bagamat pinagpapasikatan pa ng pamahalaan ang mga ito upang
ipakita ang kanilang paglilingkod para sa mahihirap na isang malubhang
kasinungalingan. Para sa pagkain, bumibili sila ng mga nakabalot
na “pagpag” na halagang sampung piso ang isang balot. Ito ay ang
mga labing pagkain mula sa Jolibee at iba pang restawran na ginagamit
nila ito sa pagluluto ng iba’t ibang ulam tulad ng adobo. Ngunit
dahil bihira ang pagkain (sa bukirin lamang nakapagtanim ang mga
mambubukid ng sarili nilang pagkain), dumanas ang ilang pamilya ng
pagkagutom, kumakain lamang ng kanin na may toyo o asin isang beses sa
isang araw o kada dalawang araw. Sa bawat pangungusap ni Gng.
Dennida ay natanto kong kaharap ko noon ang pinakamahirap sa mga
mahihirap.
Pagkatapos
ng kanyang ulat tungkol sa kalagayan ng kahirapan sa Smokey Mountain,
lumabas kami upang makita ang tunay na realidad. Sa gitna, may
isang napakalawak na tambak, punung-puno ng basura. Sa ibabaw ay
nakakita ako ng parang ulap ngunit sa katotohanan, ito ay ang maruming
gris na usok. Tumawid kami ng mga ilog na puno ng basura’t
maruming tubig, nanulay nang maingat sa isang makitid at manipis na
tabla ng kahoy. Nang sinuri ko ang mga basura sa lupa, nakita ko
ang mga boteng plastik at mga basong papel, mga supot at sako ng junk
food, mga lumang sapatos at iba pang mga bagay na ginamit ng uring
burgesya. Naisip ko tuloy ang mga panahong tuwing hindi ako
nag-rerecycle ng basura at nakaramdam ako ng pagkakasala sa
pagkaunawang nakakadagdag ako sa karumihang iyon (at tiyak na buhat sa
karanasang ito ay nagtatangka ako ngayong hindi mag-aksaya at palaging
nag-rerecycle). Sa isang silya sa ilalim ng isang tolda ay
natutulog ang isang batang babae, ngunit nang lumapit ako sa kanya ay
nagulat ako sa libu-libong langaw na nakadapo sa kanyang buong katawan.
Hindi niya inintindi ito dahil siguro sanay na siya sa dami ng
mga kulisap sa kapaligiran. Hindi ako makapaniwala sa mga nakita
ko – alam kong malubha ang kahirapan ng Pilipino subalit noon ko lamang
naunawaan ang katindihan ng kahirapang tinitiis ng mga maralita sa
araw-araw.
Nang handa na kaming umalis, nagpasiya
kaming magbigay ng kaunting abuloy sa KADAMAY
upang makatulong sa mga mahihirap. Sandaling tumigil ako, pagkatapos ay kinuha ko ang aking
kartamoneda at kumuha ako ng isang libumpisong papel para ilagay sa loob ng sobre. Alam kong malaking
halaga ito sa Pilipinas, at dahil nagtitiwala ako kay Gng. Dennida at nalalaman ko kung paano gagamitin ang
pera, hindi ako nag-atubili sa pagbibigay nito sa kanya at sa aking kasiyahang makakabuti ito sa maraming
tao.
Nang
sumunod na araw, sumakay kami sa isang malaking van patungong Workers’
Assistance Center o WAC sa Cavite. Ang punong-tanggapan nila ay
nasa gitna ng Cavite Export Processing Zone o CEPZ, isang rehiyong
pang-industriya kung saan mayroong maraming pabrika ng pananamit,
elektroniko, at iba pa. Pumasok kami sa kanilang tanggapn at
umupo kami sa isang malaking sala. Tapos sumama sa amin ang ilang
mga manggagawa ng dalawang pabrikang dayuhan, ang Chong Won at ang
Phils-Jeon, at tinalakay naming lahat ang kanilang mga karanasan
bilang empleyado ng mga pabrikang ito.
Bagamat
nagtatrabaho daw sila roon nang mahigit sampung taon na, mababa pa rin
ang sahod nila at wala silang benepisyo katulad ng segurong
pangkalusugan, dahil inupahan sila sa ilalim ng kontratang may tatlo o
limang buwan lamang ang tagal. Pinakikisamahan pa nila ang pangasiwaan
bilang pansamantalang manggagawa dahil paulit-ulit na binabago ang
kanilang kontrata. Taktika ito ng mga kumpanya upang itakda ang
kanilang kapangyarihan sa mga manggagawang humihingi ng dagdag na
benepisyo at kaligtasang pantrabaho. Bukod dito, araw-araw daw
silang nagtatrabaho ng mga sampung oras. Habang hindi nila
naaabot ang kwotang pang-araw-araw, dapat silang manatili sa pabrika
hanggang maabot ito. Karaniwang may karagdagang anim na oras na
walang sahod. Kung lumalampas naman sila ng kwota, tinataasan ito
ng pangasiwaan. Wala silang pahinga kundi isang oras lamang para
kumain at pumunta sa banyo. Isang araw, humingi raw ang isang
manggagawang maysakit ng tuberkulosis ng kaunting pahinga, ngunit sa
halip na pagbigyan ay pinilit siyang magtrabaho nang lampas sa oras.
Sa wakas, namatay siya matapos umubo ng dugo. Walang
mapagpilian ang manggagawa kundi magtiis sa malupit na kalagayan sa
loob ng pabrika dahil ito ang iisang trabahong nakatutustus sa kanilang
pamilya. Nasuklam ako nang matutunan kong ang mga binibili kong
mga yaring damit ng dayuhang kumpanya tulad ng American Eagle, Gap at
Polo ni Ralph Lauren – mga markang isinusuot ko – ay yari ng mga
manggagawang pinagsasamantalahan. Hindi ko akalaing may bahagi
ako sa mahirap na kalagayan ng manggagawang Pilipino dahil sa aking
pagbili ng mga markang ito, at nakaramdam ako ng malubhang kalungkutan.
Pagkatapos
ng aming pakikipagtatalakayan, binisita namin ang isang kalapit na
komunidad ng manggagawa. Doon may mga mahahabang hilera ng
munting apartment, binubuo lamang ng isang silid na katulad ng laki ng
aking sariling silid-tulugan. Sa loob ng silid may kama,
telebisyon, at kusina para sa isang mag-asawa, samanatalang sa ibang
apartment ay may dalawang kamang bunk para sa labindalawang tao.
Dapat silang maghali-halili ng pagtulog ayon sa oras ng trabaho,
kaya may mga manggagawang natutulog dito nang bumisita kami.
Napansin kong walang tunay na kutson sa kama kundi mga ilang
pirasong karton lamang. Ayon sa mga naninirahan doon, wala silang
panahon para magsaya – tila trabaho, kain, at tulog lamang ang laman ng
buhay nila, samantalang dumaraing ako kapag dapat akong mag-aral para
lang sa isang eksamen! Mula sa ganitong kalagayan ng pamumuhay ay
madaling maunawaan kung bakit nagpasiyang mangibang bansa ang mga
tatlong libong Pilipino araw-araw. Ngunit pagtingin sa kanilang
mga mata ay napuna ko ang kanilang matibay na pagtitikang ipaglaban ang
kanilang karapatan para sa mas makatarungang kalagayan sa trabaho, sa
pamamagitan ng pagsali sa mga unyong Nagkakaisang Manggagawa ng Chong
Won (NMCW) at Kaisahan ng mga Manggagawa ng Phils-Jeon Inc. (KMPJI).
Hinangaan ko ang kanilang pagtitiyaga bagamat ayaw ng
pangasiwaang sumuko sa paghahabol ng mga empleyado, at naisip at
naalala ko ang welga ng mga mambubukid sa Delano, California sa
pamumuno ni Philip Vera Cruz noong dekada 60. Umalis kami ng
komunidad ng manggagawang humahanga sa kanilang katapangan sa harap ng
maraming paghihirap.
Hindi
puro seryoso ang pakay ng mga paglalakbay namin – nagsaya rin
kami. Naglakbay kami sa mga museo tulad ng Ayala Museum, Bahay
Nakpil, at Museong Pambansa kung saan nadagdagan ang aming kaalaman
tungkol sa kasaysayan at kultura ng bansang Pilipinas. Sa mga
sumusunod na panahon, namili kami sa mga mall ng Maynila at naging
gawain din namin ang subukan ang iba’t ibang restawran sa paghahanap ng
perpektong sisig o sinigang. Minsang wala kaming klase, nagpunta
kami sa Subic para maglaro sa talon at tabing-dagat, at nang matapos
ang buong programa, nagpunta rin kami sa Boracay upang
mag-island-hopping, lumangoy at pagmasdan ang puti at pinong buhangin,
at ang malinaw at bughaw na dagat. Ang mga karanasang ito ay
nagpapahiwatig sa akin na ang Pilipinas ay hindi isang maruming bansang
puno ng kahirapan, kundi isang bansang may magandang kalikasan, masarap
na pagkain, at matulunging mga tao.
Ang
paglalakbay ko sa Pilipinas noong nakaraang tag-init ay isang
karanasang hindi ko malilimutan. Natuklasan kong ang sanhi ng
kahirapan sa Pilipinas ay hindi nagmumula sa iisang sanhi katulad ng
katiwalian ng pamahalaan kundi bunga ng iba't ibang mga bagay – sa
katotohanan ay mas masalimuot ang suliranin ng kahirapan kaysa sa una
kong pananaw. Hindi ko lubos na naunawaan ito hanggang nakita ko
ito ng sarili kong mga mata sa pamamagitan ng aming maraming pagdalaw
sa iba’t ibang lugar. Paminsan-minsan ang mga nakita ko ay
nakakalungkot dahil tila malalim ang mga suliranin sa lipunan, sa
pamahalaan, at sa kamalayan ng bayang Pilipino, ngunit sa
pagkakilala namin ng mga nag-oorganisa sa mga komunidad na
nakikipaglaban para sa karapatang pantao ay pinukaw akong gumawa ng
anumang makakatulong sa paglikha ng pagbabagong panlipunan para sa
bansang Pilipinas. Bilang isang pinuno ng pamunuan ng Samahang
Pilipino, inaasahan kong maturuan ang mga kapwa kong Pilipinong
mag-aaral sa UCLA tungkol sa mga nangyayari sa Pilipinas ngayon.
Para sa maraming batang Pilipino-Amerikano mahirap nilang
maintindihan ang kalagayan ng Pilipinas dahil hindi sila ipinanganak
doon at dito sila lumaki sa Amerika. Nakadadagdag pa rito ang
kanilang maginhawang pamumuhay sa Amerika kaya mayroong alyenasyon sila
sa bayang nakaugnay pa rin sa kahirapan. Dahil dito, gusto kong
maipabatid ang pagkakataong bumalik sa Pilipinas sa pamamagitan ng
pagsali sa programang tulad ng Philippine Studies Program para himukin
ang mga Pilipinong mag-aaral na matuklasan ang kanilang tunay na ugat.
Sana matanto nilang bagamat naninirahan sila sa Amerika, ay
mayroon pa silang magagawa para pabutihin ang kalagayan sa Pilipinas.
Para sa akin, ang paglalakbay sa Pilipinas ay nagpabuo ng aking
pagpapahalaga sa pagiging katutubong Pilipino, at nagbigay buhay sa
pag-asang balang araw, magkakaroon din ng mas makatao at makatarungang
lipunan sa Pilipinas. Higit sa lahat, natanto ko ang kahalagahan
ng pagtitiyaga sa pagbibigay tulong sa abot ng aking kakayahan
para sa kaunlaran ng minamahal kong bayang sinilangan.