ANG PAMBUNGAD
Sa
kasysayan ng panitikang Pilipino sa Pilipinas, ang tungkulin ng mga
babae sa panitikang Pilipino ay nagbabago. Ang kanilang tungkulin
ay naiiba sa bawat panahon. Ang sanaysay na ito ay tungkol sa
makapangyarihang tungkulin ng babae sa tatlong panahon sa kasaysayan ng
Pilipinas. Ang panahong katutubo bago noong 1564, ang panahon ng pananakop ng mga Kastila, at ang panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay naglarawan ng ibat-ibang klase ng babae sa panitikan.
ANG PANAHONG KATUTUBO BAGO NOONG 1564
Ang
unang panahon ng panitikan sa Pilipinas (ang panahon ng taal na
kalinangan bago masakop) ay ang pinakamahaba. Ang panitikang
katutubo ay ang mga tradisyong salimbibig. Subali’t ang
panitikang ito ay lilibakin at huhusgahang mahinang klase at
kahiya-hiya ang sariling kultura ng mga taong nagtamo na ng kamalayang
kanluranin. Ang panitikang katutubo ay tungkol sa pamuumuhay na
pang-araw-araw. Ito ang wika ng buhay na pang-araw-araw, at ang
lahat ay pasalita. Tulad
sa ibang mga kulturang pasalita, ang tuluyang mga salaysay sa
katutubong panitikan ay ukol sa mga bagay-bagay, kuwento ng
kabayanihan, pabula, at mga alamat.
Pangkaraniwan sa mga babae ang magkaroon ng mataas na katungkulan sa panitikan ng panahong
katutubo bago masakop ng mga Kastila. Ang mga babae ay gumaganap
na diyosa sa mga kathang-isip na kuwento. Halimbawa, sa “The
Great Flood” ni F. Landa Jocano, si Lang-an ng Kadalayapan ay ang
Diyosa ng hangin at ulan. Iniligtas niya ang kaniyang anak sa
malaking baha. Sa “Tuwaang Attends a Wedding,” mayroong din
isang babae, si “Maiden of Monawon.” Mayroon siyang
makababalaghang kapangyarihan. Ginamit niya ang kababalaghan para
hanapin ang kaniyang asawa.
Si
Alunsina din ay ang makapangyarihang diyosa sa kuwentong “Tungkung
Langit at Alunsina.” Napakatamad ni Alunsina, pero mas
makapangyarihan siya kaysa sa kaniyang asawa, na si Tungkung Langit.
Iniwan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang iniwan niya ito,
naging napakalungkot ni Tungkung Langit. Ang ulan ngayon ay ipinagpapalagay na
luha ni Tungkung Langit para kay Alunsina. Ang mga babae ay
makapangyarihan sa mga gawain noong panahong iyon. Mga Diyosa
sila at kapantay sila ng mga Diyos.
ANG PANAHON NG PANANAKOP NG MGA KASTILA
Noong
panahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, mayroong dalawang
tema sa panitikan. Una, ay pansimbahan, na binubuo ng mga tula,
sermon, sanaysay na nangangaral, na nalimbag sa Katolikong mga polyeto
at pahayagan. Ang sekular na panitikan ay nasa anyong palipat-dila at
sa mga manuskrito. Ikalawa, ay ang mga panitikang pambansa.
Ang panitikang pambansa ay ang mga kuwento ng mga katutubong tao.
Noong
una ay mahirap humanap ng mga babae sa panitikan. Subalit, sa
masusing pagsusuri ay napag-alamang siya ay mayroong importanteng
tungkulin, ang Inang Mananakop – ang Kastila. Ang panitikan ay
tungkol sa paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa Espanya. Sa “Katapusang Hibik ng Pilipinas” ni Andres Bonifacio:
Di na kailangan sa iyo ang awa
ng mga Tagalog, O Inang kuhila,
paraiso namin ang kami’y mapuksa,
langit mo naman ang kami’y madusta.
Paalam na Ina, itong Pilipinas,
paalam na Ina, itong nasa hirap,
paalam, paalam, Inang walang habag,
paalam na ngayon, katapusang tawag.
Makapangyarihan ang babae na ito, pero napakatindi ng galit ni Bonifacio sa
kanya.
Kahit na importante ang isang ina sa kaniyang anak, ang anak na
ito (ang Pilipinas) ay kailangang humiwalay at sumibol sa sarili niya.
Ang babae ay may kapangyarihan pa rin sa panahong iyon.
Napakalakas
din ng larawan ng mga babae sa “Hibik Namin.” Pero, hindi sila
mga tauhan, mga awtor sila. Wika nila,
Mga kababayang tunay na kapatid
Tunghayan amg aming tapat na paghibik
Tapunan ng awa’t mahabag sa tinig
Ng mga babaeng dito’y nagsititik
...
Ang pagsarili’y ating ipaglaban
Hanggang may isa pang sa ati’y may buhay,
At dito’y wala na silang pagharian,
Kung hindi ang ating mga dugo’t bangkay.
Ang
mga awtor ay nanawagan sa mga tao para magkaisa. Sawa na sila sa
kalupitan ng mga mananakop. Handa na silang makipaglaban hanggang
sa kahuli-hulihang taong maiwan. Handa silang mamatay para
sa bayan.
ANG PANAHON NG PANANAKOP NG MGA AMERIKANO
Mayroong
isang ina sa panitikang Pilipino na nasulat sa pananakop ng mga
Amerikano; pero, hindi siya ang Espanya, kundi si Inang Bayan. Si
Inang Bayan ay ang Pilipinas- siya ang ina ng mga tao. Ang mga
nasulat sa panahaong ito ay tungkol sa paglaban sa pananakop ng mga
Amerikano. Tungkol din ito sa kalayaan ng Inang Bayan, ng
Pilipinas. Ang dulang “ Kahapon, Ngayon at Bukas” ni Aurelio
Tolentino ay mayroong isang tauhan na si “Inangbayan.” Wika niya,
Makapangyarihan
ang tungkulin niya. Ang mga Pilipino ay niloko ng mga Amerikano.
Alam ni Inangbayan na sila ay niloloko. Siya ang nagpaalala
na kailangan ang kalayaan.
Hanggang
sa panahong ito, ang kababaihan ay malakas pa rin ang katungkulan sa
panitikan. Siya ang tagasubaybay sa mga tao.
Kahit
na gusto ng mga tao ang kalayaan, mayroon pa ring impluwensyang Amerikano
sa panitikan. Halimbawa, ang “Greta Garbo” ni Deogracias A
Rosario. Si Greta Garbo ay ang pinakasikat na artista sa panahon ng pelikulang walang tunog sa Hollywood. Si Monina
Vargas sa akda ay kamukha si Greta Garbo. Subalit, si Rosario
ay tinutuligsa ang modernang Pilipinang ito.
ANG PALAGAY
Si
Alunsina, si Inang Espanya at si Inang Bayan ay nagpakita ng mga halimbawa ng
mga tungkulin ng mga babae sa panitikang Pilipino sa iba't ibang panahon.
Inilalarawan ng mga halimbawang ito ang isang malakas na babae sa
panitikan upang magsilbing uliran at patnubay sa mga tao. Hanggang ngayon, ang mga babae sa
panitikang Pilipino at ang mga babaeng may-akda ay naglalarawan ng mga
babaeng makakatagpo araw-araw sa Pilipinas. Sumusulat sila
tungkol sa lakas ng mga ina, ng mga tita, at ng mga kapatid na babae.