Ang
wikang Filipino ay base sa wikang Tagalog, na malawakang ginagamit sa
mga lalawigan at lungsod sa pulo ng Luzon. Ito ang pambansang
wika ng Pilipinas ayon sa Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas
noong 1987.
Bagama’t Filipino ang opisyal na pangalan nito sa mga dokumentong may kinalaman sa batas o kapag itinuturo bilang kurso sa paaralan, Tagalog
pa rin ang tawag ng karaniwang mamamayan sa wikang ito. Dahil ang
Tagalog bilang dayalekto ay paiba-iba, depende sa lugar na
pinanggalingan ng nagsasalita, ang Filipino ay kinikilala rin bilang Standardized Tagalog ng mga linggwista. Sa aking pagsasalaysay, Filipino o Standardized Tagalog ang tinutukoy ko sa paggamit ng terminong Tagalog. Ang Tagalog na ito ang ginagamit sa National Capital Region
(NCR), ang rehiyon ng Pilipinas na kinabibilangan ng kabisera, ang
Maynila (kolektibo rin ang pangalang ‘Maynila’ kung gamitin ito
ng nakararaming lumuluwas mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas;
kahit saan ka pa man tutuloy sa NCR, para sa mga dayo, sa “Maynila” pa rin
ang luwas mo).
Masasabing
pinagkakatuwaan ng mga sanay nang magsalita ng Tagalog ang mga
nagpupumilit gumamit ng wikang ito. Ang diskriminasyon ay
umigting pa sa pagdating ng mga tubong-Timog Pilipinas sa NCR.
Halata kasing mga bagong salta, dahil malimit silang may punto sa
pagsasalita.
Upang
labanan ang diskriminasyon, marami sa mga nakapag-aral na dayo ang
gumagamit ng Ingles, ang isa pang opisyal na wika ng bansa. Tanda
kasi ng may mataas na estado sa buhay ang mahusay na pagsasalita ng
Ingles sa Pilipinas, kung kaya’t mainam itong panangga sa mga
nakapagsasalita nga ng Tagalog, barok naman kung mag-Ingles.
Hindi kaiba ang lola ko sa ama sa tunggalian ng mga wika o language war na
ito. Si Nanay ay anak ng isang dating gobernador ng Zamboanga del
Sur. Nang makarating sa Maynila, pinagkatuwaan siya sa tuwing
susubukan niyang managalog. Nang lumaon ay inayawan na niya ang
Tagalog. Dahil isinilang sa isang pamilyang pribilehiyado, bihasa
siya sa Ingles at Espanyol. Sa paniniwalang ang malawak na
kaalaman at matatas na pagsasalita ng Ingles ay nagbibigay sa isang tao
ng mataas na pagtingin at malaki ang naitutulong sa pag-unlad sa buhay
(at paminsan-minsang pagbanggit na nasobrahan daw ang mga Tagalog
sa panggagagad sa wika nila), magiting niyang iminungkahi na ang
kanyang mga apo ay mag-aral ng Ingles at maging dalubhasa sa paggamit
nito.
Ang
pananaw ni Nanay tungkol sa wika ay sinuportahan ng aking inang isa
ring probinsiyana mula sa Pampanga. Hindi na ito pinagtalunan pa.
Magna cum laude nang magtapos si Mummy sa kolehiyo. Alam niyang higit sa anupaman, ang Ingles, bilang isang international language, ay indispensable academic tool.
Tuloy, miyembro man ng pamilya, kasama, o bisita, Ingles ang gamit sa loob ng tahanan. Nangingislap pa ang mga mata ni Mummy nang minsan niyang ikuwento si King (ako ‘yon), wala pa raw isang taong gulang nang sabihin nito sa kanyang, “Mummy, I’m riding a bike.”
Hindi ko naman masasabing tinuruan akong kamuhian ang wikang
Filipino. Iyon nga lamang, napaghahalatang may natatanging
pagpili sa wikang Ingles sa pagpapalaki sa akin, kung kaya’t kapag
ipinaghambing ang dalawa, nagmistulang naisantabi ang wikang Filipino.
Dating
gerilya si Tatay, ang lolo ko. Naging malimit niyang biro na
mahigpit pa raw sa Hapon kung makapagsensor ng midya sina Nanay at Mummy.
Paano kasi, anumang ipinagbabawal sa bahay ay maaari lamang
mapabilang sa isa sa tatlong kategoriya: madugo, pornograpiya, at
Tagalog. Ang mga babasahin, pelikula, cartoons, at mga programa sa telebisyon na pinaghahalo ang pagiging madugo, X-rated,
at Tagalog ay waring sukdulan sa kalapastanganan kung kaya’t ang mga
ito’y sinunog— hangga’t maaari— kasama ng mga tuyong dahon at
pinaggamasan sa likod-bahay. Hindi maipagmamalaki ng mga kinuha
kong kurso sa kasaysayan na doon ko nasagap ang ideya ng Spanish Inquisition; apat na taong gulang pa lamang ako’y alam ko na ito.
Pinag-aral
ako sa isang istriktong pribadong paaralang Katolikong pinatatakbo ng
mga madreng Heswitinang lulong na parang mga adik sa English grammar, sentence diagramming, enunciation, at International Phonetic Alphabet
(IPA). Magpahanggang ngayon ay kaya ko pang isulat sa IPA ang
anumang salita, basta’t alam ko ang pagbigkas dito. Bukod pa sa
mga kursong itinuturo sa wikang Ingles, apat na kursong nakatuon sa
Ingles mismo ang kinukuha ko taun-taon— Grammar, Literature, Speech, at Writing. Isang kurso naman ang ginugugol sa Filipino.
Ang
kaisa-isang kursong iyon ay kailangan pa ring maipasa. Upang
bigyang diin ang kahalagahan sa pamilya ng pagsisikap, katulad ng mga
nakatatanda kong kapatid ay pinayagan na rin akong pag-aralan ang
Filipino noong ako’y anim na taong gulang. Gaano man kakatwa,
para na rin makatiyak na maghahari pa rin ang wikang Ingles sa pagkatao
naming magkakapatid, naglagay sina Nanay sa bahay ng isang garapong
paghuhulugan ng piso para sa bawa’t salitang Tagalog na banggitin nang
hindi kinakailangan. Ang halaga ng pisong ito ay hindi dahil
ito’y salapi, kundi simbulo ito ng panandaliang pagtalikod sa
makapangyarihang wikang Ingles, animo’y analohiya sa mga baryang pilak
na mas pinili ni Hudas kaysa “Tagapagligtas ng Sanlibutan.”
Sampung
taon akong pinag-aral sa paaralan ng mga anak-burgis. Datapwa’t
patakaran dito ang pagkuha ng isang komprehensibong kurso sa Filipino
bawat taon, hindi magiging panganib ang masyadong pagkaligaw sa
Tagalog. Sa paaralang ito, kapag nakapagsalita ka ng
purung-purong Tagalog, humanda ka nang masalat sa noo na may pasaring
na, “Nasaniban ka yata ni Mrs. Dizon” (ang guro sa Filipino).
Halos
magkandarapa ang mga madreng gawing eksperto sa Ingles ang kanilang mga
mag-aaral, at sa pananalig na kaya nilang gawin ito, mukhang hindi sila
susuko. Naging balakid nga lamang sa plano nila ang katotohanang
hindi lahat ng paaralan sa Pilipinas ay kayang makapagturo ng lebel ng
Ingles na maririnig sa mga katutubong nagsasalita talaga nito.
Walang magawa ang mga madre kundi mag-empleyo ng mga gurong may
kaalaman sa Ingles na sapat lamang para maituro nang maayos ang mga
kurso, basta ba hindi sila mga guro para sa mga asignaturang nakatuon
mismo sa wikang Ingles.
Sa
aking ikaapat na antas sa sekundarya, kaming mga mag-aaral ay naharap
sa isang batalyon ng mga gurong napakatatatas sa wikang kinilala namin
sa taguring “toilet English.” Naging pet peeve ng bawat estudyante ang maling pagbigkas, at sa mga guro naibuhos ang pagkainis sa Math, Physics, Economics, Religion, at History.
Kami
ay nagmistulang English Police, at ang hepe ay isa sa pinakamatatalik
kong kaibigan. Pigil na hagikgikan mula sa aming mga nakaupo sa
harap ng klase ang sumalubong sa “froducks and serbvices” (products and services), “angles of elebvation and defression” (elevation and depression), “availavility” (availability), “hayving” (having), at “the impacts of the 1789 Prench Revolution” (French). Sigaw pandigma naman ng mga mababangis na estudyante sa likod ang “fifty!” “fifteen!” “seventy-five!” sa pagsapit ng bawat “pifty,” “pifteen,” at “sebénty-fibe.”
Sa
aking pagmumuni-muni ngayong nakatapos na ako sa paaralang iyon,
napagtatanto kong bagama’t mas kaiga-igaya pa kung minsan kaysa laro ng
basketbol ang pagkatuwaan ang pananalita ng iba, at trabahong mala-Sisyphus
man ang pagpigil sa pagtawa, higit na mahirap para sa isang guro ang
pumasok araw-araw sa klase na alam niyang pugad ng mga “kalaban.”
Mahirap din siguro para sa gurong iyon ang isiping maaari sanang
maiwasan ang kalagayang ito kung nakapag-aral lamang siya sa isang
paaralang tulad ng pinasukan namin. Sa partikular na ecosystem na kinabibilangan ng aming mga guro, yaong mga kinalyo na yata sa kapal ang mga mukha ay fittest at most likely to survive.
Ngayon ay nakikita kong malaki ang dapat naming ipagpasalamat sa
mga gurong iyon. Dahil hindi nila ininda ang mga panunuya namin,
nagsi-survive sila, at kami namang nagpakasaya sa pagpuna ng mga grammatical errors at mispronunciation
ay nagkaroon ng mataas na pamantayan sa balarila at pagbigkas.
Kabalintunaan man, ngunit mukhang hindi nagkamali ang mga madre
nang upahan nila ang mga gurong ito.
Malinaw
sa akin na sa respetong ito’y sinasalamin ng aking buhay ang macrocosm
na siyang bansang Pilipinas, kung saan naghahari ang Ingles.
Ipinagmamalaki ng sistema ng edukasyon na Ingles ang pangunahing
wika ng pagtuturo. Sa Ingles nabubuhay ang mga mundong legal at
ekonomiko; nakasulat sa Ingles ang mga dokumento, subtitles
sa Filipino. Ang Konstitusyon mismo ay sa Ingles pangunahing
nakasulat. Ingles ang gamit sa mga transaksyon at sa mga panayam
sa paaralan at sa pagkuha ng trabaho. Sabi nga sa aming
magkakapatid noong kami’y mas bata pa, “everything that is nationally and economically important is in English.”
Dahil sa paghahari ng Ingles sa Pilipinas, maraming Pilipino ang nakapagsasalita ng Ingles. Sabi nga sa isang traveler’s guide, “Filipinos speak English fairly well. It is not an absolute must to know Tagalog except for long-term stay.” Ang ilang Pilipino’y nagmistulang dayuhan na kung mag-Ingles, samantalang ang iba nama’y kuntento na rin sa “broken o toilet English,” basta ba nakapag-i-Ingles. Commodity
ang kaalaman sa Ingles, at ang mga may kakayahang pag-aralan ito nang
masusi ay yaong mga may kakayahang bilhin ito. Pinalad lamang ako
at ang aking mga naging kamag-aral, sapagkat walang puknat itong binili
ng aming mga magulang.
Sa
paglipas ng panahon, humupa na ang paghihigpit sa paggamit ng wika sa
bahay. Maaari na akong gumamit ng anumang wikang aking nais,
kahit pa simpleng Espanyol at basag-basag na Pranses. Subalit
masasabi kong ang expressive outlet
ko ngayon at marahil hanggang sa aking pagtanda, ay talagang sa Ingles.
Ingles ang gamit ko sa pakikipag-usap sa aking mga magulang, mga
kapatid, kaibigan, at kamag-anak. Madalas akong mag-isip at
magdasal sa Ingles. Pati yata masasamang panaginip ko ay nasa
Ingles. Nakahihigit ang laban ko sa isang patimpalak kung sulatin
sa Ingles ang pinagtatalunan sa paligsahan.
Lumipad
patungong Amerika ang aking pamilya apat na taon na ang nakararaan.
Dito na ako nag-aaral. Hindi ko napigilan ang sariling
magmalaki nang malaman kong ang ilang unibersidad na may magagandang
pangalan tulad ng UCLA at Loyola Marymount ay nagtatala sa class schedule ng mga kurso sa Filipino. Nakatutuwa ring may mga taong hindi naman Pilipino o Filipino-American, ngunit napupukaw pag-aralan ang isang wikang aking ginagamit at inaangkin.
Ayon sa isang lumang kasabihan, “absence makes the heart grow fonder.” Susog naman ng siniko (cynic) sa loob-loob ko, “and sometimes absence makes the heart grow dead,”
subalit sa pagdayo ko sa ibang bansa, nakatutuwang higit kong
napahalagahan ang ilang aspeto ng kulturang Pilipino, isa na rito ang
wika, na dati-rait’y hindi ko napagtutuunan ng pansin.
Ingles
ang kauna-unahang wikang aking ginamit, at marahil ito na rin ang huli,
subalit sa Tagalog—o Filipino— ako tunay na umiibig. Malaki ang
paggalang ko sa wikang ito. Hindi man ako nakapagsasalita ng
purung-purong Tagalog, tinitingala ko ang mga may ganitong kakayahan.
Hindi ako nakapagsusulat ng mga tula o sanaysay (na hindi kailangan sa
klase) sa Tagalog, ngunit nasisiyahan akong magbasa ng Filipino prose at poetry.
Ikinamamangha ko ang kapangyarihan ng wikang Filipino na
paglapatin ang salita sa damdaming ipinahihiwatig ng musika. Ang
mga kundiman ang pinakapaborito kong tugtugin sa piyano, hindi lamang
dahil sa yaman ng musika, kundi dahil rin napakamatulain ng titik ng
mga ito. Magpahanggang ngayon ay wala pa akong nahahanap na
piyesang isinulat sa Ingles na makapapantay man lamang sa
pagkamatulain, pananalinghaga, at kasidhian at kayamanan ng musika ng
kundiman.
Ang pormal na Filipino ay sadyang sapak sa kariktan. Ang versatile na palatunugan (phonetics) nito ay susi sa kakayahan ng isang Pilipino na ibagay ang pananalita sa anumang diin (accent)
at intonasyon ng iba’t ibang wika. Ang palatunugan ng wikang
Filipino ang siyang nagpapahintulot sa maraming Pilipino, sa akin, na
maging mahuhusay na tagapagsalita ng wikang Ingles.
Ang
Filipino ay isang dinamikong wikang binubuo ng mga salitang nagmula sa
iba’t ibang sulok ng daigdig, ngunit pinagbuklud-buklod ng isang tiyak
na reglamento ng balarilang mas mataas pa sa ilang sistema ng wika ng
mga bansang nakaaangat, kaya naman hindi ito madaling pag-aralan.
Ang Filipino ay kumukurot sa puso at kumikiliti sa isipang
mapaglaro, kung kaya’t ang mga pangugusap na isinusulat o binibigkas sa
pormal na Filipino ay kadalasang madamdamin.
Ang
wikang ito ay napakayaman, na ang isang bagay ay maaaring italastas sa
maraming bersiyon ayon sa damdaming nais ipahiwatig. Sinasabing
hindi kayang tumbasan ng anumang wika ang damdamin, subalit para sa
akin ay hindi na malayong maabot ito ng wikang Filipino.
Halimbawa, ang “I love you”
ay maaaring isalin sa napakaromantikong “iniibig kita” o “iniirog
kita,” o sa mas pangkaraniwang “mahal kita,” na hindi rin sinasambit
nang walang pamitagan sa kabuluhan ng pagmamahal. Ang “I miss you”
ay maari namang “nangungulila ako sa iyo,” na punum-puno ng pag-asam o
“sabik ako sa iyo,” na hindi lamang hitik sa pag-asam kundi pati sa
paghangad ng maligayang pagsasama.
Sa ngayon ay ginagamit ko ang wikang Tagalog sa pagpapakitang tapat sa loob ko ang aking
sinasabi, kung madamdamin ito. Iisa pa lamang sa buhay ko ang nasabihan ko ng “Mahal kita” at “Sabik
ako sa iyo,” at ang taong ito ay hindi Pilipino. Matagal ko na siyang hindi nakikita at nakakausap,
subalit umaasa akong isang araw, makatatanggap din ako ng sagot--at sana’y marinig ko ito sa Tagalog.