Halos
tatlong oras na akong nakababad sa init, pawis na pawis at basang basa
ang likod ng aking t-shirt pero tuloy pa rin ang paghingi ko ng
mga lagda para sa “Count Me In! Campaign” ng Asian Pacific
Coalition. Habang kami ay nangangampanya, may dalawang matandang
Sri Lankan ang nagtanong sa akin, “Thai ka ba?” Hindi ko sila
kaagad sinagot, imbes tumingin ako pababa sa aking kulay asul na
t-shirt na may matingkad na tatak na “Samahang Pilipino”.
Tumingin ako pabalik sa kanila pero hindi nila napansin ang aking
pagtataka. “Hindi po ako Thai, eh Pilipino po ako.” Pagkalipas ng
limang oras na pangungulit at pagmamakaawa para sa mga lagda, apat pang
tao ang nagtanong kung Thai ako; ang tugon ko na lang ay ang
pababa kong tingin sa aking t-shirt.
Tag-init
ng Agosto, tapos na ang aking pag-aaral sa summer school at ang aking
mga responsibilidad bilang tutor. Masaya ako sa aking sarili
dahil marami akong makabuluhang nagawa hindi lamang para sa aking
sariling pagsulong kundi maging sa pansariling kaunlaran ng aking
mga estudyanteng nagnanasang bumalik at makapasok muli sa UCLA.
Labis ang aking katuwaan dahil ako ay babalik sa mahal na
Inang Bayan. Apat na taon na ang nakalipas nang umuwi ako ng
Pilipinas, talagang sabik akong bumalik dahil makikita ko na rin
ang lupang aking pinagmulan. Hinamon ko ang aking sarili,
“Anette, ito na ang iyong pagkakataon na maging kritikal ka sa
mga karanasan mo sa Pilipinas. Ito na ang iyong oras upang imulat
ang iyong mga mata at gamitin ang iyong pinag-aralan para maintindihan
ang mga pangyayari at ang iyong magiging karanasan sa Pilipinas.”
Makulimlim
at umuulan nang lumapag ang eroplano sa Ninoy Aquino International
Airport. Sinalubong kami ng aking lola at ng dalawa kong tiyahin
na nag-arkila ng isang malaking puting van na galing pa ng Tarlac.
Agad kong hinanap ang aking mga tiyuhin, tiyahin, at mga pinsan
ngunit walang laman ang van. “Naku busy silang lahat doon, may
mga pasok sila sa trabaho at eskuwelahan. Hayaan mo, makikita mo rin
silang lahat pagkabalik natin sa Tarlac. Aba, pumayat ka 'ata ha!”
ang sabi ng aking Tita Nelia, isang masayahin na single parent na
nagtatrabaho bilang manager sa malaking supermaket. Ako ay
nabigo dahil isang malaking grupo ang aking inaasahan sasalubong sa
amin. Noong maliit pa ako, sabik na sabik akong pumunta sa
paliparan dahil isang baryo ang sasalubong sa balikbayan. Kahit
luma at bulok ang dyipni, siksikan kaming lahat para mag-unahan kaming
makapili ng aming mga pasalubong. Pero sa aking pagbalik, tatlong
tao lamang ang naghihintay sa loob ng magara at komportableng van.
Mula sa araw ng pagbaba ko ng eroplano, natanto ko na ang aking
paglalakbay sa Pilipinas ay mababahiran ng dalamhati.
Halos
araw-araw ay mahangin, umuulan, at bumabagyo pero hindi ako napigilan
ng ulan na lumabas, galugarin ang Tarlac, at makisalamuha sa mga
tao. Sinubukan kong makibagay sa aking kapaligiran upang muli
kong maranasan kung ano ang pakiramdam, hindi bilang isang turista kung
hindi bilang isang mamamayan ulit ng Pilipinas. Ikalawang araw pa
lang ng aking paninirahan sa Pilipinas ay inutusan na ako ng mahal kong
lola na bumili ng gamot sa siyudad. Labis ang tuwa at kaba ko
dahil lalabas akong mag-isa palabas ng baryo. Kinabahan ako dahil
baka mawala ako o baka naman manakawan ako sa daan at mawalan ako ng
pamasahe pauwi, ngunit natuwa rin naman ako dahil parang umatras ang
panahon dahil dati akong laging inuutusan pumuntang bayan para bumili
ng gamot o pagkain. Hanggang ngayon ay mahilig akong magreklamo
lalo na pagdating sa utos ng mga nakakatanda, pero buong tuwa
kong tinanggap ang bilin ng aking lola. Mainit at mataas ang araw
ng bumaba ako ng dyipni sa harap ng botika. Nakipagsiksikan ako
sa mga bumibili ng gamot sa Mercury Drug Store. Ang botika ay
nasa gilid ng kalye at hindi mo kailangang pumasok ng gusali upang
bumili ng gamot. Nakatalikod ako sa daan habang hinihintay ko
‘yung babae na ibigay ang gamot na hiningi ko. Bigla na
lang may kumalabit sa likod ko. Lumingon ako at nakita ko ang
isang batang nakayapak, busabos, punit-punit ang damit, at madumi,
malungkot ang mata at nakasimangot, nagmamakaawang bigyan siya ng pera
habang nakabukas ang kanyang palad. Bigla akong nagulat at
napatalikod dahil ako ay nabigla; hindi ko inaasahan na
makakakita ako ng isang batang namamalimos. Kay tagal na nga ng
panahong lumipas, nakalimutan ko ang kahirapan sa Pilipinas, siguro ay
pinilit kong limutin ang histura ng mga bata at matatandang sakdal sa
kahirapan. Hindi ko matanggihan ang mga batang namamalimos.
Tinignan kong mabuti ang dala kong pera, bente dolyar at limang
tig-isang daang piso. Buti na lang ay may barya ako para pamasahe
kaya binigyan ko siya ng singko pesos. Pagkatapos niyang
magpasalamat ay kinalabit naman niya ang katabi ko at ang mga
ibang taong bumibili ng gamot. Maraming tumalikod sa kanya at
pinaspas ang kanilang mga kamay upang paalisin siya.
Bumalik
ako sa Estados Unidos, galit na galit sa mga Pilipino at bigong-bigo.
Paano ko ipagdiriwang ang pagiging Pilipino kung puro hirap at
pagdurusa ang aking nakikita sa mga mata ng aking kapwa Pilipino?
Paano ko pupurihin ang mga Pilipino kung ang gobyerno ang mismong
nagnanakaw mula sa sarili nilang mamamayan na dapat nilang pagsilbihan?
Paano ko ipagmamalaki ang identidad bilang Pilipino kung ang mga
kabataan na tulad ko ay nagnanasang maging mestiso o mestisa, at
“trying hard” na "spoken-in-English" kahit baluktot ang kanilang Ingles
at bihasa naman sila sa Tagalog? Paano ko tatawagin ang aking
sarili bilang Piliipino kung sa ibang bansa ang tingin nila sa mga
Pilipino ay chimay? Paano ako mangangarap at aasa sa isang
maningning at makulay na kinabukasan sa Pilipinas kung ang pamilya ay
watak-watak dahil ang magulang ay nasa ibang bansa nag-aalaga ng hindi
nila kadugo at ang kanilang mga anak ay nagrerebelde dahil wala
silang mga magulang na kanilang liwanag at gabay sa buhay?
Pagbalik
ko sa UCLA, naging isa akong galit na estudyante buong taglagas.
Kahit na ako ay nakangiti at laging maingay na tumatawa,
panakip lamang ang aking masayahing personalidad sa aking galit
at siphayo. Isang araw, tinanong ko ang aking sarili, “Naku
Anette, ang lakt ng poot mo sa mundo. Bakit hindi mo kaya
pahalagahan ang mga natutunan mo at subukan mong gawing positibo ang
iyong negatibong enerhiya para makatulong ka na mapabuti kahit papaano
ang mga taong nakapaligid sa iyo?” Naudyok akong kumilos at
seryosohin ang aking trabaho bilang APC Representative ng Samahang
Pilipino. Lalo namang lumala ang aking galit at inis dahil ang
aking pangarap na mapabuti ang sitwasyon ng mga naaapakan ay mabagal
matamo. Hindi ko natanto na matagal makamit ang matamis na bunga
ng aking mga plano. Pagod ako bawat sandali dahil hindi lamang
kinakailangan kong tuparin ang aking responsibilidad bilang isang
estudyante at bilang isang intern sa aking trabaho sa Community
Programs Office. Araw-araw ko rin kinailangang magpunta sa
mga miting na minsan ay anim na oras ang haba. Natakot ako noong
napansin ko na ang “Red Bull” na ang nagpapagana sa aking
sistema. Hindi na dugo ang umaagos sa aking katawan kung hindi
“red bull” at kape. Ang aking pagod at galit sa lahat ng
bagay ang lalo pang nagpababa sa aking moral.
Hindi
lamang pisikal na pagod ang aking nadama kung hindi rin mental at
emosyonal na pagod rin. Laging nasa aking isip ang tanong ni Alina,
“Pilipino o Pilipino-Amerikano?” Kailan man ay hindi ko inisip na
tawagain ang aking sarili bilang “Pilipino-Amerikano.” Kapag
naririnig ko ang dalawang magkaugnay na identidad, isang imahe ang
biglang pumapasok sa aking isipan. Ang pangalan nitong imahe ng isang
Pilipino-Amerikano sa aking kathang-isip ay "Kelly." Isa siyang
mestisang babae na bumabalik-balik sa Pilipinas bilang turista.
Kulay mais ang buhok, makapal ang make-up, isang katutak
ang pulseras at kwintas, malakas at nakakahilo ang amoy na Gucci niyang
pabango, mataas ang tingin sa sarili dahil “slang” ang Ingles at
nakasuot ng Abercrombie & Fitch. Dagdag pa ang suot niyang
“Ugg” boots kahit tag-init. Siya ay masungit, maselan, at
laging natutupad ang ano mang hingin dahil akala niya ay mas mataas ang
kanyang pagkatao sapagkat siya ay nakapag-aral sa Amerika at maginhawa
ang buhay sa banyagang lupa.
Ngunit
unti-unting nagbago ang imahe ng isang Pilipino-Amerikano sa aking
paningin. Mula sa aking mga klase at sa Samahang Pilipino, nakilala
ko si Philip Vera-Cruz, si Bulosan, ang mga beterano na lumalaban para
sa kanilang karapatan, at ang mga manong na naghirap upang maitaguyod
ang kanilang sarili at ang pamilya sa Amerika. Sila ang mga
nagbukas ng daan para sa aming mga kabataan na maranasan ang mga
pribelehiyo dito sa Amerika. Nalaman ko ang mga paghihirap noong
nakaraan at hanggang sa kasalukuyan ng mga Pilipino sapagkat sila ay
isang dayuhan at kulay kayumanggi. Natanto ko ang kahulugan ng
“Makibaka! Huwag matakot!” na siyang aking ginawang motto para sa aking
pansariling kaunlaran. Higit sa lahat, nakita ko ang mapusok na
pagmamahal ng mga Pilipino-Amerikanong estudyante, hindi lamang sa UCLA
kung hindi sa ibang bahagi rin ng bansa, na maunawaan ang kasaysayan ng
mga Pilipino at higit sa lahat ay tumulong sa kapwa nila Pilipino.
Noong unang taon ko sa UCLA ay sinadsadya kong iwasan ang mga
Pilipino-Amerikano sapagkat mababa ang tingin ko sa kanila, pero lahat
ng iyon ay nagbago noong nakilala ko ang aking mga kaibigan sa Samahang
Pilipino. Tumaas ang respeto ko sa mga Pilipino-Amerikano.
Nakita ko ang kanilang mga paghihirap at karanasan at naihambing
ko ito sa aking karanasan sa Amerika. Habang iyon ang nangyayari,
tinanong ko ang aking sarili, “Pilipino-Amerikano na ba ako?”
Sa
aking pagninilay-nilay at pagtatanong sa aking identidad, nakuha kong
mabuksan ang aking dalamhati sa mga taong malapit sa aking puso.
Biglang humupa ang aking galit; natanto ko na nakalimutan
ko na ang mga taong nakapaligid sa aking buhay. Napansin ko na
lagi na lang akong galit at nagrereklamo samantalang ang dami kong mga
kaibigan na guston akong matulungan at marami sa kanila ay matindi ang
pagmamahal sa kanilang adhikain na makatulong. Galit ako sa mga
hindi nakikitang kaaway ng mga naapi pero nakalimutan ko na napakalakas
at puno ng pag-asa ang mga Pilipino kahit saan man sila naroroon. Kung
marami sa kanila ay optimistiko ang paningin sa buhay kahit naghihirap,
bakit hindi ganun ang aking tingin sa buhay? At bakit din
sinubukan kong kalimutan ang Pilipinas? Ang pamilya ko ay nandoon
araw-araw, masaya at tumatawa kahit sa tingin ng tao ay mababa ang
kalidad ng pamumuhay. Akin ring naalala na noong lumalaki ako sa
Pilipinas, kahit na wala kaming mainit na tubig na lumalabas mula sa
shower at kahit dyip lang ang aking sinasakyan, masaya at kontento pa
rin ako sa buhay. Natanto ko na kahit saan man ako, Pilipinas,
Amerika, o ano mang bansa, kapag ako ay nakakakita at nakakakausap ng mga
Pilipino, nararamdaman ko na ako ay may tahanan.
Para
sa aking huling papel sa Tagalog, tinanong ko ang aking sarili kung
anong identidad ang aking ilalagay sa konklusiyong. Matagal kong
inisip ang tanong na iyon, halos buong taglagas akong nagmumuni-muni.
Sabi ng isang propesor ng kasaysayan ng Amerika, “Sa kolehiyo
ninyo mararanasan ang paghahanap ng inyong identidad pero hindi ninyo
dapat limitahan ang inyong sarili sa iisang identidad; ang kolehiyo ang
nagsisilbing pambukas ng inyong mga kaisipan at sa kolehiyo ninyo
mararanasan na palawakin ang inyong identidad. Pag-isipan ninyo
ito nang mabuti,” ang dagdag pa ni Propesor Corey. Pagkatapos ng
kanyang klase aking naisip, “Tama ang sinabi ni Propesor! Masyado
naman akong nadala ng isyu ng identidad na nakalimutan kong pahalagahan
ang natutunan ko mula sa ibang kultura na nagpalawak ng aking isipan.
Pero ano ba yan?! Nalilito na naman ako, hindi ko matatapos
ang aking huling papel sa aking klase sa Filipino kung hindi ko ito
masasagot...”
Isang
araw, habang ako ay nagbubulay-bulay sa aking maliwanag na kuwarto, sa
harap ng aking laptop handa na para ayusin at tapusin ang aking mga
tugon para sa huling portpolyo para sa aking klase, at habang nakikinig
ako sa kantang “Umagang kay Ganda” ni Bamboo, aking naunawaaan na kahit
ako ay nasa Pilipinas, Amerika, o ano mang sulok ng mundo, tatawagin ko
ang aking sarili bilang isang Pilipino. Napangiti ako dahil
naalala ko ang buhay ko sa Pilipinas at natuwa ako sapagkat maraming
mga taong nagmamahal sa akin, ang iba sa kanila ay itinuturing ang
Pilipinas bilang tahanan kahit hindi man sila ipinanganak doon. Ako
ay Pilipino dahil ang aking paningin sa mundo at ang aking buong
pagkatao ay hinugis ng aking mga natutunan mula sa mga paghihirap,
kasayahan, at karanasan ko sa Pilipinas. Ang Pilipinas at
mga Pilipino ay bahagi ng aking tahanan sa aking puso. Ako ay
Pilipino at buong puso ko itong ipagmamalaki; pero ako ay
nabibilang sa isang malaking pangkat, ito ay bilang isang tao.
Ngayon ay kontento ako dahil sa aking napiling identidad ngunit
hindi natatapos ang aking pakikibaka at ang aking patuloy na pag-aaral,
kaya ngayon ay hinamon ko ang aking sarili, “Ano ang maihahandog
ko sa mundo bilang isang Pilipino?”