Sa unang tingin ang pelikulang "La Visa Loca" ni Mark Miely (manunulat at direktor) ay isang masaya, at mababaw, na pelikula tungkol sa paulit-ulit na pagtanggi ng embahadang Amerikano sa bisa ni Jess papunta sa Amerika. Si Jess ay isang drayber ng mga turista para sa isang malaking otel sa Maynila, at ang hangarin niya ay makapunta sa Amerika para sundan ang kanyang nobyang nagtatrabaho bilang isang nars sa California. Dahil gusto nang magpakasal ng kanyang nobya, at dahil hangad din ni Jess na makahanap ng mas mabuting trabaho para makatulong sa kanyang masakiting ama, mataimtim na pabalik-balik si Jess sa embahada para makamtan ang kanyang layunin kahit na paulit-ulit siyang pinapahiya ng Amerikanong konsul. Isang araw, di-inaasahang nagtagpo muli ang landas nila ni Mara, ang dati niyang nobya at ang anak nitong batang lalake. Sa pagdaloy ng pelikula, nanumbalik ang dating pagmamahalan nina Jess at Mara. Nalaman din ni Jess na siya ang ama ng anak ni Mara at sa huli, nagpasiya siyang manatili na lamang sa Pilipinas upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang ama, asawa at puno ng kanyang pamilya.
Ang mga nakakatuwang eksena ay nagpapagaan ng mga trahedya sa buhay ng mga tauhan ng pelikulang ito, pero ang komedya ay naghahatid rin ng mas mabigat na mensahe tungkol sa pagkalalake at nasyonalismo. Sa umpisa, ipinapakitang walang bisa ang kanyang pagkalalake sa harap ng mga pangyayari sa kanyang buhay. Kahit subukan man niya, tila walang kontrol si Jess sa kanyang sarili at siya¹y pinamamahalaan ng mga pangangailangan ng iba, mga pangagailangan na hindi niya nakakayanang tuparin. Ang kanyang pagka-emaskulado ay kaugnay din ng paulit-ulit na pagtanggi sa kanyang bisa, isang paglalarawan ng mga puwersang geopolitical na nagdidikta ng mga hangganang nasyonal na mahirap tawirin kung ikaw ay galing sa Ikatlong Daigdig. Kaya nang tanggihan ni Jess ang nobyang nasa Amerika para kay Mara, at nang talikuran niya ang pagnanasang makapunta sa Amerika, makikita ng manonood ang isang paglalarawan ng nasyonalismo dahil sa kusang pagtanggi ng bida sa nasabing pwersang geopolitical na nagdidikta sa galaw ng kanyang katawan.
Parang isang interogasyon ang interbyu ni Jess dahil sa walang dignidad na pagturing sa kanya ng konsul ng embahada. Hindi lamang ang kanyang intensyon sa pagpunta sa Estados Unidos ang pinagsusupetsahan, siya rin ay pinaratangang isang terorista dahil sa kanyang pangalan na, ayon sa konsul, ay isang hindi pangkaraniwang pangalan para sa isang Pilipino.
Kung isasaalang-alang natin ang mga patakarang dayuhan ng Estados Unidos, lalo na sa ating kasalukuyang panahon, ang reaksyon ng konsul kay Jess ay isa lamang sintoma ng malalang paghihinala ng mga Amerikano laban sa mga dayuhan‹dahil sila¹y minarkahang kakaiba, at ang pananatiling paghihigpit ng kanilang mga hangganan. Si Jess ay isa lamang tudlaan ng mga hinala ng Amerika laban sa mga dayuhan at isa lamang siyang biktima ng kanilang kasalukuyang eksklusibong patakaran.
Ang ganitong pamamalakad ay ang pananatili ng mga kolonyal na kategoryang sarili laban sa dayuhan na muling nabuhay dahil sa giyera laban sa terorismo. Sa kampanyang ito ng Estados Unidos, nananatiling importante ang Pilipinas hindi lamang dahil sa pakikibaka ng gobyerno sa mga grupong katulad ng Abu Sayaf at MNLF, kundi dahil din sa relasyon ng Pilipinas sa Amerika. Bilang isa sa mga pangunahing kaanib ng Amerika sa Asya, ang gobyerno ng Pilipinas ay nananatiling sunud-sunuran sa mga nais ng Estados Unidos, kasama na rito and pamamalagi ng kanilang militar sa teritoryo ng Pilipinas laban sa mga separatistang Muslim sa loob ng kunwaring joint military exercise. Dito natin makikita ang ipokrasiya ng imperyal na patakaran ng Estados Unidos dahil habang ang mga ordinaryong Pilipino na katulad ni Jess ay pinapahirapan o binabawalang maglakbay sa Amerika at sa iba pang mga bansa sa kanluran, malayang tinatawid ng dayuhan ang mga hangganan ng Pilipinas. Hindi ngayon nakapagtataka na sa harap ng di-pantay na relasyon ng dalawang bansa, ay nawawalan ng pag-asa ang mga ordinaryong tao katulad ni Jess.
Ang hindi pantay na relasyon ng dalawang bansang ito ay nakalarawan sa relasyon ni Jess at ni Nigel, isang dayuhan na may programa sa telebisyon. Si Jess ay naging drayber niya habang siya¹y naghahanap ng mga milagro o kataka-takang pangyayari sa Pilipinas na pwede niyang ipalabas sa kanyang programa. Siniyasat nila ang iba¹t-ibang mga pangyayaring nabasa ni Nigel sa pahayagan‹halimbawa may isang manggagamot na pinaghaharian ng espiritu ng Sto. Nino at isang matandang lalake na sinasabing hindi matatamaan ng bala dahil sa kanyang mga anting-anting, pero sa huli, nakita nilang walang katotohanan ang mga ³milagrong² ito. Galit na galit si Nigel nang wala silang nakuhang pilm na pwede niyang ipalabas sa telebisyon. Iminungkahi ni Jess na subukan ni Nigel na tingnan ang mga Kristo na kusang nagpapapako sa krus sa Biiyernes Santo ng Semana Santa upang humingi ng tulong o kapatawaran sa Diyos. Nagustuhan ni Nigel ang kanyang ideya, pero nang itinakbo ng ³Kristong² kanilang binayaran na gaganap sa ritwal ang pera na ibinayad ni Nigel dito, si Jess na lamang ang nagkusang-loob na magpapako kapalit ng isang trabaho sa convalescent home ng hipag ni Nigel sa Florida.
Dito natin makikita na ang relasyon ni Jess at Nigel ay isang larawan ng hindi pantay na relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos. Ang walang tutol na pagsunod ni Jess sa mga hiling ng kanyang amo ay katulad ng tila walang hangganang pagsunod ng gobyerno ng Pilipinas upang matupad ang pangangailangan ng Amerika. Marahil, ang pinaka-maiging halimbawa ng ganitong di-pantay na ugnayan ay makikita sa nananatiling okupasyon ng Estados Unidos sa teritoryo ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga base militar. Saka lamang naputol ang okupasyon ng militar nang gumitna ang kalikasan noong sumabog ang bulkang Pinatubo at nawalan ng silbi ang mga natabunang base. Sa kanyang libro, Fantasy-Production: Sexual Economies and Other Philippine Consequences for the New World Order, tinalakay ni Neferti Tadiar ang nasabing relasyon sa pamamagitan ng sex-labor industry na noon ay namalasak sa mga bayan na nakapaligid sa mga base. Ayon sa kanya, ang Pilipinas ay parang isang katawan na parating inaabuso ng mga pagnanasa ng Estados Unidos. Sa kanyang sariling salita:
[I]n her relationship to the US, the Philippines is an exploitable body, an industry hooked up to the US desiring-machine through a system of flows of labor and capital in the guise of free exchange (export-oriented, capital and import dependent) but functioning the mode of dialysis, which gives one the strength and life depleted from the other. As such the Philippines is the prostitute of ŒAmerica¹ who caters to the latter¹s demands (ostensibly demands of global production and consumption), in other words, a hospitality industry, a hostess to ŒAmerican¹ desires, a hooker. As the greatest of her foreign investors, that is the most powerful of her multinational clients, the US establishes free trade zones on the body/land of the Philippines over which it exercises a considerable degree of monopoly [Š] obtaining free entry and exit rights [Š] This mode of relations between the Philippines and America operates according to a fantasy of heteronormative relations between masculine and feminine ideals that has become dominant in economically advanced nations‹a sexual masquerade in which the Philippines serves the US as a feminine ideal, servicing its power the way Philippine prostitutes service US military men, symbols of the US nation¹s (masculine) strength (Tadiar 47).
Mahalaga ang ibinahagi sa atin ni Tadiar dito dahil sa kanyang pagsusuri, ay mainam niyang naiugnay ang maunlad na sex-labor industry sa labas ng mga base militar at ang mga patakarang pang-ekonomiya ng Amerika sa Pilipinas. Ang relasyong pang-kliyente ng gobyerno ng dalawang bansa‹kung saan ang Pilipinas, matapos mabayaran ng kapital (capital), ay tinupad ang mga pagnanasa ng Amerika para sa walang sagabal na pagtitinda ng kanilang mga produkto at sa pagbubukas ng mga free trade zones kung saan ang kanilang mga korporasyon ay binigyan ng parity rights‹ay ang naging batayan ng relasyon ng mga sundalong Amerikano at ng mga sex workers sa Pilipinas. Halimbawa, ang pagpasa ng mga kasunduang pangkalakalan katulad ng Philippine Bell Trade Agreement, o ang Bell Trade Act (1946), at ng Laurel-Langley Agreement (1955), ay nagbigay ng halos walang pagbabawal sa mga korporasyon na galing sa Estados Unidos, kahit na hindi ito ang kagustuhan ng mga mamamayan. Ayon sa isang iskolar, sa mata ng maraming Pilipino, ang mga ganitong kasunduan ay nagbabalewala sa katayuan ng Pilipinas bilang isang malayang estado dahil ito ay ang muling pag-iral ng dating sistemang kolonyal. Pero, dahil sa kanilang takot na bawiin ng Amerika ang kanyang pangakong ito, ang mamahala sa pag-aayos ng pagkawasak na natamo ng Pilipinas noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at dahil sa malaking pangangailangan ng bansa sa kapital ng kanluran, walang magawa ang kongreso kundi sumang-ayon. Sa gayon, katulad ng relasyon ng isang sex worker at ng kanyang kliyente, ang Amerikanong G.I., ang Pilipinas ang mag-isang nagkakarga ng kinahihinatnan ng mga abuso ng dayuhan kahit tila kapaki-pakinabang sa bansa ang mga nasabing di-pantay na mga kasunduan. Magkasama sa isang mas malaking sistema ng pang-aabuso, ginagawang puta ng Amerika ang Pilipinas, at ang kanyang mga kababaihan.
Ganito rin ang abusong natamo ni Jess sa harap ng puwersang dayuhan. Sa kanyang pagkapako, makikita natin kung paano nawala ang pagkalalake niya dahil sa abuso na natamo ng kanyang katawan upang muli niyang matupad ang mga pagnanasa ng kanyang dayuhan na kliyente. At kahit tila kikita rin si Jess sa pamamagitan ng isang trabaho sa Amerika, mas malaki pa rin ang benepisyo para ka Nigel na mayroon nang pwedeng ipalabas sa telebisyon. Pati na rin ang kanyang hipag ay magkakaroon ng isang empleyado na mas madaling abusuhin dahil ang katayuan ni Jess sa Amerika bilang isang dayuhang may bisa para lamang sa trabaho ay kapantay ng U.S. citizenship. Sa huli, hindi lamang ang kanyang pagkalalake ang naging katumbas ng pangarap ni Jess na makapunta sa Amerika; itinaya rin niya ang kanyang buhay, isang sakripisyo na sabik na tinanggap ng mga dayuhang may hawak sa kapangyarihan.
Pagkatapos ng pangyayaring ito, sinubukan ulit ni Jess na pumunta sa embahada. Dahil ngayon ay mayroon na siyang trabaho na mapupuntahan sa Amerika, madali siyang binigyan ng konsul ng bisa. Parang walang hanggan ang kanyang saya at nagsimula kaagad siyang maghanda para sa kanyang bagong buhay. Nakahanap siya ng bagong matitirahan ng kanyang ama at sinabi na niya ang kanyang mga huling paalam kay Mara at sa kanyang anak, pero ang lahat ng plano ni Jess ay nagbago nang muli niyang makita ang kanyang ina na buhay pa kasama ng kanyang Amerikanong asawa. Sila ay sumakay sa kotse ni Jess galing sa otel. Kaagad na namukhaan ni Jess ang kanyang ina, kahit na siya¹y nagpupumilit na magsalita katulad ng isang Amerikano. Hindi siya umimik at nakinig na lamang siya sa walang hintong daing ng kanyang ina sa napakainit na panahon at ang kanyang inis sa mga Pilipinong, sa tingin niya, ay puro tamad at walang asenso. Nanatiling walang sinasabi si Jess nang siya rin ay mamukhaan ng kanyang ina na walang magawa kundi ang tumingin sa lupa dahil sa sobrang hiya. Dahil siguro ayaw niyang tumulad sa kanyang ina, at sa narinig niyang hinaing ng kanyang ama sa isang programa sa radyo, nagpasya si Jess na hindi na tumuloy sa Amerika at sa huli, inangkin niya ang pamamahala ng kanyang pamilya. Dito natin makikita ang paggigiit ng pagkalalake ni Jess laban sa mga puwersang nang-api sa kanya. Nang kanyang tinanggihan ang bisa na matagal na niyang minimithi, at nang talikuran niya ang oportunidad na makapunta sa Amerika, ipinahayag niya ang kanyang katapatan sa kanyang pamilya at sa kanyang nasyon. Sa karakter ni Jess, makikita natin ang isang ekspresyon ng nasyonalismong nakatali sa pagkalalake.
Ang pagnanasa sa kapital na galing sa Estados Unidos, at sa iba pang bansang industriyal ay inilarawang negatibo sa ³La Visa Loca² at ipinapakitang pagtataksil ito sa inang bayan. Si Annette, ang nobya ni Jess na nasa Amerika, ay isang representasyon ng ganitong pagnanasa at pagtataksil, at kahit na narinig lamang siya sa telepono, ang kanyang boses ay mainam na naglalarawan ng isang babaeng hindi maaring mabigyang-kasiyahan ni Jess dahil sa kanyang parating bigong pagtatangkang makakuha ng bisa. Sa kanyang pagyayamot, isa siyang larawan ng Pilipinong nagmamataas-uri pagkatapos dumako sa kanluran at makatikim ng buhay sa isang mas mayaman na bansa. Ang malupit na imahen ni Annette ay natatalo lamang ng paglalarawan sa ina ni Jess dahil tinalikuran niya ang kanyang maliit na anak at asawa upang walang sagabal siyang makapag-asawa ng Amerikano. Nang sa wakas ay makita natin siya sa pelikula, ang kanyang pandidiri sa init at sa mga mamamayang Pilipino, na sa kanyang tingin ay tamad at walang pag-asa, tila walang tutol tayong nagagalit sa ganitong klaseng babae.
Ihambing ang paglalarawan ni Annette at ng ina ni Jess sa paglalarawan kay Jess bilang isang taong kahit nabugbog ng masamang kapalaran, ay nagsusumikap pa ring bigyang ligaya ang kayang mga minamahal. Ihambing din natin sa kanila si Mara na kahit mayroong nag-aalok sa kanya na pumunta sa Italya para magtrabaho at kumita ng mas malaking suweldo, ay pinili pa rin niyang manatili sa Pilipinas dahil hindi niya kayang iwanan ang kanyang anak; isang bagay na hindi nagawa ng ina ni Jess. Pati ang ama ni Jess, bagamat siya¹y walang trabaho, mahilig sa babae at sa mga bombang pelikula, ay nagmumukhang bayani sa tabi ng paglalarawan sa kanyang dating asawa at kay Annette. Makikita sa paghahambing ng mga magkaibang karakter‹ang mga taong umalis sa Pilipinas, na sa kanilang pag-alis ay itinuring silang traidor, laban sa mga taong nanatiling tapat sa bayan dahil sila ay hindi umalis‹ang sentral na tensyon ng pelikula. Ang pagpapasiya ni Jess na huwag pumunta sa Amerika ay ang kanyang sariling protesta laban sa abuso na natamo niya sa kamay ni Nigel at ng mga konsul sa embahada. Protesta rin niya ang pagtanggi sa mga prinsipyo ng mga katulad ni Annette at ng kanyang ina na pumapanig sa mga puwersang paulit-ulit ang pang-aabuso sa nasyon para lamang sa kapital ng dayuhan. Sa huli, ang kanyang pagtakwil sa lahat ng bagay na naging simbolo ng eksploytasyon ng mga mamamayan ng Pilipinas ay, para kay Jess, ang pinakamalaking ekspresyon ng nasyonalismo.
Pero ang ganitong klaseng nasyonalismo, kung saan namamayani ang pagkalalake, ay kailangang suriin nang mabuti dahil ito ay kaanib ng sistemang pamamahalang patriyarkal. Sa aking paningin, ang nasyonalismong umiiral sa pelikula at kay Jess ay patriyarkal dahil ang kanyang pag-iisip sa bayan ay nabuo lamang noong inangkin niya ang kanyang pagkalalake sa pamamagitan ng pamamahala sa kanyang pamilya. Sa sandaling inangkin niya ang kanyang mga responsibilidad sa kanyang ama, kay Mara at sa kanilang anak, ay ang mismong sandali na naging bahagi siya ng nasyon. Ang huli niyang pagtanggi sa kanyang dating nobya at ina ay ang tanda ng kanyang muling pag-angkin ng kanyang pagkalalake laban sa dating paghahari ng mga nasabing babae; isa ring pagpapahayag ng kanyang katapatan sa nasyon. Mapanganib ang ganitong artikulasyon ng nasyonalismo dahil ang mga babae ay itinuturing na simbolo na tanging nag-iisa ang dimensiyon: kung hindi sila tapat sa nasyon, sila ay traidor. Ang mas malala ay kahit na sa loob ng ganitong dikotomiya, si Mara lamang ang nag-iisang babaeng simbolo ng pagiging matapat sa nasyon na nailarawan sa pelikula, samantalang ipinagpalit ng lahat ang kanilang dangal para makatikim ng buhay sa kanluran. Bukod sa ina ni Jess at kay Annette, paulit-ulit na ipinakita ng pelikula ang mga babaeng nagtatrabaho sa loob ng sex labor industry sa Pilipinas na nagbibigay aliw sa mga dayuhang turista. Halos walang damit at parating naka-angkas sa braso ng mga turista, ang mga babaeng ito, kasama ni Annette at ang nanay ni Jess, ay iminumungkahi ng pelikulang nagsala sa kanilang pagtakwil ng bayan para lamang sa salapi ng dayuhan.
Pero, hindi natin dapat kaligtaan na si Jess ay sakop at sangkap din ng ekonomiya ng sex labor industry nang paulit-ulit niyang dinala si Nigel sa mga nightclub upang maaliw ang kanyang amo. Sa ganito, kasangkot din si Jess sa eksploytasyon ng mga babae na madalas ay walang ibang pagkakakitaan kundi ang pagbebenta ng kanilang katawan. Samantala, inilarawang tila bayani si Jess, at ipinagkaila ng pelikula ang mga kasalanan niya laban sa babae. Sa huli, malupit ang paglarawan ng mga babae sa ³La Visa Loca,² pero hindi nito dinaan sa kritikal na pagsusuri ang papel ng mga taong katulad ni Jess sa loob ng industriya ng turismo na tumutulong sa eksploytasyon ng bayan sa pamamagitan ng eksploytasyon ng kababaihan ng Ikatlong Daigdig katulad ng Pilipinas. Para sa akin, ito ay ang mas malalang pagtataksil sa nasyon, na tila waring nababalewala ang pagmamahal ni Jess sa kanyang bayan at pamilya na inilarawan sa pelikula.#