Sa panimula ng kalipunan ng mga papel ni Arnold
Molina Azurin, sinulat ni Prospero R. Covar, “Maaabot ang pinakamaunlad
na baitang ng re-imbensiyon ng Pilipino kapag ang wikang ginagamit ng
mga mananaliksik na Pilipino ay siya ngang Pilipino.” Ano ang nag-udyok
kay Covar na banggitin ito sa unang talata ng panimula niya? Ang
dahilan ay nasa Ingles ang karamihan ng mga papel ni Azurin na bumubuo
ng aklat.1
Sa unang tingin, lumalabas na parang isang malaking kabaligtaran o
kasinungalingan ang trabahong maka-Pilipino ni Azurin dahil nakasulat
sa Ingles. Hindi ba makatuwiran itanong kung bakit niya pinili ang
Ingles upang ipaliwanag ang trabaho niya? Hindi ba mas marapat gamitin
ang wikang nagpapatubo
ng mga karanasan, kamalayan at kaugaliang nilalarawan niya? Bago ko
harapin ang mga tanong na ito, sa ganitong pananaw, ang pahiwatig ni
Covar ay ibig kong gawing umpisa ng landas na kritiko na lalakarin ng
sanaysay na ito upang paksain ang pagpapatuloy ng pagsusulat ukol sa
karanasang Pilipino at ang mga papel na ginagampanan ng alaala, haraya
at ang mga katunggalian ng “wikang pambansa” sa pagsusulat. Kasama sa
paksang ito ay ang nobela ni Carlos Bulosan, Nasa Puso ang Amerika, at isang talumpati ni Toni Morrison na ang pamagat ay “Ang Sitiyo ng Alaala.”
May mga ideya na paulit-ulit na lumilitaw sa
pagbasa ng mga papel ni Azurin ukol sa kaalamang-bayan, sa wikang
pambansa, ang pagsulat ng mga manunulat na Pilipino sa loob at labas ng
Pilipinas, ang paksa ng kababaihan sa loob ng mas malaking paksa ng
pagyari ng kamalayang pambansa. Ipinaliliwanag ni Azurin sa pamamagitan
ng pagtatalakay niya ang kabaligtaran at kabaluktutan na tinatanim ng
ideolohiyang kanluran (isang salita para ‘kolonyalista’) sa mga
mag-aaral/manliliksik na nagpapatuloy ng mga katiwalian/kasinungalingan
sa kamalayang pambansa.2
Lumalabas na napaka- ‘hilaw’ pa rin ang kalagayan ng Pilipinas ukol sa
pagtatag ng pambansang kamalayan. Ang mas malalang bagay kaysa mga
puwersang banyagang nagpipilit ng ganitong katiwalian at paghihiwalay
ng mga Pilipino ay ang ideolohiyang kanluran na panay lumalago sa loob
ng Pilipinas. Talaga niyang tinutuon ang baril na kritiko niya sa mga
tinatawag na “dalubhasa” hindi dahil sa kanilang pagkamakabayan kundi
sa pagyabong at pagsunod ng pamamaraang transkapitalismo.
Ngayon, balikan natin ang mga tanong na binansag
ukol sa pagsulat ni Azurin sa Ingles imbis na Tagalog. Sa isang dako,
ang pag-uudyok ng ideya na gamitin ang pambansang wika sa buong
kapuluan ay napapatay sa paggamit niya ng Ingles – isang wikang
“imperyalista” ang tawag ni Gayatri Spivak – upang ilahad ang trabaho
niya. Ayon kay Spivak, bukod sa mga katangian ng akdang orihinal na
nawawala o napapatahimik dahil walang katumbas sa isang wika mula sa
katutubong wika, kung isinasalin ang isang akda sa Ingles-Amerikano
napapatahimik din ang katutubong uri ng pagsasalaysay ng unang wika
kasi kailangan ihubog ang karanasang Pilipino, halimbawa, batay sa uri
ng pagsasalaysay na tatanggaping “malikhain” o “panitikan” ng mga
Amerikano, ayon sa pananalig nila, upang maging tunay na produkto na
puwedeng ipagbili. Iniiba at binabaluktot itong uri ng pagsasalin sa
wikang Ingles ang mga karanasang tangi sa mga Pilipino. Samakatuwid, sinasakop
ng Ingles ang karanasan at kamalayang nakasulat sa ibang wika sa
pagsasalin. At ang mga Pilipino mismo ang may kasalanan. Binanggit ni
Azurin ang makatang si Ricaredo Demetillo na nagsulat ng mahabang akda
ukol sa isang kaalamang-bayang Ilonggo: sa hulihan, may karagdagang
nagsasabi na “iniba niya ang paglalahad ng mga tauhan, ng banghay at ng
kayarian upang gayahin ang uring “Homeriko” ng epiko.”3
Malamang inamin ni Demetillo ang mga iniba niya sa adka upang ipakita
na ang mga Pilipino ay may kakayahan ding magsulat ng epikong
“Homeriko” habang ang paksa ay maka-Pilipino. Ngunit, nawala ang
katutubong indayog ng wikang Ilonggo. Sasabihin ba na itong adka ni
Demetillo na hugis-Europeo ay iyong parehong kaalamang-bayang Ilonggo
na nanggaling sa lupang Pilipino? Ang sagot ni Azurin ay “hindi.”
Sang-ayon ako kay Azurin ngunit ano ang kaibhan sa ginawa ni Demetillo
sa ginawa ni Azurin sa pagsulat niya sa Ingles?
Sa talumpati niya na pinamagatang “Ang Sitiyo ng
Alaala,” tinalakay ni Toni Morrison ang mga talambuhay ng mga esklabo
sa Amerika. Ang isang katangian ng mga akda na napuna niya ay ang
pagkawala ng mga detalye ukol sa ilang bagay na “nalimutan” nila sa
pagsusulat. Ang mga mababagsik na pangyayari sa buhay-esklabo nila ay
isinisantabi nila na, ayon kay Morrison, batay sa kuru-kuro ng lipunan.
Ang banghay ng ilan sa mga akdang ito ay sumusunod sa banghay ng
nobelang “sentimental,” isang uring Europeo ng pagsusulat. Sa kasong
ito, ang karanasang itim na sinulat sa uring Europeo ng pagsasalaysay
ay isang halimbawa ng “pagsasaling” kolonyalista na hindi kailangan ng
dalawang wika upang umiral. Gaya ng akda ni Demetillo, ang pagbuhos –
isang salita para sa ‘pagsalin’ ngunit mas mainam magbigay ng larawan
ng isang bagay na nilalagay sa loob ng lalagyan at kung hindi kasya,
binabaluktot o binabawasan upang magkasya – ng karanasan sa ibang uri
ng pagsasalaysay ay nagbubunga ng kalaktawan. Ang kailangan nating
gawin bilang mambabasa sa pagbasa, halimbawa, ng epikong Homeriko ni
Demetilloy ay magtanong: “Ano ba ang nawala o napatahimik sa
pagsasalin?” o “Ano ba ang katayuan ng uri ng pagsasalaysay na ang
epiko sa kasaysayan at ano ang katayuan ng kaalamang-bayang Ilonggo na
pinili ni Demetillo sa kasaysyan ng mga Ilonggo?” Sa ganitong pananaw,
naiiba rin ang uri ng pagbasa: hindi puwedeng manatiling pasibo ang
mambabasa. Hindi puwedeng pabayaan na lamang mawala sa isip ng
mambabasa na may buhay-ugat ang akda bago sinalin sa ibang wika o sa
ibang uri ng pagsasalaysay. Ang taong nagsasalin tuloy ay tinutuos ding
manlilikha dahil humuhubog siya ng bagong buhay at madla para sa akda
at ang bawat salita na binabasa niya at sinasalin ay may kasaysayan
para sa kaniya, sa manunulat, sa bawat lipunan na pinanggagalingan at
tinutunton ng akda. Kung tatanggapin na ang wika ay isang sistemang
sarado, ang pagsasalin ay isang payak na gawain. Ngunit, hindi ganito
ang pagka-unlad ng isang wika at ni hindi dapat paniwalaan si
Bienvenido Lumbera nang sinulat niya na “wala sa salita ang himala.”
Kung susundin natin ang halimbawa ng akda ni Demetillo, ang pagsasalin
ay nagbibigay-buhay sa mga pangungusap o pagtatalo at dahil dito,
nananatiling isang gawaing buhay at hindi nahihinto sa isang sulat,
usap o antas. Lumalabas na ang kahulugan ng ‘magbasa’ at ‘magsuri’ at
‘magtanong’ ay pareho.
Ang nobela ni Carlos Bulosan ay isa ring akdang
interesante kung itutuloy ang paksa ng pagsasalin, pagsasalaysay at
kolonyalismo. Si Bulosan ay Ilokano na pumunta sa Amerika at naranasan
niya ang matinding kahirapan bilang banyaga, manggagawa at tao sa
Amerika. Nakapagtataka kung bakit sinulat niya ang nobela sa Ingles
kaysa na Tagalog o Ilokano at puwedeng suriin ang banghay ng nobela
upang ilarawan ang mga bagay na napatahimik dahil sa ganitong
pagsusulat o pagsasalin. Bagaman walang lugar dito sa sanaysay na ito
na paksain ng malalim ang nobela ni Bulosan, hinaharap ng nobela ang
pagsusulat sa ibang wika at ang mga tanong na ginamit upang suriin ang
akda ni Demetillo. Sa unang dako, ano ba kaya ang naiba sa paglalahad
ni Bulosan ng karanasan niya dahil sinulat niya ang nobela sa Ingles?
Sa pangalawang dako, kung babasahin sa “tinubuang wika” ang Nasa Puso ang Amerika,
babasahin ba ito sa Tagalog o Ilokano? Sa klase ng Tagalog, siyembre na
binasa natin ito sa Tagalog. Ano ba ibig sabihin ng nasa kong basahin
ang buong nobela niya sa Tagalog imbis na sa Ingles, yaong “tinubuang
wika” ng akda? Total sinulat ni Bulosan ang akda dito sa Amerika mismo,
kaya “yari sa Amerika” nga. Tinatanggihan ko ba tuloy ang karanasan ni
Bulosan dahil, ayon sa akin, kulang sa kapilipinuhan dahil nakasulat sa
Ingles? Ganitong klaseng tanong ay nagbubukas ng paksa ukol sa papel ko
bilang mag-aaral sa Amerika at sa pagtatag ng panitikan, kasaysayan at
pagtatalong pambansa – palaging taglay ang paksa ng pagsasalin. Ngunit,
bago ituloy ito, kailangan ding harapin ang kabilang dakong mas
positibo ng mga “pagsasalin” dahil may taglay na kahalagahan ito na
dapat talakayin.
Bagaman ang karanasang Amerikano ni Bulosan ay
mapait at malungkot, inari niya ang wikang Ingles upang isalaysay niya
ang mga pangyayari at upang mabasa ng lipunang Amerikano (na kahalo na
rin ang mga Pilipino). Kailangang tandaan na ang pagsukat ng
kahalagahan ng akda ay nababatay rin sa bilang ng mambabasa na inaabot
niya. Ang pagsusulat ay isang pagtatalo ng manunulat at ng mambabasa;
sa kamalayan ng mambabasa ay naipapatuloy ang diwa ng manunulat.4
Kaugnay rito ang paksa ng palimbagan: hindi tatanggapin ni
mapapalaganap ang nobela ni Bulosan kung sinulat niya ito sa ibang
wika. Ganito rin ang kalagayan ng talambuhay ng mga itim. Sa pag-aaral
at pag-aari ng mga itim ng pagbasa at ng pagsulat – dalawang sandata
laban sa kolonyalismo at kalimutan – sinigurado nila, gaya ni Bulosan,
na mananatiling buhay (kahit man lang sa isang sulok ng aklatan) ang
karanasan nila. Para bang tapos ang bahagi ng tungkulin nila sa
kasaysayan pagkasulat ng isang akda. Nagiging nasa kamay tuloy ng mga
mambabasa ang pagtupad ng tungkulin ng pagsusuri ng mga pangyayari ng
kahapon – kasama rito ang mga salin na tunay na ring mga akda.
Sa pananaw na positibo, puwedeng tanggapin ang mga
papel na sinulat sa Ingles ni Azurin bilang mga mahahalagang hakbang sa
kritikong Pilipino na lumalaban sa kolonyalismo sa pamamagitan ng
wikang kolonyalista. Sa ganitong paraan, binibigyan ni Azurin ng
puwersang puwedeng ariin ng mga Pilipino at ng karanasang Pilipino ang
(mga salitang) Ingles. Pinapakita ni Azurin sa pamamagitan ng mga papel
niya na ang paggamit ng Ingles ay hindi dapat palaging intindihin na
isang ‘pagsuko’ sa imperyalismo. Sinusukat niya ang kahalagahan ng akda
gaya ng epiko ni Demetillo sa paggamit ng ideya, balangkas, kayariang
Europeo/kanluran, hindi lamang sa paggamit ng isang wika. Ano ba tuloy
ang hinahanap ni Azurin sa kasalukuyang manunulat na Pilipino? Ayon kay
Azurin, ang isang tungkulin ng manunulat na hindi puwedeng iwasan ay
ang sumusunod: “Hukayin at buhayin ang mga ugat na pangkalinangan ng
kaisahang pambansa o ng resiprosidad na transrehiyonal upang ipaliwanag
ang ating katangian at kalinangang pambansa.”5 Idadagdag ko na ito rin ang tungkulin ng mambabasa.
Si Morrison ay isang huwaran ng pagkahalo ng
manunulat at mambabasa dahil ang mga akda niya ay ang pagpapatuloy ng
pagsulat ng panitikang itim na ang unang batis ay yaong mga talambuhay
ng mga esklabo. Bagaman ang mga akdang ito ay hinubog sa uring Europeo
ng pagsasalaysay, nagtatag sila ng panitikan at kasaysayang itim na
hindi nalilimutan, iniiwasan ni tinatanggihan ni Morrison. Sa aking
pagbasa ni Azurin, ibig din niyang magtatag ang mga Pilipino ng
panitikan at kasaysyang pambansa na hindi batay sa mga kasinungalingan
gaya ng mga Tasaday ni Jesus Peralta o sa kasakiman. Ang pagsulat ng
kasaysayan ay isang pagsasalin din dahil ang mananaysay ay kumakatok sa
alaala niya o ng ibang tao na ang layunin sa kadalasan ay sabihin na
“Ito ay talagang nangyari at ganito ang pakiramdam ng mga tao sa
panahong ito.” Kung may nag-aalinlangan sa katotohanan ng mga salita
niya ay tatagawagin itong sinungaling. At ano ba tuloy ang natutunan
natin at ipinapasa sa mga bata sa pamamagitan ng hindi pantay na
pangungusap? Upang iwasan itong kabaligtaran ng kaunlaran ng kamalayang
Pilipino, ang pananalita ni Azurin – maging sa Tagalog o Ingles – ay
umuuwi sa kahalagahan ng pagsusuri.
Bilang mag-aaral sa Amerika, yaong mismong lupa na
isinulat ni Bulosan ang nobela niya, tunay nga na sa isang paningin, tinatanggihan ko ang karanasan niya bilang Pilipino-Amerikano dahil mas interesado ako sa saling Tagalog ng nobela niya. Itong uri ng pagtingin ay salungat at sagabal sa hangad ni Azurin na magtatag ng kamalayang pambansa o makabayan sa pamamagitan ng pagsusuring panlahat maging sa Amerika o sa Pilipinas. Upang magtatag ng malakas, matapat at bukas na kamalayang Pilipino, hindi dapat ipagkaitan ng kahalagahan kahit anong akda dahil bawat akda ay
parang isang hakbang tungo sa kaunlaran ng kritisismong Pilipino. Ngunit, sino bang Pilipinong hindi magtataka kung isang mag-aaral na sumusulat sa Tagalog sa Amerika upang maging bihasa sa unang wika niya ay kailangan magsalin ng isang pangungusap mula sa Ingles sa Tagalog na sulat ng isang Pilipino upang ilahad ang kahalagahan ng paggamit ng Pilipino sa pananaliksik?