Sanaysay ni Al Garcia
Sanaysay ni Al Garcia
Arturo P. Garcia
May
tatlong usapin na mahalagang linawin hinggil sa
pagpapalaganap ng Wikang Pambansa-- ang Wikang Filipino.
Ang
unang usapin ay ang Pilipino/Filipino nga ang pambansang
wika ayon sa isinasaad ng Saligang Batas ng 1935 at Konstitusyon ni
Marcos ng 1973 at ng 1987. Ngunit ang Ingles naman ang ginagamit na isa
sa mga opisyal na wika na ipinagpapalagay ng iba na usapin sa batas.
Pero sa anu’t anuman ito ay usapin ng dignidad ng isang pambansang wika
laban sa isang itinakdang opisyal na wika.
Ikalawa,
ang usapin ng sobinismong Etno-linggwistiko ay laganap pa rin sa
Pilipinas at saanmang lupalop ng mundo na may komunidad na Pilipino.
Ang ikatlo ay kung ano ba ang Filipino-English. Ano bang klaseng wika
ito?
Ang Usapin ng Pagkakaroon ng Isang Pambansang Wika
Sa
pananaw ko, mali para sa Pangulong Gloria Arroyo na palitan ang
kasalukuyang batayan ng pagtuturo mula sa Filipino tungo sa Ingles
upang gawing “competitive” ang mga Pilipino sa pandaigdigang kalakalan.
Lubha
raw bumaba ang ating kaalaman sa Ingles dahil sa paglaganap ng
pambasang wika. Sa madaling sabi, binibigyang sisi pa ang paglaganap ng
pambasang wika sa pagbaba ng kaalaman sa isa sa mga opisyal na
wika ng gobyerno- ang Ingles kaya't kailangan diumano na ibalik ang
Ingles bilang wikang gamit sa pagtuturo.
Ang
unang biktima nito ay ang pagwawalang-bahala sa makabuluhang tradisyon
ng pakikibaka ng bayan para lumikha at palaganapin ang isang
wikang pambansa. Wari baga sa isang iglap, binalewala ng gobyernong
Arroyo ang ilang daang taong pakikibaka ng bayan para lumikha at
palaganapin ang isang wikang magbubuklod sa lahat.
Palibhasa
hindi kasama sa pagsisikap at hindi nagpagod sa pakikibaka para sa
pagkakaroon ng isang pambansang wika, ang iilang mga makakolonyal at
mga masugid na tagapagtaguyod ng Ingles, ay nais ibalik ang
nakalipas at balewalain ang nagawa ng kilusang progresibo at makabayan
sa paglaganap ng pambansang wika.
Nalimutan
nilang hindi itinuro ng mga Kastila ang wikang Espanyol para
panatiliing watak-watak ang mga tribo at rehiyon ng Pilipinas sa loob
ng 333 taon. Kinalimutan nilang ang wikang lokal ang ginamit ng masa sa
panahon ng kolonyalismong Amerikano sa kabila ng pangyayaring ang
Espanyol at Ingles ang mga opisyal na wika ng talastasan sa
gobyerno at sa paaralan.
Tagalog/Filipino- Ang Wika ng Rebolusyon
Mahalagang
tukuyin na ang wikang Tagalog ang ginamit nina Andres
Bonifacio para palaganapin ang mga aral ng Rebolusyon at ng Katipunan
mula 1892-1896. Ang organo ng Katipunan, ang Kalayaan ay nalimbag
sa wikang Tagalog. Tahasang masasabi na ang wikang
Tagalog ang lenggwahe ng Rebolusyon ng 1896.
Ikinakaila
nila na ito ang batayan ng pagkakaroon ng isang wikang pambansa at ang
pakikibaka ng masa laban sa paghaharing dayuhan ang nagbunsod dito at
maging noong panahon ng Republika mula noong 1946 hanggang sa mga unang taon ng
1970, ang diwa ng nasyonalismo ang naging daluyan ng pagkakaroon at
paglaganap ng isang wikang pambansa.
Mahalagang
unawain na ang wikang Kastila ang ginamit ng mga ilustrado sa kanilang
anti-kolonyal na pakikibaka laban sa Amerikano mula 1899 hanggang 1945.
Ang
mga makabayan tulad nina Heneral Ananias Diokno ng Batangas (Lolo ni
Senador Jose W. Diokno) ay tumangging mag-aral ng Ingles. Ginamit nila
ang wikang Kastila laban sa pananakop ng mga Amerikano. Ngunit ang mga
manggagawa at ang kilusan nila ay gumamit ng Tagalog sa kanilang
pakikibaka
Nakatala
sa kasaysayan na ang "Ginintuang Panahon" ng Wikang Tagalog ay noong
panahon ng Hapon. Bakit? Ipinagbawal kasi ng mga Hapon ang salitang
Ingles at ipinagamit ang wikang Pilipino kaya ito yumabong sa ilalim ng
pasistang pananakop. Kaya nagtuluy-tuloy ito mula noon. At maging sa
panahon ng pakikibaka laban sa Amerikano, mula 1900 hanggang mga 1920, ginamit ang wikang
Tagalog sa paglaban, pagtuligsa, at pagtatamo ng/ o pagpapaalab ng
ningas ng kalayaan sa puso ng mamamayang masang Pilipino.
Nakalimutan
at sadyang kinalimutan ni Arroyo na ang diwang makabayan ang nagtulak
sa mga Pilipinong magkaroon ng isang pambansang wika, at sa tulong ng
Kilusang Pambansang Demokratiko at sa tulong ng pag-unlad sa radyo,
telebisyon at iba pang medium, ito ay umunlad at lumaganap.
Bago
maideklara ang Batas Militar noong Setyembre 21, 1972, nakatutuwang ang
diaryong Taliba ng Manila Times ay pinakamalaganap at maging ang mga
tabloid sa Tagalog ay sadyang tinangkilik ng masa. Patunay ito ng rurok
ng kasiglahan at pag-unlad ng wikang Pilipino/Filipino. Hindi pa ito
napapantayan ng iba pang wika hanggang ngayon.
Ingles nga ba ang sukatan ng pag-unlad?
Napag-uusapan
ang pag-unlad, ayon mismo kay Juan Miguel Luz, na dating Kalihim ng
Edukasyon at Kultura, kahit na malaki ang ibinaba ng galing nating
mag-Ingles, ang pagsasabatas ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo ay
hindi solusyon sa suliranin. Kapag ito ay nangyari, malamang na hindi
lamang ang wikang Ingles ang magdurusa kundi pati ang pagtuturo ng
Matematika at Siyensya.
Hindi
natin maaasahang iwawaglit ng mga Hapon ang Niponggo, ng mga Tsino ang
Mandarin o ang Cantonese para sa Ingles. Lalo na ang mga Pranses,
Aleman o iba pang bayan. Tayo lamang mga Pilipino ang Inglesero at
nagpapatuta sa mga Kano.
Kung
susuriin, hindi ang ating wika ang may sala kung bakit bumaba ang ating
kakayahang makipagkompetensiya sa ibang mga bansa sa daigdig. Ang suliranin ay nasa sistema.
Ang Pilipinas ay malakolonyal at malapiyudal at walang
industriya. Saan natin ngayon dadalhin ang ating mga bihasang
propesyonal kundi sa ibang bansa kung saan maraming oportunidad at
pagkakataong umunlad?
Noong 1960 maunlad na ang Pilipinas.
Ang Pilipinas ay pangalawa sa maunlad na Japan. May nabubuong mga industriya noon. May mga pabrika at masigla ang
kalakalan. Ngayon anong industriya ang maipapagmalaki ng Pilipinas?
Wala kundi ang mga tumutubong parang kabuteng mga call centers.
Kung
sa panahon ni Marcos naglipana ang mga hotel at turismo at naging isang
bansa ng mga bell boys at waiters ang Pilipinas, ngayon sa ilalim ni
Gloria, mga call centers at mga OFW’s ang export products ng Pilipinas.
Sabi ng iba, tayo ngayon ay bansa ng mga "callboys" at mga "callgirls."
Ang
suliranin ay hindi ang mahinang Ingles. Hindi lamang tayo mahina sa
Ingles kundi sa iba pa. Sa Matematika, Siyensya, at teknolohiya. Ayon
kay Luz, hindi ang Ingles ang sukatan ng galing at pag-unlad. Isa
lamang ito sa mga sukatan o factors ng galing. "Tinimbang tayo," ngunit
malaki ang "kulang."
Ayon
mismo sa UNESCO, mas mabilis ang pag-unlad ng mga bata sa mga umuunlad
na bansa kung ang ginagamit sa pagtuturo ng numeracy at literatura ay
ang kanilang sariling wika.
Ito
ay pinatunayan mismo ng Summer Institute of Linguistics (SIL) sa
Bukdinon. Mas mataas ang iskor ng mga bata sa mga test ng DECS
kapaggamit ng sariling wika. Ayon kay Dra. Milagros Ibe, ang dating
puno ng National Institute of Science and Math Education (Nismed) sa
Unibersidad ng Pilipinas:
“Hindi napatunayan na ang kabihasaan sa Ingles ay nagdudulot ng
pagkamahina sa Matematika. Pinatunayan ito ng ‘Sine’skwela’ na gumamit
ng Pilipino sa pagtuturo. Pinatutunayan lamang nito na ang mga konsepto
sa Pilipino ay maililipat sa Ingles."
Ayon
din kay dating Kalihim ng Edukasyon Andrew Gonzalez, ang patakarang
gamitin ang wika ng bata mula Grado 1 hanggang 3 ay mahusay. Si
Gonzales ay isang dalubwika (Linguist).
Ang
susi sa pagiging mahusay sa Ingles ay mas mahusay na pagtututro, mas
mahusay na pagsasanay sa mga guro sa gramatika, komposisyon,
bokabularyo, at gamit nito hindi lamang sa silid-aralan. Dapat pa itong
palawakin sa gamit sa lahat ng bagay,
Ang
Ingles ay mahalaga sa komunikasyon, pero mas mahalaga ang pag-aaral sa
Siyensya at Matematika lalo na sa kompetisyon. Hindi malulutas ng batas
ang suliranin ng pag-unlad. Ang wika ay umuunlad. Kung pipigilan ang
isa para pasunurin sa isa, ito ay paglalagay ng kariton sa harapan ng
kabayo, isang hakbang na paatras at kontra sa pag-unlad
Ang Sobinismong Etnolinggwistiko
Ang
suliraning ito ay bunga ng kolonyalismo. Maaalalang mabisang nasakop ng mga Kastila nang
mahigit sa 333 taon ang mga Pilipino dahil hindi itinuro
at pinalaganap ang wikang Kastila. Pinanatili nila ang mga
rehiyonal na wika ng mga tribo upang “paglabanin at pagharian” ang
Pilipinas.
Magpahanggang
ngayon, sa kabila ng naging Republika ang Pilipinas noong 1946,
mahigpit pa ring tinututulan ng iba pang dalubhasa sa wikang rehiyonal
ang pagkakaroon ng isang wika lalo na ng wikang Filipino na nakabatay
sa Tagalog at iba pang mga wika ng mga Pilipino.
Ang pangunahing katwiran nila ay mas maraming nagsasalita ng kanilang wika,
laganap ito, at dapat na maging pambansang wika. Hindi
ba isinalin ng mga Cebuano ang pambansang awit sa wika nila
noong 1986? Kung hindi lamang ito pinigil ni Presidente Aquino, lalong
lumaganap ang gulo.
Sa
Estados Unidos, pilit pa ring tumututol ang mga Ilokano sa Hawai’i at
ang iba pa rito ay sinasabing hindi sila Pilipino kundi Ilokano. Maging
ang nasirang manunulat na si Max Soliven ay tinatawag ang Hawai'i na "Republika
ng Ilokoslovakia.
Maging
ang nasirang Pangulong Marcos, bagamat nagmamagaling ito na matatas
siya at magaling sa Tagalog at isang 'Super makabayan' at naging
instrumental sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa ilalim ng kanyang
rehimen ay nagpalaganap ng ideyang may “ Solid North.” Palasak pa
rin ang kaisipang ito maging sa Estados Unidos magpahanggang ngayon.
Ang
iba naman ay ginagamit na dahilan ito upang palalain ang dibisyon at
kawalang pagkakaisa ng pamayanang Pilipino sa Amerika. Sa dahilang ang
tunay raw pagpapaunlad ay ang “ bilinggualism.”
Ngunit
kalimitan ang pag-uyam sa wikang Filipino ang diin nila. Mas Ingles pa
ang ginagamit nila sa halip na palaganapin ang pambansang wika. Mas
nagkakaunawaan pa raw ang mga Pilipino sa Ingles kaysa sa wika nila.
Ito ang ubod ng patakran sa Amerika kayat hindi laganap ang pagsasalin
at inaakala ng gobyernong US na lahat ng Pilipino ay mahusay
mag-Ingles,
Ngunit
malaon na itong pinabulaanan ng mga sarbey at mga pag-aaral. Ayon
mismo sa Asian American Legal Center sa California, may 21% ng mga
Pilipino ang di nakakaunawa ng Ingles o monolingual. Mas mataas pa ang
bilang ng mga ito kung tutuusin sa praktikal na kalagayan. Tinatayang
mahigit ito sa 30% hanggang 60% kung talagang susuriin.
Datapwat
sinasabi sa research na mas mababa ang monolingual, pinabubulaanan ito
ng palasak na gamit ng wikang Filipino sa bahay at sa loob ng komunidad
kung saan mas malaya ang mga taong magsalita ng kanilang wika at hindi
naabot ng mga pag-aaral o ng mga sarbey.
Nakakatuwa
ngunit ang penomenon na ang mga kabataang Pilipino-Amerikano ay sabik
at masugid na nag-aaral ng wikang Filipino ay talagang kahanga-hanga.
Samantalang sa Pilipinas gagawin pa yatang patakaran na Ingles ang
gawing batayan ng pagtuturo dahil lamang sa pagiging asal-alipin ng mga
namumuno.
Hinggil sa Filipino English bilang lenggwahe
May
ilang akademiko na nagbabandila na dapat daw nating palaganapin ang
Filipino-English. Isa itong kategorya na nais ihanay, ang kung paano
magsalita ang Pilipino ng Ingles tulad ng kung paano may "King’s English"
o "American English." Nais nitong itaas ang Filipino English bilang isang
ganap na opisyal na lenggwahe.
Syempre
pa, nais nitong suriiin ang wikang Ingles kung paano ito ginagamit ng
mga Pilipino. Hindi nila alam na ito ay komon nang gamit ng lahat dahil
ang Ingles mismo ay halos ikalawang lenggwahe ng mga Pilipino na
katulad ng pagtuturing ng mga Amerikano sa Ingles na second language ng
hindi Amerikano. Isa itong rekisito upang sila ay maging
ganap na mamamayang Amerikano- ang marunong magsalita at umunuwa ng
Ingles.
Sa
aking palagay naman hindi na ito kailangan. Kasama na ng pagtuturo at
paggamit ng Ingles ang ating paraan at kostumbre na ito ay gamitin. Ang
ating pagsasalita ng Ingles samaktwid ay gawi at asal Pilipino.
Sa
ayaw o sa gusto natin, may punto tayo o katutubong "twang" at makikilatis ka kung
ikaw ay Ilokano, Bisaya o anumang rehiyong pinanggalingan mo kapag ikaw
ay nagsalita ng Ingles.
Ang
panggagagad sabi nga ng iba ay labis na paghanga at ang panggagagad o
pagtulad sa isang bagay ay pagbibigay dito ng mataas na halaga. Huwag natin bigyan ng halaga ang Ingles.
Dapat nang itigil ng mga Pilipino ang panggagagad. Tunay na maging makabayan at totoo. Isang tunay na Pilipino/a.
*********
Hinggil Sa Wikang Filipino at Sobinismong Ethno-Lingwistiko sa Amerika
Ipinanganak
si Arturo Garcia sa Pilipinas. Ngayon, taga- Silverlake Adult Day Health Care Center siya.Nagkolehiyo siya sa Maynila, Pilipinas at Political
Science ang major niya. May asawa siya at dalawang anak.
Nagtatrabaho si Arturo bilang Neighborhood Representative.
Nag-aabiso at nagtuturo siya sa mga mamamayan sa Historic Filipinotown. Tumutolong siya sa paglutas ng mga problemang pangkomunidad