Mga Guro ng Wikang Filipino sa Iba’t Ibang Unibersidad
Mga Guro ng Wikang Filipino sa Iba’t Ibang Unibersidad
STEPHANIE: Magandang umaga po. Maari po bang magbigay kayo ng ilang tala tungkol sa inyong sarili, bilang isang Pilipino/Pilipino-Amerikanong guro dito sa Estados Unidos?
DR. RAMOS: Magandang hapon naman. Wala akong planong maging Pilipino-Amerikano. Ako ay isang gurong nag-umpisa sa pagtuturo ng hayskul sa Pilipinas. Guro ako ng Ingles noong araw. Nakakuha ako ng iskolarsip para makapunta sa Michigan kung saan ako ay binigyan ng pagkakataong mag-aral ng second language teaching. Nagkaroon din ako ng iskolarsip sa UCLA para mag-aral ng Linguistics at ako’y nagkaroon din ng East-West Center Scholarship. Habang ako’y nag-aaral, umuuwi ako ng Department of Education sa Pilipinas para hindi mawala and trabaho ko doon. Isang beses nang bumalik ako, denemote ako sa Department of Education. Curriculum Coordinator na ako noon. Sabi ko, hindi yata maganda ito. Naisip ko na kailangan na yata akong bumalik sa Pilipinas kahit na hindi ako tapos ng aking dissertation at baka mawalan ako ng trabaho (parang walang pagpapahalaga sa akin doon). Naisip ko, hindi yata maganda ito. Nagtuturo ako ng Tagalog sa University of Hawaii noon. Inirekomenda ito ng aking adviser, para mayroon akong pera habang ako’y nag-aaral. Kung sa Pilipinas ay parang walang pahalaga sa akin, ano kaya sa University of Hawaii. Ang ginawa ko, humingi ako ng early tenure. At sa loob ko, kapag hindi ako binigyan ng tenure, uuwi na ako. Nang binigyan ako ng tenure, nagbitiw na ako ng trabaho sa Pilipinas at nagturo ako ng Filipino sa University of Hawaii. Sabi ko, mas binibigyan ako ng kahalagahan ng mga guro sa Unibersidad ng Hawaii kaysa sa Philippine Department of Education.
MEGAN: Kailan po kayo nagsimulang magturo at anu-ano po ang mga klase o kursong
itinuro/ itinuturo ninyo ngayon?
DR. RAMOS: Noong 1970, ang tawag sa department namin ay Asian and Pacific Languages, di lumaon naging Hawaiian and Indo-Pacific, tapos ngayon nawala na yung Hawaiian. Retirado na ako, kaya hindi na ako nagtuturo. Pero noong ako ay nag-umpisang magturo sa University of Hawaii, may dalawang kurso (101 at 201) ang ibinigay sa akin. Ang mga ito ay napalago ko hanggang ika-4 na antas, at saka nagkaroon pa kami ng mga higher level courses tulad ng Advanced Oral Comprehension at mga kursong tungkol sa kultura at panitikan. Naisip ko na ang mga kursong sa panitikan ay di dapat makarating sa mga Pilipino lamang, kung hindi pati na rin sa mga estudyanteng di-Pilipino. Ang Pilipinong estudyante noon ay parang hindi gustong tawaging Pilipino kaya naisip ko na dapat magturo ako ng mga kursong maipapagmalaki nila. Ibig kong malaman ng mga Pilipinong mag-aaral na mayroon din tayong mahusay na panitikan. Nag-umpisa rin ako ng mga klase ng tungkol sa wika at kultura at iba pang mga klase ng literatura na ang iba ay itinuturo ko sa Ingles gaya ng sinulat nina Carlos Bulosan at Jose Rizal. Ngayon meron nang BA in Filipino and Philippine Literature sa University of Hawaii. Ang mga nagmemedyor sa Pilipino ay nag-aaral ng literaturang Pilipino rin. May mga English majors din na kumukuha ng mga kursong tungkol sa panitikang Pilipino.
AILENE: Gaano po kahalaga sa inyo ang pagbabahagi ng kulturang Pilipino sa mga Pilipino-Amerikano dito sa Amerika?
DR. RAMOS: Hay naku, iha, iyan ang isa kong napakalaking layunin sa pagtuturo ng Filipino. Hindi lamang ang pagtuturo ng Filipino ang nasa aking pag-iisip, kung hindi nandoon din ang pagtuturo ng pagmamahal ng Pilipino sa kanyang wika at sa kanyang literatura. Kaya lahat ng bagay ay ginagawa ko para malaman ng mga estudyanteng Pilipino na dapat nilang ipagmalaki ang kanilang kultura. Sa isang kursong itinuturo kong “Introduction to Philippine Language and Culture,” natutuklasan ng aking mga estudyante ang kanilang identidad bilang Pilipino.
ADRIELLE: Ano po ang binibigyang-diin ninyo sa klase ng wikang Filipino at iba pang klase, lalo na kapag tungkol po sa Pilipinas at mga Pilipino ang pinag-uusapan?
DR. RAMOS: Ang aking binibigyang-diin ay ang kultura ng Pilipino, maging wika man o panitikan man ang aking itinuturo. Sa aking mga leksyon sa unang taon, lalung-lalo na sa ikalawang taon, binabase ko ang bawat leksyon sa isang aspeto ng kulturang Pilipino. Halimbawa, ano ang mga sinasabi mo kapag mas nakakatanda ang kausap mo? Ang mga Pilipino ay gumagamit ng mga salitang “po” at “opo,” o tinatawag na “ate” o kuya,” “tiya” o “tiyo” bilang paggalang. Ano ba ang pinag-uusapan kapag nagkikita kayo? Mahusay ang sinulat namin ni Rosalina Goulet na ginagamit sa ikalawang taon. Talagang kultura ang itinuturo. Halimbawa, nasa pikinik ka o nasa party ka, anong sasabihin mo? Halimbawa, may nagsabing “Naku, ang ganda ng damit mo!” Ano ang isasagot ng isang Pilipino? Sasabihin ng isang Amerikano, “Thank you,” pero sa Pilipinas, ang sasabihin ay “O, damit ng ate ko ito. Ibinigay niya lang sa akin!” o kaya, “Luma na ito.” Hindi nila sasabihing “Thank you” kasi parang mayabang ang dating.
PROP. DOMINGO: Ano po ba ang tingin ninyo sa kulturang Pilipino kumpara sa ibang mga kultura na nandito sa Amerika? Ano pong ikinaiba ng mga Pilipino sa ibang mga lahi sa larangan ng kultura?
DR. RAMOS: Sa tingin ko, ang isang napakaganda sa kultura ng Pilipino ay ang pakikiramdam sa kapwa. Halimbawa ang Pilipino ay hindi magsasabi ng makakasakit sa kausap. Iniisip niyang mabuti kung paano niyang masasabi ito na hindi makakasakit. Halimbawa, gusto niyang magbigay ng pansin sa sinabi o sa ginawa, hindi katulad ng mga Amerikanong deretsong sasabihin sa iyo, “Naku, ang pangit naman niyang ginawa mo! Sa Pilipinas, napakaimportante ng pakiramdam sa kapwa. “Sa palagay ko, siguro mas maganda kung ginamit mo...”
BILLIE: Magandang umaga po. Ang tanong ko po ay sino po ang paboritong awtor ninyo?
DR. RAMOS: Pinakamaganda sa akin si Nick Joaquin. Sa palagay ko walang manunulat sa Pilipinas na magiging mas mahusay pa kay Nick Joaquin.
PROP. DOMINGO: Kahit pa po kay Jose Rizal?
DR. RAMOS: : Iba naman kasi si Jose Rizal. Historically sa akin maganda yung libro ni Jose Rizal tungkol sa panahon niya. Napakagandang basahin kasi doon malalaman mo ang mga ugali ng mga Pilipino noong panahon ng Kastila. Ang sinasabi ko ay tungkol sa manunulat sa panahon ngayon gaya ni Nick Joaquin. Walang lalaban kay Rizal. Napakagandang libro ng Noli at Fili.
BILLIE: Sino naman po ang paborito ninyong Amerikanong awtor?
DR. RAMOS: Sino nga ba ang paborito kong American author? Siguro si ano...yung sumulat tungkol sa mga Southern America gaya ni Tennesse Williams. Nakalimutan ko na kung ano yung mga pinagbabasa ko noong araw. English major ako. Binasa namin ang mga major writers sa Amerika. Yun nga ang nakakatawa di ba? Pagdating ko sa Hawaii, nagpalit ako ng career at alam ba ninyo sa Pilipinas ang takot ko lang magturo ng Tagalog. Ang pinakamababa ko yatang grade ang Pilipino. Kasi marunong kaming mag-Pilipino, kaya akala mo ang galing-galing mo na, yun pala hindi. Lalo na yung mga tinatawag nilang palarila, pandiwa, mga terminong hindi mo kakilala, biglang-bigla, heto. 85 naman ang aking grade sa Tagalog. Pero nakakahiya rin. Kaya sabi ko, tutal kako alam ko yung teaching as a second language, siguro kaya kong magturo ng Tagalog. At saka isa pa, ang nagpalakas ng aking loob ay pinilit ako ng aking adviser na mag-coordinate ng pitong Pilipinong wika sa Hilo, sa Peace Corps. Nasabak ako sa Peace Corps ng di oras dahil kailangan kong kumita ng pera para ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Pitong lengguwahe iyan na kinoordineyt ko na wala akong alam tungkol sa pagtuturo ng mga lengguwaheng ito. Kunyari marunong ako. Pinagmamasdan ko at titingnan ko ang mga ginagawa nila. Natuto rin ako kung pa’no magturo ng Pilipino at kung anu-ano pang lengguwahe. Di naglaon, sabi ko doon sa aking adviser, “Bakit hindi natin ipublish ang mga nagawa nang materyales kasi tuwing merong programa, bago nang bago ang materyales. Mag-uumpisa ka na naman sa wala.” Sabi ko doon sa aking adviser, si Dr. McKaughan, “Bakit hindi kayo humingi ng pera at i-publish natin itong mga materyales na ito. Sayang naman!” sabi ko. “Maya’t maya gumagawa tayo ng bagong materyales.” Ang kinalabasan nito ay pitong lengguwaheng may leksiyon, diksyunaryo at grammatika. Ang pitong lengguwahe ay nagkaroon ng tatlong volume bawat isang lengguwahe. 21 libro ang lumabas doon sa sinabi kong “Bakit hindi natin i-publish yung mga materyales.” Iyan ang tinatawag na PALI Series. May tatlong volumes ang bawat lengguwahe. Merong Pangasinan diyan, merong Kapampangan, merong kung anu-ano, at Tagalog. Bawat isa, may bolyum sa leksiyon, isang bolyum sa diksyunaryo at isang bolyum sa grammar. Iyan ang nakapagbigay sa akin ng lakas ng loob para magturo ng Tagalog kasi sinulat namin ‘yan. Malakas ang loob ko kasi merong materyales kami - ang PALI Series. Kung hindi diyan, hindi ako magtuturo niyang Tagalog. Ang takot ko lang!
PROP. DOMINGO: Ano po sa palagay ninyo ang hinaharap ng pagtuturo ng wikang Filipino dito sa Estados Unidos?
DR. RAMOS: Kung second language lang, alam kong gusto kong magturo ng wika sa isang taong hindi alam ang wika. Ngunit nitong mga nakaraang araw, karamihan sa aming mga estudyante ay tinatawag na “heritage students.” Meron silang alam sa wika. Maaaring marunong silang makinig o kaya marunong silang makipag-usap sa Tagalog; hindi nga lang sa pagbabasa o kaya sa pakikinig. Naisip ko na kailangang ibahin ang pagtuturo ng wika sa heritage students. Noon pa hanggang ngayon, pinag-iisipan namin sa Hawaii kung anong pinakamabuting gawin, kasi mabuburyong ang mga heritage students sa klaseng nag-uumpisa pa lang o kaya matatakot yung mga nag-uumpisa ng walang alam. Hindi na papasok sa klase ng Filipino. Iyan ang nangyayari. Ang University naman ayaw magbigay ng pera para hatiin namin ang klase, isang heritage at isang hindi. Kaya halo pa rin kami hanggang ngayon. Ang ginagawa ng mga titser ay iba ang itinuturo doon sa mga heritage at iba din doon sa talagang nag-uumpisa lamang.
MEGAN: Bilang itinuturing na “Ina ng Pagtuturo ng wikang Filipino sa Estados Unidos,” ano po ang natatanging karanasan ninyo na maari naming kapulutan ng aral sa pagsusulong ng wika at kalinangang Filipino dito sa Estados Unidos?
DR. RAMOS: Naku “ina”? Wala bang “ama”? (Tawanan). Tingnan mo nga iyan. Ako’y ina ng pagtuturo ng wikang Filipino. Iyan ang talagang nakakatawa sa buhay ko. Hindi ako Filipino major. Biro mo, hindi ako Filipino major, naka-publish ako ng 20 libro tungkol sa Filipino. Hindi ba mahirap paniwalaan iyan? Dahil napilitan ako para maging full professor. Kaliwa’t kanan ang pagsusulat ko. (Tawanan). Ang nakakatawa pa, yung ibang libro ko ay na-pirate sa Pilipinas. Sabi ko, hindi para sa native speakers ‘yan. Ginagamit nila sa mga banyagang nag-aaral ng Pilipino sa Pilipinas. Sa akin naman, kung magagamit nila, okey lang. Kahit na payritin nila. Ang isang tulong ko sa pagsulong ng wika at kalinangan ay tulungan ang kilala kong Filipino teachers. Ang tawag ko sa grupong ito ay Consortium for the Advancement of Filipino. Alam ko na bawat programa, maging sa UCLA, Berkeley, Michigan, Cornell at sa iba pa, iisa lang ang titser. Kami sa Hawaii, meron kaming apat na nagtuturo ng Filipino. Sa mga unibersidad na malalaki, isa lang ang titser na nagtuturo ng lahat ng levels. Haka-haka ko na dapat siguro ng makapag-usap at magkakilanlan ang mga taong ito at ng may mapaghingahan ng kanilang mga problema. Ako rin ay laging nakahandang sumagot sa mga tanong nila o kaya anong materyales ang maaari nilang gamitin. Iyan ang ginagawa kong service sa propesyon. Isang “clearing house” kumbaga, at gustung-gusto kong gawin ‘yan. Kahit matanda na ako, dahil sa isip ko ito ay makakatulong sa kanila, naglilista ako sa newsletter ng mga kumperensiyang mahusay na puntahan nila. Kayong mga bata siguro dapat ay magkaroon kayo ng organisasyon na magpapalaganap sa pagkaalam ng wika, o kaya magturo kayo ng mga bata. Maraming magulang na gustong makapag-aral ng Filipino ang mga anak nila. Dapat kayo ang kumilos pagkat walang ibang kikilos.
STEPHANIE: Maari po ba kayong magbigay ng maikling mensahe para sa mga
Pilipino-Amerikano? Dahil ang isang katulad po ninyo na lumipat dito at nakakatulong sa mga Pilipino dito, malaking bagay po at karangalan para sa ating mga kababayan ang inyong ginagawa.
DR. RAMOS: Wow, ang hirap ng tanong mo. Parang napakalaking gawain ‘yan. Dapat mahalin mo ang pinanggalingan ng magulang mo, kahit na ikaw ay hindi ipinanganak sa Pilipinas; sapagkat kung hindi mo gagawin ‘yan, parang kulang ka; parang lagi mong iisipin, ano nga ba yung pinagdaanan ng aking magulang? Ano nga ba ang kabuuan? Kaya isang magandang gawin mo ay usigin ang kasaysayan ng bayan ng magulang mo, ang kultura ng magulang mo. Sapagkat kung hindi gano’n, ang magulang mo man ay di mo mauunawaan. May kasalanan din ang mga magulang sapagkat ang mga anak nila ay hindi nila pinipilit mag-aral ng wika o kulturang Pilipino. Ang dahilan nila, kung ikaw ay nag-iingles lang, wala kang accent di ba? At importante ang walang accent sa paghahanap ng trabaho. Dahil dito, ang mga magulang ay hindi nagtuturo ng kultura nila at ng kanilang wika sa kanilang mga anak. Iyan ang nangyayari kaya lumalayo ng lumalayo ang mga anak sa kanilang magulang, at mababa ang tingin nila sa kultura ng Pilipino. Napakalungkot kung hindi magkaintindihan ang mga anak at magulang sa pamilya. Sa akin, kailangang mag-aral ka ng wika mo, at hindi lamang wika mo kung hindi ang kasaysayan ng iyong magulang, at alamin mo kung ano ang nangyayari sa Pilipinas. Sapagkat karamihan ng Pilipino-American ay parang ipinagmamalaki pa na hindi sila nag-aaral ng wika. Ang pag-aaral ng wika ay may kasamang kultura. Kung hindi ka mag-aaral ng wika, hindi mo malalaman ang iyong kultura o kultura ng mga magulang mo. Ang wika ay importante. May isang Pilipino-American kaming professor sa College of Education sa UH. Sinasabi niyang hindi kailangan ang wika sa pagtuturo ng Philippine culture. Ito ang malungkot sa lahat. Kung mga propesor mismo ang nagsasabi na hindi kailangan ang wika. Iyon ang ipaglaban niyo: ang pag-aaral ng wika. O, tama na ‘yon ha? (Tawanan).
PROP. DOMINGO: Maraming salamat po Tita Terry.
LAHAT: Maraming salamat po!
Pagpapakilala kay Prop. Masanao Oue
ni Galileo S. Zafra, Ph.D.
Noong ika- 4 ng Mayo, 2011, Miyerkules, naging panauhin ng Asian Languages and Cultures at ng Programang Filipino ng UCLA si Prop. Masanao Oue o Oue-sensei sa kanyang mga estudyante sa Osaka University sa Japan kung saan siya ang namumuno sa programang Filipino Language, Literature & Culture.
Ang Masayahing Sensei
Minsan ay dumalaw siya sa Pilipinas at bumisita kami sa isang beteranong artista sa bahay nito. Matapos ang mahaba-habang kuwentuhan at picture-taking, nagpaalam na kami. Nang malapit na sa pinto, sinabi niya sa aming dinalaw: “Ako po ulit si Oue. Oowi (Uuwi) na kami.”
Minsan naman, dito sa Japan, nagmagandang-loob siyang samahan kaming ipasyal ang mga Pilipinong bisita. Nakarating kami sa isang palengke sa Lungsod ng Akashi. May nakita kaming kamote at winika niya sa aming kasama: “Iyan ang nangyayari sa mga estudyanteng hindi nag-aaral—nangangamote.”
Talagang masayahin si Oue sensei. At lagi siyang nagbibiro sa kaniyang mga kaibigan at kasama. Pero makikita sa mga nakatutuwang kuwentong ito kung paano niya napaglalaruan ang wika at gaano siya kapamilyar sa pananalinghaga ng mga Pilipino. Ganiyan katindi ang pagiging bihasa niya sa wikang Filipino at ganiyan kalalim ang pagkaunawa niya sa kulturang Pinoy.
Siya si Masanao Oue, propesor sa Uniberidad ng Osaka. Sa mga estudyanteng Hapon at sa maraming kaibigang Pilipino, siya si Oue-sensei.
Pagsisimula ng Interes sa Pilipinas
Ipinanganak si Oue sensei sa makasaysayang siyudad ng Hiroshima, Japan noong ika-28 ng Marso, 1954. Nagtapos siya ng programang batsilyer sa programang International Relations sa Yokohama University noong 1976. Nagsimula siyang magkainteres sa Pilipinas at sa wikang Filipino dahil sa isang pahayagan—ang Pilipino Express—na dala ng kaniyang kaibigan na nanggaling sa Pilipinas. Ang kaibigan niyang ito ay galing sa Lubang Island at naging bahagi ng isang ekspedisyon para kunin ang mga labi ng mga sundalong Hapones na nasawi noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nasa front page ang larawan ng pangkat ng ekspedisyon.
Noong 1976, nag-apply si Oue sensei sa Foreign Affairs Ministry. Pinili niya ang wikang Filipino bilang priority language. Sa Foreign Service Institute, naging guro niya si Bernadette McFarland at dalawa pang estudyanteng Mombusho. Noong 1977 naman, ipinadala siya sa Maynila para kumuha ng intensibong kurso sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas. Nasa non-degree program lang siya noong una. Pero madaling napansin ang kaniyang talino at sigasig sa pag-aaral kaya, sa rekomendasyon ng kaniyang gurong si Dr. Nelly Cubar, naakselerado siya sa programang MA. Malaki rin ang naitulong sa pagiging bihasa niya sa Filipino ni Dr. Fely Castillo ng noo’y Institute of National Language na naging tutor niya sa Filipino.
Mga Karanasan sa Pilipinas
Sadyang kamangha-mangha ang tagumpay ni Oue sensei sa pag-aaral ng Filipino lalo’t iisiping nagtatrabaho rin siya noon sa Embahada ng Hapon sa Maynila bilang Political Officer. Sa panahon ng kaniyang panunungkulan sa Embahada, tumulong siya sa negosasyon, kasama sina Gob. Lacson at Arsobispo Fortich, sa pagpapalaya sa nakidnap na si Fumio Mizuno.
Walo at kalahating taon siyang nanirahan sa Pilipinas: mula 1977 hanggang 1983, at mula 1988 hanggang 1991. Dahil sa kaniyang pag-aaral ng wika at pagtatrabaho sa Embahada, maraming nakilala at naging kaibigang Pilipino si Oue-sensei. Ang nakatutuwa sa kaniya, hindi niya nalilimutan ang pangalan ng mga taong nakasalamuha niya gaano man katagal nang panahon iyon. Marami sa mga Pilipinong ito ay mga matalik na kaibigan pa rin niya hanggang ngayon.
Marami ring masasaya at di-malilimutang karanasan si Oue sensei habang nasa Pilipinas. Dahil katangi-tangi ang kakayahang magsalita sa Filipino ng isang dayuhang tulad niya, naimbitahan siya sa mga programa sa telebisyon. Noong 1982, lumabas siya sa programang “Two for the Road” nina Elvira Manahan at Nestor Torre. Kasama niyang nag-guest sa programa ang tatlo pang dayuhan na nagsasalita rin ng Filipino: isang paring Belgian, asawa ng kawani ng Embahada ng China na taga-Radyo Peking, at isang Amerikanong aktor. Tinanong sila kung saan nila nagagamit nang madalas ang Filipino. Ang pare-pareho nilang sagot: sa palengke. Mas mura silang nakakapamili kapag Filipino ang ginamit nila. Naimbitahan din siya sa "Student Canteen," ang programang pantanghali sa telebisyon nina Eddie Ilarde, Bobby Ledesma, Helen Vela at Connie Reyes. Tinanong siya kung ano ang paborito niyang kanta sa Tagalog. “Dahil sa Iyo,” ang sagot niya at muntik na siyang mapakanta ng awit na iyon on-the-spot!
Ang Pagiging Sensei sa Filipino sa Japan
Noong 1991, pagkatapos ng matagal-tagal na panahong pagtatrabaho niya sa Pilipinas ay nagpasiya siyang magturo sa Osaka University of Foreign Studies o Osaka Gaidai. Hanggang ngayong naisanib na ang Osaka Gaidai sa Osaka University o Handai, nagtuturo pa rin si Oue sensei ng mga kurso sa wikang Filipino, partikular na ang Gramatikang Filipino sa mga estudyanteng Hapon sa antas na batsilyer at masteral. Iginagalang na propesor si Oue sensei sa Unibersidad. Bukod sa kabihasaan niya sa larangang kaniyang itinuturo, nararamdaman ng mga estudyante ang tapat na malasakit niya sa bawat isa sa kanila. Hindi lang mga pangalan ng mga estudyante ang alam niya. Kabisado rin niya kung saang siyudad o lalawigan sila galing, mga interes at plano nila sa buhay. Kahit hanggang makapagtapos ang mga estudyante sa Unibersidad ay patuloy na nakikibalita si Oue-sensei sa kanila.
Hindi matatawaran ang ambag ni Oue-sensei sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa labas ng Pilipinas. Bukod sa pagtuturo, nakapaglathala na rin siya ng maraming aklat at artikulo tungkol sa wikang Filipino. Ilan sa mga publikasyong ito ang mga sumusunod: bilang awtor, Introduksiyon sa Wikang Filipino (2005), Mga Bawal na Salita sa Filipino (1997), Introduksiyon sa Gramatikang Filipino (1994), Conversational Filipino: 600 Social Formulas (1990); bilang editor, Wani no Namida (salin sa wikang Hapon ng nobelang Luha ng Buwaya, 1997), Firipinogo Kyouhon, Teksbuk sa Filipino 1, 2, 3 (1992); bilang tagasalin, Ai to Hangyaki: Eru Firi(salin ng El Fili ni Bienvenido Lumbera, 1995). Marami pa siyang mga akademikong artikulo na lumabas sa mga journal sa Pilipinas at Japan. Ngayon, nalalapit na ring lumabas ang isang teksbuk sa kumbersasyong Filipino na ilalathala ng Osaka University. At tinatapos din niya ang maaaring pinakamahalagang proyekto niya sa wikang Filipino, ang isang Diksiyonaryong Filipino-Hapon. Napakahalaga nitong huli para sa mabilis na pagkatuto ng wikang Filipino ng mga Hapon.
Dahil sa mga nagawa ni Oue-sensei lalo na sa larangan ng pagtuturo ng wikang Filipino at pagsusulat at paglalathala ng mga aklat tungkol sa wikang Filipino, iginawad sa kaniya ng Komisyon sa Wikang Filipino, na noo’y pinamamahalaan pa ni Dr. Ponciano B.P. Pineda, ang isang Katibayan ng Pagpapahalaga noong ika-15 ng Agosto 1996. Nakalimbag sa plake ng pagpapahalaga ang sumusunod:
Sa kabila ng kaniyang pagiging dayuhan, masigasig niyang pinag-aralan ang Wikang Pambansa ng Pilipinas; may palagiang konsultasyon sa Komisyon sa Wikang Filipino, nagtapos ng masterado sa Filipino, nagtuturo ng wikang Filipino sa Unibersidad ng Osaka sa bansang Hapon, at sumusulat ng mga aklat hinggil sa Filipino para sa mga Hapones na nais mag-aral ng Wikang Pambansa ng Pilipinas.
Hindi natatapos sa loob ng akademya ang pagsangkot niya sa Pilipinong komunidad. Sa kasalukuyan, tinatapos niya ang proyektong “Research and Development of Measurement Scales and Assessment Tools on Native Language Skills of Foreign Children (Native Speakers of Filipino Attending Schools in Japan).” Layunin ng proyektong ito ang bumuo ng kasangkapan para matasa ang kakayahan at kasanayan sa Filipino ng mga batang Filipino na ipinanganak sa Pilipinas at nag-migrate na sa Japan at nag-aaral sa mga paaralang Hapon. Ang talagang nais matamo ng proyekto ay ang matulungan ang mga batang Filipino na mapanatili at mapalakas pa ang kanilang unang wika kahit nag-aaral na sila sa mga paaralang Hapon at namumuhay na sa ibang bansa.
Madalas pa ring nagpupunta si Oue sensei sa Pilipinas. Dumadalo ng mga kumperensiya, bumibisita sa mga kaibigan, nagsasaliksik, sinasariwa ang magagandang alaala noong namalagi siya sa Pilipinas. Sa katunayan, siya at ang butihing asawa niyang si Kanako-san, isang mabait at matalinong Haponesa at ngayo’y isang kandidato para sa programang MA Japanese Education sa Unibersidad ng Osaka, ay nag-alaga ng pusa na pinangalanan nilang Pina. Para kay Oue-sensei, isang pagbibigay-pugay ito sa mga Pilipinong kaniyang nakilala.
Ang Araling Pilipino sa Unibersidad ng Osaka
Ngayon ay patuloy sa pagiging mahusay at masigasig na propesor si Oue-sensei sa Kagawaran ng Araling Pilipino ng Unibersidad ng Osaka. Ang Kagawaran ng Araling Pilipino ay dating nakapaloob sa Osaka Gaidai. Ngunit noong 2007, ang Osaka Gaidai ay naging bahagi na ng Osaka University. Ang Kagawaran ay mayroong progamang Araling Pilipino sa antas batsilyer at masteral. Sa antas batsilyer, taon-taong tumatanggap ng 15 estudyanteng Hapon. Kumukuha sila ng mga kurso sa wika, panitikan, kultura, at lipunang Pilipino. Sa pang-apat na taon nila sa unibersidad, kailangan nilang sumulat ng isang tesis na tumatalakay sa anumang paksa tungkol sa alinman sa apat na larangan ng Araling Pilipino. Marami sa mga estudyante ay nagpupunta pa sa Pilipinas para mangalap ng datos tulad ng pagsasaliksik sa mga aklatan, paggawa ng sarbey, pagsasagawa ng obserbasyon, pakikipamuhay, at interbiyu. Ang ilan naman sa kanila ay namamalagi sa Pilipinas ng isang taon para mag-aral ng wikang Filipino o iba pang aspekto ng lipunang Pilipino sa mga pamantasan sa Pilipinas tulad ng UP at Ateneo. Ang iba naman sa kanila ay naeengganyong magbakasyon sa Pilipinas simula pa sa unang taon nila sa Unibersidad upang masanay silang lalo sa paggamit ng Filipino at para higit nilang maunawaan ang kulturang Pilipino. Sa antas masteral naman, nito lamang nakaraang Marso, dalawang estudyanteng Hapon ang nagtapos sa gradwadong programa sa Araling Pilipino.
Bukod kay Oue-sensei, may dalawa pang full-time na propesor na Hapon na nagpapatakbo ng Araling Pilipino. Ito ay sina Prop. Mamoru Tsuda at Prop. Gyo Miyahara. Sinusuportahan sila ng dalawang lektyurer na nagtuturo ng mga batayang kurso sa wikang Filipino, gayundin, ng isang Visiting Professor mula sa Pilipinas. Simula pa noong mga gitnang taon ng dekada 1980, kabilang sa mga naging Visiting Professor sina Dr. Bienvenido Lumbera, Dr. Rosario Torres Yu, Dr. Oscar Evangelista, Dr. Lilia Antonio, Dr. Nicanor Tiongson, Dr. Josephine Barrios, Dr. Rolando Tolentino, Dr. Pia Arboleda, at Dr. Galileo Zafra. Lahat sila ay nagmula sa UP.
Isang magandang kinabukasan ang dapat asahan para sa Araling Pilipino sa Japan, partikular na sa Unibersidad ng Osaka lalo na’t itinitimo ito ng mga dedikadong propesor tulad ni Oue-sensei—may tunay na malasakit sa mga estudyante, may malalim na pagkaunawa sa kahalagahan ng sariling wika, at may pagpapahalaga sa wika at kulturang Pilipino.
Isang Panayam kay Prop. Richard Atienza
Prof. Richard Atienza grew up in Quezon City, in Metro Manila, Philippines. His teaching career began in 1996 as a faculty member of various schools in Manila, including the University of the East and the University of the City of Manila (Pamantasan ng Lungsod ng Maynila). Prof. Atienza taught different courses ranging from Humanities, Philippine History and Government, Cultural Diversity Awareness, and Local & Global Tourism. He came to the U.S. in 2005 as a migrant and first taught Tagalog at the University of Washington in Seattle. He continued his teaching as Senior Tagalog Instructor at the Defense Language Institute in Monterey, California from 2006 to 2007. In 2010, he became a Filipino language professor at the University of Michigan at Ann Arbor. Being the only professor for the program, he teaches three levels: 1st year Filipino (Beginner), 2nd year Filipino (Intermediate), and Advanced Filipino.
1.Maari po bang magbigay kayo ng ilang tala tungkol sa inyong sarili at sa pagtuturo ninyo ng wikang Filipino/Tagalog sa Amerika?
Ako si Richard Atienza, tubong Quezon City, Metro Manila. Dumating ako sa Amerika noong 2005 bilang migrante at una akong nagturo ng Tagalog sa University of Washington sa Seattle. Nagpatuloy ako bilang Senior Tagalog Instructor sa Defense Language Institute sa Monterey, California mula sa taong 2006 hanggang 2007. Noong 2010, pinalad akong maging guro ng Filipino sa University of Michigan.
2. Saan pong unibersidad kayo nagtuturo? Anong mga levels at ilan ang inyong enrollment?
Sa kasalukuyan, ako ang guro ng wikang Filipino sa University of Michigan, sa Ann Arbor. Bilang nag-iisang guro ng programa, ako rin ang nagtuturo sa tatlong levels, 1st year Filipino (Beginner), 2nd year Filipino (Intermediate), at Advanced Filipino.
3. Kailan po kayo nagsimulang magturo at anu-ano ang mga klase o kursong itinuro/ itinuturo ninyo?
Nagsimula akong magturo noong 1996, sa Pilipinas. Naging faculty member ako ng iba't ibang paaralan sa Maynila, kabilang na ang University of the East at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (University of the City of Manila). Iba't ibang kurso rin ang itinuro ko sa mga mag-aaral na Pilipino, kabilang na ang mga kurso sa Humanities, Philippine History and Government, Cultural Diversity Awareness, at Local and Global Tourism. Sa larangan ng wika, nakapagturo ako noon ng English at Spanish. Dito sa Amerika, wikang Filipino pa lamang ang aking naituturo.
4. Gaano katagal na po kayong nagtuturo ng Filipino?
Suma-total, mahigit sa tatlong taon pa lamang ako sa pagtuturo ng wikang Filipino dito sa Amerika.
5. Ano po ang inyong panuntunan o pedagogy sa pagtuturo ng wikang
Filipino?
Ang konsepto ng Learning by Doing ang panuntunan ko sa pagtuturo ng wikang Filipino, ngunit binibigyang diin ko rin ang gramatika sa unang baitang ng pagtuturo. Mahalaga sa akin na makuha at maintindihan muna ng estudyante ang istruktura ng wika, gayon din ang pagkamit ng mayamang lexicon bago ang mga praktikal na pagsasanay sa wika sa pamamagitan ng real-world, functional, at situational na aplikasyon.
6. Ano po ang binibigyang-diin ninyo sa klase?
Gramatika, istruktura, bokabularyo, at pinaka-basic (o simple) na pagpapalitan ng tanong at sagot sa unang baytang; praktikal na aplikasyon ng wika sa intermediate level, at pagbibigay ng kuro-kuro at opinyon sa advanced level. Sa lahat ng ito, ang pinakalayunin ay ang epektibong pagsasalita ng Filipino, at ito ang binibigyang diin ko sa klase.
7. Sa kasalukuyang umiiral na budget cuts, ano naman po ang lagay ng pagtuturo ng wikang Filipino sa inyong lugar o paaralan?
May nagsasabing nanganganib hindi lamang ang programa ng wikang Filipino, kundi pati na rin ang programa ng iba pang less commonly taught languages, na siya rin namang binubuo ng Southeast Asian languages. Ipinagmamalaki ko na sa lahat ng SEA languages sa University of Michigan, pinakamataas pa rin ang enrolment ng Filipino, ngunit malaki pa rin ang kakulangan upang maabot ang maximum enrolment capacity. Dahil dito, walang kasiguraduhan ang pagpapatuloy ng pagtuturo ng mga less commonly taught languages, at nakadepende ang lahat sa panukalang budget, at sa demand ng mga
estudyanteng gustong matuto ng wika.
8. Ano po sa palagay ninyo ang hinaharap ng pagtuturo ng wikang Filipino sa inyong paaralan at sa Estados Unidos?
Sa aming paaralan, malakas ang pananalig ko na magtatagal pa rin ang pagtuturo ng wikang Filipino sa kabila ng kaliwa't kanang banta sa pagtuturo ng mga less commonly taught languages. Isang napakalaking pagsubok ito lalo na sa mga katulad kong nagtuturo ng Filipino sa Midwest, gawa nang hindi kasinlaki, kasinlakas, at kasinlawak ang konsentrasyon ng mga komunidad ng mga Pilipino rito, 'di tulad ng California, sa West Coast o New York kaya sa East Coast.
Gayunpaman, mataas pa rin ang pag-asa na kapag manumbalik na ang sigla ng pambansang ekonomiya ay unti-unting lalaganap muli ang mga programa patungkol sa pagututro ng wikang Filipino.
Nakakakita rin ako ng liwanag at pag-asa sa panibagong dausdos ng interes sa pagkatuto ng wika ng mga Pilipino-Amerikano na dala ng makabagong teknolohiya tulad ng internet at media (halimbawa ang The Filipino Channel). Dahil dito, mas naaabot ang mga tahanang Pilipino dito sa Amerika at siyang nagpapaalala sa mga kabataang Pilipino-Amerikano sa kahalagahan ng pagkatuto ng wika upang mas lalo pang mahubog ang sariling pagkakakilanlan bilang heritage Filipinos.
Isang Panayam kay Prop. Edith R. Borbon
Titulo: Adjunct Professor and Language Coordinator
Modern and Classical Languages
College of Arts and Sciences
University of San Francisco (USF)
English Bio:
Edith R. Borbon spent her first seventeen years in Manila, the Philippines, before immigrating to California with her family. She earned her BA in Linguistics from the University of California, Berkeley. Her MS in Education, with a specialization in Intercultural Communication, was from the University of Pennsylvania.
Professor Borbon has traveled widely, and has taught English and writing for over 15 years. She is also an accomplished editor and technical writer who has worked on both scholarly manuscripts and flight simulation manuals.
Professor Borbon teaches Tagalog (Filipino) and is involved with developing the program and the collection. She is also active as a healthcare and social services interpreter, and has translated documents for city and county agencies.
1. Maari po bang magbigay kayo ng ilang tala tungkol sa inyong sarili at sa pagtuturo ninyo ng wikang Filipino/Tagalog sa Amerika?
Ako ay ipinanganak at lumaki sa Maynila, Pilipinas. Lumipat ako sa California noong ako ay labimpitong taong gulang kasama ang aking pamilya. Nakamtan ko ang aking BA sa Linggwistika sa University of California, Berkeley. Ang aking MS sa Edukasyon, pagdadalubhasa sa Intercultural Communication, ay nakamtan ko naman mula sa University of Pennsylvania.
Sa kasalukuyan, ako ay nagtuturo ng Tagalog (Filipino) sa University of San Francisco at kasapi ako sa pagpapaunlad ng programa. Marami na akong lugar na napaglakbayan, at nagturo ako ng pagsusulat sa Ingles ng mahigit na labing-anim na taon.
Isa rin akong healthcare interpreter para sa mga pagsusuri at konsultasyong medikal, panghuhusgang sikayatriko, pagsusuring sikolohikal, at mga sesyong pangrehabilitasyong pisikal at okupasyonal, at tagapagsalin sa serbisyong panlipunan.
Ako ay isang bihasang patnugot at dating teknikal na manunulat (ng Ingles). Ang aking mga proyekto ay binubuo ng mga lathalain, mga manuskrito, mga disertasyon, mga inpormasyong medikal, mga manwal na pangkompyuter, mga artikulong kultural, at mga lathalaing pampanitikan sa kolehiyo. Nakapagsalin din ako ng mga lathalaing pang-impormasyon at mga awitin, at ng mga dokumento para sa mga sangay panglungsod at pang-probinsya.
2. Anong mga levels po ang inyong itinuturo at ilan ang inyong enrollment?
Sa University of San Francisco ako nagtuturo ng Tagalog/Filipino - beginning at intermediate levels. Hanggang 22 estudyante lamang ang maaari para sa bawat klase ng mga wikang dayuhan. Sa aking mga klase ng Tagalog, 19 ang naging pinakamarami at 6 ang pinakakaunti.
3. Anu-ano po ang mga klase o kursong itinuro/ itinuturo ninyo?
Noong Agosto/Taglagas 2008, nagturo ako ngTagalog 101, 102, at 201. Ang Tagalog 101 at Tagalog 102 ay mga beginning levels at ang Tagalog 201 ay ang intermediate level.
4. Gaano katagal na po kayong nagtuturo ng Filipino?
Ikatlong taon ko na ito ng pagtuturo ng Tagalog/Filipino. "Tagalog" pa rin ang tawag namin sa klase sa USF. Halimbawa: Tagalog 101/YPSP 101 - First Semester Tagalog/Filipino (YPSP = Yuchengco Philippine Studies Program, cross-enrolled)
5. Ano po ang inyong panuntunan o pedagogy sa pagtuturo ng wikang Filipino?
Ginagamit ko ang tinatawag na "communicative approach" sa aking pagtuturo. Sinisiguro ko ring masaya at kaaliw-aliw ang aking mga aralin sa pamamagitan ng mga sumusunod na halimbawa:
[Creativity in lesson planning]
a. Paggamit ng jelly beans para sa aralin tungkol sa bilang, kulay, at lasa
b. Consonant Pronunciation, Warm-up, and Vocal Exercise - (an articulatory exercise) ehersisyong pansalita para sa mas mabilis at madaling pagbigkas ng mga katinig
c. Lakbay-aral sa Philippine Coral Reef Exhibit sa California Academy of Sciences: talasalitaan ukol sa buhay pangkaragatan
d. Pagluluto sa kusina o cooking session: verbs and other vocabulary for cooking, actual session in the kitchen
e. Kamayan Cultural Activity - ang pagkakamay: 5 uri ng pritong isda, itlog na maalat at kamatis, ensaladang talong, burong labanos
f. Lakbay-aral sa isang Asian supermarket upang makilala ang iba't ibang katutubong gulay at prutas
g. Lakbay-aral: ang pagkain ng buong klase sa "lunch buffet" at pagkilala ng iba't ibang pamamaraan ng pagluluto
h. Mga awit at pagkanta dahil sa aking pag-aaral ng pagkanta at pagtugtog ng piyano.
i. Mga laro tulad ng taguan kasabay ng pagbigkas ng "Pen Pen de Sarapen"
j. Mga Dasal, Ang Pagrorosaryo, at Ang Misa: Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati, mga misteryo ng rosaryo, at ang mga tugon at babasahin para sa misa
6. Ano po ang binibigyang-diin ninyo sa klase?
Ang pagsasalita/pakikinig, pagsusulat, at pagbabasa, at mga tuntunin ukol sa kultura.
7. Sa kasalukuyang umiiral na budget cuts, ano naman po ang lagay ng pagtuturo ng wikang Filipino sa inyong lugar o paaralan?
Matatag, walang dapat alalahanin. Sa katunayan nga ay napahintulutang maghandog ng Tagalog 202 para sa Tagsibol 2012.
Mayroong sapat na mga mag-aaral na nagpapatala, kaya patuloy ang paghahandog ng mga klase ng wikang Filipino. Karamihan ng mga mag-aaral ay heritage learner nguni't mayroon ding ilang hindi.
8. Ano po sa palagay ninyo ang hinaharap ng pagtuturo ng wikang Filipino sa inyong paaralan at sa Estados Unidos?
Tulad ng nasabi ko, matatag at walang dapat alalahanin. May sapat na mga estudyanteng nagpapatala sa mga klase ng wikang Filipino. Sa kabuuan ng Amerika naman, sa tingin ko ay lalaganap ang pagtuturo ng wikang Filipino lalong-lalo na sa mga lugar na kung saan maraming Pilipino at kung saan maraming may hilig mag-aral nitong wikang ito.
Isang Panayam kay Prop. Julia Camagong
Isinaayos ni Bea Ignacio
Julia has been a part of the Filipino-American community for the past 22 years. She is currently the Co-Executive Director of the Philippine Forum based in New York. The Philippine Forum is an association that brings awareness about culture, heritage, and responsibility to Filipinos.
Julia is also the current Vice President of the Program for National Alliance for Filipino Concerns (NAFCON), an alliance of partnerships, institutions, church groups, and other organizations that tackles issues that Filipino’s in the US face in their daily lives.
When Julia resided in San Francisco, she established Teatro ng Tanan (TnT) or Theater for Everyone, a theatrical company that performs original plays, poems, and other shows about the lives of Filipinos in America. Currently, Julia is able to adhere her theatrical training by teaching in youth workshops.
Besides teaching at CMSV, Julia also teaches Tagalog (Filipino) at the Bayanihan Filipino Community Center in Queens, New York.
1. Maari po bang magbigay kayo ng ilang tala tungkol sa inyong sarili at sa pagtuturo ninyo ng wikang Filipino/Tagalog sa Amerika?
Ako si Julia Camagong, naging bahagi ng komunidad ng mga kababayang Pilipino dito sa Amerika sa mahigit na 22 taon. Sa kasalukuyan, ako ang tumatayong Co-Executive Director ng Philippine Forum na nakabase sa New York. Ang Philippine Forum ay isang samahan na nagmumulat sa kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa kanilang kultura, pamana, at responsibilidad.
Ako rin ang kasalukuyang Vice President para sa mga Programa ng National Alliance for Filipino Concerns (NAFCON), isang alyansa ng mga samahan, institusyon, grupo ng simbahan at iba pang mga organisasyon na nagsusulong ng mga isyu ng mga kababayang Pilipino sa kanilang buhay dito sa Amerika.
Noong ako ay nakatira sa San Francisco, isa ako sa mga nagtatag ng "Teatro ng Tanan" (TnT) o "Theater for Everyone," isang kompanyang panteatro na nagtatanghal ng mga orihinal na dula, tula at iba pang palabas tungkol sa buhay ng mga Pilipino sa Amerika. Sa kasalukuyan, nagagamit ko ang mga pamamaraan sa teatro sa pagbibigay ng mga worksyap sa mga kabataan.
Bukod sa pagtuturo sa CMSV, ako ay nagtuturo rin ng Tagalog (Filipino) sa Bayanihan Filipino Community Center sa Queens, New York.
2. Saan pong unibersidad kayo nagtuturo? Anong mga levels at ilan ang inyong enrollment?
Adjunct Professor ng Introduction to Filipino (Tagalog) 1 at 2 sa College of Mount Saint Vincent (CMSV) sa Bronx, New York. Ang enrollment sa kasalukuyan ay 45 estudyante (2 seksyon).
3. Kailan po kayo nagsimulang magturo at anu-ano ang mga klase o kursong itinuro/ itinuturo ninyo?
Nagsimula akong magturo sa CMSV noong Fall 2010. (Pero ako ay naging regular na sub sa simula ng Fall 2009). Sa aming organization na Philippine Forum, nagtuturo rin kami ng Filipino/Tagalog sa mga estudyante mula pa noong 2008. Ginagamit namin ang aklat ni Joi Barrios.
4. Gaano katagal na po kayong nagtuturo ng Filipino?
Nagtuturo ako ng Filipino/Tagalog nang mahigit sa 7 taon na.
5. Ano po ang binibigyang-diin ninyo sa klase?
Binibigyang-diin ko ang paglahok ng lahat ng estudyante sa lahat ng aspeto ng pag-aaral ng wika pagbabasa, pagsasalita, pagsusulat, at pakikinig. Gumagamit ako ng mga “exercise” at larong panteatro sa pagtuturo ng mga leksiyon sa Pilipino. Ang mga mag-aaral ay binibigyan ng pagkakataong lumahok sa pagdedesisyon ng mga gawain sa loob ng silid-aralan.
6. Sa kasalukuyang umiiral na budget cuts, ano naman po ang lagay ng pagtuturo ng wikang Filipino sa inyong lugar o paaralan?
Ang aming paaralan ay isang private college. May malakas na pagtulak na buuin ang Philippine Studies Center/Program kaya’t maganda ang kinabukasan ng pagtuturo ng Filipino. Malaki ang pagkakataon na magbubukas ng iba pang klase sa Pilipino.
7. Ano po sa palagay ninyo ang hinaharap ng pagtuturo ng wikang Filipino sa inyong paaralan at sa Estados Unidos?
Sinusubukang magtatag ng isang Philippine Studies Center/Program ang aking paaralan upang maging kauna-unahang paaralan sa East Coast na mayroong Philippine Studies minor at program. Sa aking palagay, kung magkakaisa ang mga guro na nagtuturo ng Filipino/Tagalog sa pagpapaunlad ng kurso, magiging maunlad at masigla ang pagtuturo ng wikang Filipino.
Isang Panayam kay Dr. Teresita Ramos
Si Dr. Teresita Ramos ay isang Professor Emeritus sa University of Hawaii sa Manoa. Natamo niya ang kanyang Ph.D. sa Linguistics mula sa University of Hawaii noong 1973.
Ang mga mag-aaral ng Filipino 6, Intermediate Filipino sa UCLA, ay nagkaroon ng pagkakataong makapanayam si
Dr. Teresita Ramos.