University of California, Riverside
University of California, Riverside
Ang Bayang Tinubuan ng Aking Magulang
ni Bryan Burgonio
Maraming magagandang lugar sa Pilipinas na maaaring galugarin at mapaghanapan ng tunay na kayamanan. May tatlong pangunahing rehiyon o mga isla sa Pilipinas, at ang tawag sa mga iyon ay Luzon, Visayas, at Mindanao. Maraming magagawa, makikita, at makakain sa Pilipinas na tiyak ay magbibigay ng kaaya-ayang karanasan na hinding-hindi makakalimutan ng sinumang pupunta dito.
Ipinanganak at lumaki ang tatay ko sa probinsya ng Ilocos Sur. Ang Vigan ay ang kapital ng Ilocos. Mayaman ang agrikultura sa Ilocos at ito ay sikat sa pagpapatubo ng bigas, tabako, kamote, tubo, at cassava. Magaling magsalita ng Ilocano ang tatay ko, at ako ay nanghihinayang dahil hindi ako marunong magsalita ng Ilocano. Mahilig ang tatay kong maghalo ng bagoong sa lahat ng kinakain niya kasi kahit noong siya ay bata pa, iyon na ang paboritong niyang lasa. Mayroon ding mga bundok sa Ilocos na puwedeng akyatin ng mga taong mahilig maghanap ng abentura. Ang nanay ko naman ay ipinanganak sa Batangas, kung saan may magagandang mga anyong tubig. Malinaw at kalmado raw ang tubig sa mga karagatan ng Batangas, kaya naman masarap daw magbabad at lumangoy dito. Ang Batangas ay sikat sa pagpapatubo ng tropikong prutas. Ang pinakasikat na prutas doon ay ang pinya. Ginagamit nila ang dahon ng pinya sa pagtatahi ng barong - ang pambansang kasuotan ng Pilipinas. Tagalog ang wikang sinasalita sa Batangas at ang pangunahing relihiyon doon ay Katolisismo.
Ang Tipo kong Babae
ni Bryan Burgonio
Maraming babae sa buong mundo, pero paano ko malalaman kung sino sa kanila ang karapat-dapat para sa akin? Ang mga katangiang hinahanap ko sa isang babae ay ang pagiging maganda, mabait, matalino, maalaga, masipag, at marami pang iba. Minsan naniniwala ako sa pag-ibig sa unang tingin, pero naniniwala ako na ang pinakamahalagang dapat tingnan sa isang tao ay ang ugali niya at ang laman ng puso niya. Gusto ko sa babae ay ang inaalagaan niya ang kanyang sarili. Ayaw ko ng babaeng sobrang magastos at hindi marunong mag-ipon ng pera. Ang gusto kong babae ay mayroong mga pangarap sa buhay at ginagawa ang lahat para matupad ang mga pangarap niyang ito. Ayos lang sa akin kung sa simula ay walang kami masyadong mapagkasunduang mga bagay nung babae, kasi masaya naman kapag unang nakikilala ang isa’t isa. Sa paglipas ng mga araw ko nalalaman kung talagang gustung-gusto ko talaga siya o hindi.
Gusto ko ang pakikinig sa mga babaeng makuwento kasi tahimik ako. Kapag nalulungkot ang babaeng magugustuhan ko, sisiguraduhin kong palagi akong nasa tabi niya para napapangiti ko siya. Gusto kong makilala ang pamilya ng babaeng magugustuhan ko para malaman nila na mabuti ang layunin ko para sa kanilang anak at hindi ko siya pababayaan. Kapag ako ay nanliligaw sa isang babae, nililigawan ko rin ang magulang niya para patunayan sa kanila na aalagaan kong mabuti ang anak nila. Naniniwala rin ako na kailangan din ng babae na makilala ang buo kong pamilya kasi gusto kong ipagmayabang at ipakita sa kanila kung bakit sobra akong masaya.
Paglalahad: Ano ang Kaibigan: Isang Depinisyon
ni Bryan Burgonio
Maraming mga taong dumadaan sa buhay natin, pero iilan lamang ang nagiging kaibigan natin habambuhay. Anong depinisyon o ibig sabihin ng kaibigan para sa iyo? Anong katangian ang hinahanap mo upang maituring mo ang isang tao bilang kaibigan? Ang mga ito ay mga mahahalagang tanong na naiisip natin kapag naghahanap tayo ng totoong kaibigan.
Sa akin kasi, ang gusto ko sa isang kaibigan ay madaling kausap at masayang kasama. Kahit anong ginagawa namin, gusto ko ay lagi kaming tumatawa at ngumingiti. Gusto ko rin na puwede siyang maging seryoso kapag nagkukuwentuhan kami tungkol sa anumang bagay tungkol sa buhay. Ang isang tunay na kaibigan ay palaging nandiyan sa tabi mo para ingatan ka kung mayroon kang problema at kapag kailangan mo ng tulong. Minsan mahirap ang buhay kaya mas mabuti kung mayroon kang kaibigang nakikinig sa kahit anong nararamdaman mo. Kung malungkot ka at di mo maiwasang bumuhos ang iyong luha, ang totoong kaibigan ay laging nandiyan para yakapin ka nang walang hanggan. Sa anumang relasyon, ang tiwala at katapatan ay mahalaga upang tumagal ang samahan. Kahit masakit minsan ang katotohanan, palaging mas mabuti kung hindi natatakot ang isang kaibigan na sabihin ang tunay niyang nararamdaman sa anumang bagay. Ayaw ko ng kaibigang sinungaling. Napakasuwerte ko na mayroong akong ilang mga kaibigan na kaya kong tawagan para makipag-usap sa akin kapag kailangan ko ng tulong.
Ang Kulturang Pilipino: Isang Panoorin
ni Fleur Quitain
Ang kulturang Pilipino ay sumasalamin sa natatanging kasaysayan ng Pilipinas dahil sa pagkakahalu-halo ng maraming mga magkakaibang mga tradisyon galing sa impluwensiya ng mga Proto-Malayo-Polinesyo, Kastila, Amerikano, Tsino, Hapon, at iba pang kultura. Ayon sa programa na ibinigay ng samahang “Katipunan” sa UCR (University of California, Riverside) sa gabi ng pagtatanghal noong Abril 1, 2011, ang kulturang Pilipino ay kinabibilangan hindi lamang ng katutubong sayaw sapagkat mayroon ding mga katutubo at kontemporaryong musika, dulang Pilipino, alamat, sining, at iba pa. Sa gabi ng “Kulturang Pilipino,” itinanghal ng samahang “Katipunan” sa UCR ang isang kuwento na may pamagat na, “Sa Mabuting Lasa” upang ipakita ang kagandahan ng mga sayaw, damit, kulturang Pilipino, at ang kagalingan ng mga Pilipino sa pagsusulat ng istorya.
Ang samahang “Katipunan” sa UCR ay itinatag noong 1979 sa pamamagitan ng isang maliit na grupo ng mga Pilipino-Amerikano sa Lothian Residence Halls sa UCR. Ang organisasyong ito ay nagsimula sa layuning kumakatawan sa populasyong Pilipino-Amerikano sa UCR – ang turuan ang ibang tao tungkol sa kulturang Pilipino.
Ang istoryang “Sa Mabuting Lasa” ay isang nakakatawang komedya na isinalaysay ng tatlong karakter na ang mga pangalan ay Kultura, Kasaysayan, at Salaysay. Ito ay kuwento tungkol sa isang punong tagapagluto o chef na nagngangalang Tagumpay Tolentino na ang pangarap ay magtrabaho sa Palasyo ng Malakanyang. Pero, may isang kontrabidang gutom sa kapangyarihan at tinukso si Tagumpay na magluto ng mga patay na katawan para ibahagi ang niya ang iniluto sa mga pulitiko at taga palasyo. Ang isang mabuting karakter na si Rey Kalayaan ay tumulong kay Tagumpay upang makita na ang pagluluto ng mga tao para sa kapwa ay mali at ang pagiging mabuting tao ay importante para maglingkod sa mga tao sa tamang paraan. Sa palabas na “Sa Mabuting Lasa,” sa Gabi ng Kulturang Pilipino, ang pamagat ng unang eksena ay, “Gutom.”
Ang pamagat naman ng unang sayaw ay “T’Boli,” na nanggaling sa Tagabili, na isang pambansang grupo galing sa Timog Cotabato, Timog-Kanlurang Mindanao. Ang mga tao ng Tagabili ay sopistikado sa wika, damit, at mga alamat. Ang istorya ay tungkol sa isang Datu na noon ay isinumpa dahil pinatay niya ang kanyang kapatid dahil sa pagseselos sa isa sa mga asawa niya.
Sa ikalawang eksena, ipinakita ang sayaw na “Polkabol” na galing sa Maria Clara na impluwensiya ng kulturang Kastila. Ang iba pang sayaw ay “Noche de Gala” na isang Moslem, na tungkol sa alamat ng Sarimanok. Ang pantatlong eksena ay pinangalanang, “Pag-init sa Kusina.” Magaling sumayaw ang lahat ng miyembro ng Katipunan sa UCR.
Ano ang Kaibigan?
ni Fleur Quitain
Sa buhay, marami tayong makikilalang mga tao at minsan, nagiging kaibigan natin sila. Nagiging masaya ang buhay natin kapag mayroon tayong mga kaibigan, lalo na ang mga tunay na kaibigan na gustong manatiling kaibigan mo para sa habambuhay.
Ang tunay na kaibigan ay ang taong palaging nandiyan para sa iyo. Handa siyang tulungan ka, damayan ka, at payuhan ka kapag mayroon kang problema o kapag mayroon kang pagkakamaling kailangan mong itama. Tuwing kailangan mo siya at kahit sa mga oras na hindi mo siya kailangan, nandiyan pa rin siya para sa’yo. Isang tawag o tanong mo lang sa kanya, dumarating siya o sinasagot ka niya kaagad. Halimbawa, kung naiwanan ka ng bus at sa palagay mo mahuhuli ka na sa klase kung hihintayin mo ang susunod na bus, puwede mong tawagan ang isa sa mga kaibigan mo at dahil tunay siyang kaibigan, hindi siya magdadalawang-isip na puntahan ka kaagad.
Ang tunay na kaibigan ay nagbibigay sa’yo ng mga kailangan mo para lalong gumanda ang buhay at kinabukasan mo. Binibigyan ka niya ng lakas ng loob kapag sa tingin mo mayroon kang pagsubok na hindi mo makakayanang mag-isa. Itutulak ka niyang pataas sa halip na pababa, at idadala ka niya sa mabuting landas. Naniniwala siya na kaya mong maabot ang mga pangarap mo. Halimbawa, kung pangarap mo maging doktor, pero natatakot ka na baka hindi mo kakayanin ang mga aralin, pinapalakas niya ang loob mo dahil alam niya na kaya mo kapag gusto mo. Binibigyan ka niya ng pag-asa kapag pakiramdam mo wala kang magagawa para itama ang mga problema sa buhay mo o kapag iniisip mo na baka wala kang mararating sa buhay. Halimbawa, sa mga taong minsan ay nawala sa mabuting landas, ang tunay na kaibigan ay hindi sila iniwanan at pinaalaala sa kanila na habang buhay pa sila, mayroon pa silang pag-asang ituwid ang buhay nila. Hinahangad ng tunay na kaibigan ang makakabuti para sa’yo. Gusto niya ang pinakamabuti para sa’yo.
Nirerespeto ka at totoong minamahal ng isang tunay na kaibigan. Tinuturing ka niyang parang kapamilya niya. Palabigay siya sa iyo at hindi nagdadamot. Kahit magbigay siya sa iyo, hindi siya humihingi ng kapalit. At kapag nagbigay ka sa kanya, pinasasalamatan ka niya pero sinisigurado rin niyang hindi siya magiging mapagsamantala sa iyo. Gusto ka niyang isama sa mga masasayang lugar. Pinapasaya niya ang araw mo kapag malungkot ka o kahit masaya ka na, mas lalo ka niyang pasasayahin. Hindi rin siya mahirap pasayahin. Pareho kayong masaya kapag magkasama kayo.
Calamba, Laguna: Rizal Shrine, Isang Makasaysayang Pook ng Pilipinas
ni Fleur Quitain
Isa sa mga makasaysayang pook sa Pilipinas ang Rizal Shrine sa Calamba, Laguna. Makasaysayang pook ang Rizal Shrine dahil dito ipinanganak at lumaki si Dr. Jose Rizal, na isa sa mga bayani ng Pilipinas. Sa Calamba, Laguna rin ikinasal ang mga magulang ni Rizal na sina Francisco Mercado at Teodora Alonso. Lumipat ang mga magulang ni Rizal sa Calamba galing sa Biñan, Laguna. Ang totoong bahay ni Rizal ay ginawa noong 1848 at ito ay tinawag na isa sa mga unang bahay na ginawa sa bato. Ipinanganak si Rizal dito noong taong 1861, ngunit kinailangan niya at ng kanyang mga magulang na umalis sa Calamba dahil hinabol sila ng mga Kastila. Noong umalis si Rizal at ang pamilya niya, ibinenta ng mga Kastila ang bahay nila kay Don Isidro, isang Kastila, sa halagang dalawampu’t-apat na libong piso. Pero, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nasira ang bahay na iyon sa isang sunog. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binili ng gobyerno ang natitira sa bahay. Sa pamamagitan ng Executive Order 145, pinagawa muli ni Pangulong Elpidio Quirino ang bahay ni Rizal sa isang magaling na arkitektong si Juan F. Nakpil. Natapos ang paggawa ng Rizal Shrine noong 1950.
Ngayon, ang Rizal Shrine sa Calamba, Laguna ay isang museong naglalaman ng mga gamit ni Dr. Jose Rizal noong bata pa siya. Sa loob, makikita ang magandang kusina at kuwarto ni Dr. Jose Rizal. Gawa sa kahoy ang mga kasangkapan sa bahay. Mayroon ding mga lampara sa mesa ng kusina at sa mesa ng kuwarto. Sa labas ng bahay, may rebulto ng batang Rizal kasama ang aso niya. Bukas sa publiko ang Rizal Shrine at hindi kailangang magbayad ng mga tao para makapasok sa loob ng dating bahay ni Rizal.
Maganda at makasaysayang pook ang Rizal Shrine sa Calamba, Laguna dahil ito ay nagpapaalala sa mga Pilipino kung saan nanggaling si Dr. Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas.
Galing ang mga sulatin sa Metamorposis, Volume 3, yung Filipino Journal ng mga estudyante.