Paano Nagsasagawa ng Isang Fundraiser
Paano Nagsasagawa ng Isang Fundraiser
ni Charisma Urbiztondo
Unang-una sa lahat, dapat ay mayroong isang grupo na mag-oorganisa ng pangyayaring ito dahil mahihirapan ang isang tao kung siya lang ang gagawa ng lahat at wala syang mapupuntahan para makakuha ng tulong. Ang mga fundraisers ay napaka-importanteng bagay dahil ito ang mga nagbibigay ng pondo para sa mga proyekto ng isang samahan, lalong-lalo na sa isang unibersidad na puno ng iba¹t ibang mga organisasyon.
Napansin ko na dito sa UCLA, maraming mga organisasyon ang naglilingkod sa kanilang kapwa-tao at sa mga komunidad sa labas ng unibersidad. Isa sa mga isyu na talagang napapag-usapan sa halos lahat ng organisasyon ay ang pera na kinakailangan upang maisagawa ang kanilang mga serbisyo sa mga estudyante at sa mga miyembro ng komunidad. Magbibigay ako ng isang halimbawa ng isang fundraiser na isinagawa ng Pilipinos for Community Health (PCH) sa UCLA, kung saan ako mismo ay personal na nakasaksi at nakilahok kung paano at kung ano ang kailangang gawin upang makapag-organisa ng isang matagumpay na fundraiser.
Tulad ng sabi ko, kailangan ng isang grupo lalong-lalo na kapag ang pangyayari ay isang malaki at pormal na pagdiriwang. Ang PCH ay nag-organisa ng malaking banquet na itinatanghal tuwing ikalawang taon sa tagsibol na kwarter at ito ay ginanap noong Linggo, ika-18 ng Abril, 2010. Ang “Bagong Bukas” na Medical Outreach Banquet ay isang pormal na fundraiser at 100% ng pera na makakalap galing sa “silent auction,” mga donasyon, at sa mga taong dumalo ay mapupunta sa pagbili at pagpapadala ng mga medikal na mga gamit sa dalawang klinika sa Mindanao. Importante ito dahil maraming mga tao ay hindi magamot dahil kulang sa medical supply.
Sa pagsasagawa nitong selebrasyon, binigyan ng indibidwal na trabaho ang mga komite tulad ng mga dekorasyon, libangan, mga “performances,” publisidad, mga ispiker, at iba pa. Pagkatapos ibigay ang mga trabaho sa mga komite na nabuo, kailangang mayroong mga layunin at iskedyul na pag-uusapan at pagdedesisyonan ng mga miyembro ng komite upang maisakatuparan ito sa tamang oras.
Halimbawa, sa publisidad, kinakailangang sumulat ng liham sa mga kakilala at sa mga taong may negosyo para makakuha ng mga isponsor at mga donasyon. Ang responsibilidad ng komite sa “silent auction” ay ang personal na pagpunta at pagkontak sa iba¹t ibang mga negosyo para makakuha ng donasyon na pwedeng mai-auction. Ang dekorasyon naman ay ang dapat bumili ng mga
kailangang gamit na pahiyas at sila rin ang dapat gumawa ng “center piece” at mga “party favors” na ibibigay sa mga dumalo pagkatapos ng pagdiriwang. Sa pamamagitan ng salu-salong ito, ang PCH ay pwede nang makapagpadala ng mga medikal na gamit sa mga klinika sa Mindanao; pero hindi lang ito, naipahayag din ng organisasyon ang importansya ng pagtulong sa kapwa at naipakita rin nito ang kondisyon at pangangailangan ng komunidad na
pinagseserbisyohan ng mga klinika.