Pag-aaral ng Wika
Pag-aaral ng Wika
Dyornal ni Charlene Lopez
Ang balakid na naranasan ko na gusto kong isulat sa dyornal na ito ay tungkol sa aking identidad. Mahirap para sa akin itong pag-usapan kasi masyado kong dinadamdam ang aking pagka-Pilipino. Maari mong sabihin na “dapat lang!” Kaya lang malaking problema rin ito. Masyado kasi akong mapamuna, lalo pa’t nakatira ako rito sa Estados Unidos. Para sa akin, mahirap makahanap ng tunay na Pilipino. Tinitingnan ko ang pagsasalita, pagbibihis, porma, kung magalang, kung alam ang awit ng bansa, kasaysayan, lahat-lahat na!
Kung ang isang tao ay nagsasabi na sila ay Filipino-American -- hindi siya Pilipino kung ako ang tatanungin. Masama talaga yung ugali ko sa mga tao na akala ko ikinahihiya ang kanilang bansa. Yun pala, ako ang hindi Pilipino dahil sa aking pag-iisip. Nawala ang pagtingin ko sa aking mga kapwa kapatid. Binalewala ko ang kanilang identikal na pagka-Pilipino dahil meron akong sariling palagay kung ano dapat ang Pilipino. Binuksan ng klaseng ito ang aking mga mata at natutunan ko na ang tunay na Pilipino ay hindi nakukwenta dahil alam niya kung ano ang pambansang ibon, prutas, o puno ng bansa -- ang tunay na Pilipino ay kahit sino mang nagmamahal sa ating kultura. Halimbawa si Propesor Woods na puti ang balat at talagang mukhang Amerikano subalit nasa puso ang Pilipino. Ang Pilipino rin ay hindi kailangang magaling mag-Tagalog -- kagaya nina Kathleen, Ezra, o Jake na talaga namang nagsusumikap na matutunan ang wikang Filipino -- pero nasa puso nila ang Pilipinas at minamahal nila ang bansa.
Sa klase na ito, natutunan ko ang iba’t-ibang mga kultura ng iba’t ibang mga isla at lugar sa Pilipinas -- hindi lang yung mga selebrasyon na hinahandaan ng mga Bisaya o Waray-Waray. Nakita ko na ang mga Pilipino ay mula sa maraming mga identidad at kultura na naghalu-halo sa arkipelago na binubuo ng halos 7,100 na mga isla. Dapat lang na hindi magkakatulad ang lahat ng tao!
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Dyornal ni Kathleen Cruz
Gusto kong mahintay hanggang matapos ang argumentasyon at presentasyon ko bago sumulat ng huling dyornal. Kahit na isinulat ko lang ang pangalawang dyornal, naisip ko na may mas marami akong masasabi ngayon pagkatapos ng mga pasalitang pagtatanghal ngayong linggo. Lalong nasubukan ng argumentasyon ang abilidad ko na hindi lang magsalita sa Tagalog, pero naisip ko rin na mas marami pang argumento sa aking kontra. Naisip ko na napakahirap nitong argumentasyon kasi kailaingan kong gumawa ng argumento nang nag-iisa, at wala akong grupo na makakatulong sa pagkontra ng ibang argumento. Gayon pa man, nang ginawa ko ang argumentasyon, nagulat ako kasi mas mabuti talaga ang pagsasalita ko ngayon sa Tagalog! Katulad sa sinabi ko sa ebalwasyon, mas nakakaintindi na ako kung ano talaga ang natutunan ko sa Tagalog sa taong ito.
Layunin ko sa buong buhay ko ang pag-aaral ng Tagalog. Habang sinasabi ko ang aking argumento, hindi ako makapaniwala na nakakapagsalita ako niyong mga salita. Napansin ko na hindi lang ako nakakapagsalita sa Tagalog ng isang daang porsiyentong mas mabuti, mas mabuti rin ang pagbigkas ko. Mas madali rin ang pakikipag-usap, habang dumadami ang tiwala ko sa pag-aaral.
Katulad sa sinabi ko kanina sa ebalwasyon, alam ko habang nagsasalita ako na may papel sa harap ko para puwede akong magbasa ng presentasyon ko. Pero, gusto kong subukang magtanghal nang walang papel o nang hindi ko ipinapakita ang papel ko. Kahit na may mga maling salita, masaya ako kasi nakapagsalita ako ng kung anong gutso kong sabihin na hindi ko pinraktis nang tamang-tamang “word-for-word.” Siguro kung makatitira ako sa Pilipinas ng isang buwan, mapapabuti ko pa ang Tagalog ko. Nagkaroon ako ng confidence na mas bubuti pa ang Tagalog ko at pakiramdam ko, magiging halos matatas ako sa Tagalog pagkatapos ng taong ito.
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------
Dyornal ni Gabby Labayen
Lumalaki ang aking bokabularyo sa pagbabasa ng klase ng mga lektyur at diyalogo galing sa librong maliit. Nahihirapan pa rin akong magbasa pero pag lalo akong babasa mas gagaling ako. Mas madali para sa aking magsulat ng Filipino kaysa magsalita, kasi kailangan ko ng praktis. Pero napansin ko ngayon na mas madali para sa aking maintindihan ang mga pag-uusap sa TFC at ng pamilya ko. Mas malinaw ang aking pang-unawa sa kalinangan ng Pilipinas, at lahat ng natutunan ko sa kasaysayan at kalinangan ng Pilipinas ay itinuturo ko sa mga kaibigan, estudyante, at pamilya ko. Natututo ako ng kalinangan sa mga lektyur, sine, at sa P-Town tour. Natutuwa ako sa mga leksyon tungkol sa hospitalidad at panliligaw ng mga Pilipino kasi nakikita ko ang mga halimbawa ng mga ito sa buhay ko. Sa mga repleksyon at sa praktis ng pagsasalita ng Filipino sa bahay ko, pinapabuti ko ang aking pagsasalita at pagsusulat. Tapos, ngayon napapalago ang bokabularyo ko ‘pag pinapanood ko ang mga sine sa klase natin at sine sa ibang klase ko (Chain of Love). Pag hindi ko maintindihan ang mga pag-uusap, hinahanap ko ang kahulugan sa diksiyonaryo. Ang laki ng pagpapahalaga ko sa lahat ng natutunan ko.
Lumalaki ang aking bokabularyo sa mga aktibidad ng workbuk. Mas madali para sa akin ang pagbasa at pakikinig ng Filipino kaysa sa pagsusulat at pagsasalita. Mas malalim ang aking pag-intindi at kaalaman ng kalinangan ng Pilipinas. Pwede na akong makipag-usap sa mga magulang at ibang pamilya ko tungkol sa kabahuan ng politika ng Pilipinas, kasaysayan, at kalinangan ng Pilipinas. Mas marunong na akong magbanghay ng pandiwa; natuto ako sa mga aktibidad ng workbuk at sa mga pagsusulat at pagwawasto sa mga sulatin tungkol sa mga sine. Sinusubukan kong gamitin ang bagong bokabularyo ko sa pakikipag-usap ko sa mga magulang at kaibigan ko. Pero kailangan ko pang gumawa ng mas maraming pagsasanay para mapabuti ko ang paggamit ng palabuuan ng mga sailta. Natuto ako ng mga bokabularyo at pagsasalita sa mga iskit na ginagawa natin sa klase. Natuto rin ako ng mga iba’t ibang klase ng panulat. Halimbawa, marami akong natutunan sa kuwentong “U D’ Toilet” ni Zosimo Quibilan.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------Ang Pag-aaral ng Wikang Filipino
~Lea Angela O. Vallido
Simula noong dumating ako sa Amerika (noong sampung taon ako), napansin ko na ang paggamit ko ng wikang Filipino ay unti-unting nawawala. Maliban na lamang kung mayroon akong gustong sabihin sa mga magulang ko na hindi maaaring marinig ng mga maliliit na bata, Ingles ang wikang ginagamit ko. Dahil napansin ko na hindi na ako mahusay sa pagsasalita ng wikang Filipino, pinilit kong kumuha ng mga klaseng Filipino sa High School, sa Community College, at sa Unibersidad. Sa kasawiampalad, ang Unibersidad na pinapasukan ko, (University of California, Irvine) ay hindi nagtuturo ng wikang Filipino. Gayon pa man, salamat sa tulong ng aking counselor sa UCI, natuklasan niya na mayroong Filipino ang UCLA, at naipasok niya ako sa klaseng Fiipino 5 at Filipino 6 ni Propesor Nenita Domingo. Dito ko napalawak ang aking bokabularyo at pagsasalita, at pagsusulat ng wikang Filipino. At higit sa lahat, dahil sa mga takdang-aralin na inihandog sa amin ni Propesor Domingo, marami akong natutunan ukol sa kultura ng Filipino, sa pagiging Filipno at Filipino-Amerikano, at iba pang mahahalagang paksa at isyu na alam kong mananatili sa aking isipan.