Sister Stella L.

 
 
 
 
 

                Pagkatapos kong mapanood ang pelikulang “Sister Stella L.”, naging mas interesado ako sa ideya ng “theology of liberation.”  Para sa akin, mahalagang suriin ang paksa na ito dahil may kaugnayan ang theology of liberation sa nangyari sa pelikula.

            Kailangan muna nating maintindihan ang ideya bago suriin ang epekto nito sa mga nangyari sa pelikula. Nag-umpisa ang “teolohiya ng liberasyon” sa Simbahang Katoliko noong dekada ‘50. Naging kilusan ang teolohiya bilang sagot sa kahirapan na nangyayari sa mga mahihirap na bansa. Makikita sa pelikula ang kahirapan ng mga manggagawa. Nagdurusa sila dahil sa inhustisiya, kaya sila nagwelga.

            Sa umpisa ng pelikula, medyo nag-aalangan si Sister Stella L. kung dapat siyang tumulong sa mga nagwewelga. Ang pag-aalangan niya ay galing sa sinabi ng dating Papa na hindi raw dapat makisangkot ang mga relihiyoso sa politika. Subalit nakikita ni Sister Stella L. ang kahirapan ng mga manggagawa. Interesante sa akin ang sinabi ni Sister Stella L. sa umpisa ng pelikula, bago niya nakita ang welga. Noong tinanong siya ni Nick kung anong ginagawa nila sa kumbento, ang sagot ni Sister Stella ay gumagawa sila ng mga paraan para matulungan ang mga babae. Sabi niya, karapatan ng tao na maghanap-buhay upang mabigyan nila ang pamilya nila ng mas mabuting kinabukasan.

            Ang mga salita ni Sister Stella L. ay halos naulit ng katukayo niya na si Sister Stella B.  Noong tinanong ni Nick si Sister Stella B. kung anong ginagawa ng mga madre sa Barrio Aguho, ang sagot naman niya ay tumutulong sila para mabigyan ang mga manggagawa ng karapatan na magkaroon ng desenteng buhay. Interesante na magkapareho ang sagot ng dalawang madre, subalit sa mata ng Katolikong Simbahan, tama ang isa habang mali ang katukayo niya. Bakit tama lang makitulong sa mahihirap kapag hindi kasangkot ang politika? Bakit tamang tumulong sa mahihirap na babae sa kumbento at maling tumulong sa mahihirap na manggagawa sa labas ng kumbento? 

            Sa palagay ko, mas interesante ang mga tanong na ito sapagkat maaaring sabihin na mas mahirap ang nangyayari sa mga manggagawa; samantalang ang mga problema ng mga babae sa kumbento ay nabuntis sila nang walang basbas ng sakramento ng kasal. Bagamat matinding problema iyon, ang nangyayari sa welga ay mas mabigat. Napapatay ang mga welgista, kagaya ni Ka Dencio. Ang sinasabi ng simbahan bago sumikat ang teolohiya ng liberasyon ay kahit napapatay ang mga tao, basta’t may kaugnayan sa politika, hindi sila dapat tulungan ng mga relihiyoso. Samakatwid, mahalaga sa akin ang teolohiya ng liberasyon dahil nabago ang pananaw ng simbahan tungkol sa mga taong mahihirap.

            Mahalaga na ang simbahan ay nagpapakita ng malasakit sa mga tao. Mabuti na nauunawaan ng simbahan ang paghihirap ng mga tao hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang mga mararalitang bansa sa buong mundo.

           

Sister Stella L. (1984)

Nirebyu ni Edwin Cruz

Direktor: Mike de Leon

Dulang Pampelikula: Jose F. Lacaba at Jose Almojuela

Website: http://www.imdb.com/title/tt0138811/

Tiningnan noong: ika-25 ng Mayo, 2010

 
 

Go to archive