Ang Lagay ng Pagtuturo ng Wikang Filipino
Research Institute for World Languages
Osaka University
Osaka, Japan
- Maari po bang magbigay kayo ng ilang tala tungkol sa inyong sarili at sa pagtuturo ninyo ng wikang Filipino/Tagalog?
Visiting Professor ako dito ngayon sa Research Institute of World Languages ng Osaka University. Nagsimula ako dito noong Abril 2009. Pero naka-leave lamang ako sa UP Diliman (Unibersidad ng Pilipinas). Doon ay nagturo ako ng may 20 taon na. Ang mga kursong itinuturo ko ay wika, panitikan, at kulturang Filipino.
Sa UP Diliman din ako natapos ng aking BA Philippine Studies, MA Philippine Literature, at Ph.D. Philippine Literature noong taong 2000.
- Kailan po kayo nagsimulang magturo at anu-ano ang mga klase o kursong itinuro/ itinuturo ninyo?
Nagsimula akong magturo sa UP Diliman noong 1990, pagkatapos na pagkatapos ng BA program ko. Ang mga kursong itinuturo ko ay mga kurso sa mga programang batsilyer at gradwado sa mga larangan ng wika at panitikan ng Pilipinas.
Dito sa Osaka University, nagtuturo ako ng mga kurso sa wika, panitikan at kulturang Pilipino mula first year hanggang sa antas na gradwado.
- Gaano po kalalaki ang klase? Ilan ang estudyante sa bawat klase?
Dito sa Osaka University, sa antas batsilyer, ang karaniwang bilang ng estudyante ay mula 15 hanggang 20. Sa antas gradwado naman ay mula 2-4.
- Gaano katagal na po kayong nagtuturo ng Filipino?
May 21 taon na akong nagtuturo.
- Ano po ang inyong panuntunan o pedagogy sa pagtuturo ng wikang Filipino?
Binibigyang diin ko hindi lamang ang mga tuntunin sa paggamit ng wika kundi ang kahulugan at kabuluhan nito sa konteksto ng kultura, kasaysayan at lipunang Pilipino.
Nakapagturo na rin ako dati sa mga Filipino-Americans na kumukuha ng maikling kurso sa Philippine Studies sa Pilipinas. Sa karanasan ko, mas madali silang i-motivate na mag-aral ng Filipino. Gusto kasi ng marami sa kanila na mas makaugnay sa kani-kanilang pamilya at sa kanilang pinagmulan. Pero sa mga estudyanteng Hapon, mas mahirap mabuo ang motibasyon para mag-aral sila ng Filipino. Wala kasi silang tuwirang pangangailangan para dito. Kaya sa pagtuturo ko, umiisip ako ng mga paraan para likhain ang pangangailangang ito. Ang bentahe ng mga estudyanteng Hapon ay talagang masisigasig silang mag-aral.
- Ano po ang binibigyang-diin ninyo sa klase?
Gaya nang nasabi ko, binibigyang-diin ko ang iba't ibang konteksto ng pag-iral ng wika--kultura, kasaysayan, lipunan. Mas nagiging interesado ang mga estudyante kung naipapaunawa sa kanila ang mayamang kahulugan ng mga salita at paggamit ng wika.
Sinisikap ko rin na hikayatin silang iugnay ang mga napag-aaralan namin sa klase sa kanilang wika at kultura. Mas madali nilang pahalagahan ang wika at kulturang Filipino kung maipapamalay sa kanila ang kahalagahan din ng pag-aaral sa sarili nilang wika at kultura.
- Sa kasalukuyang umiiral na budget cuts, ano naman po ang lagay ng pagtuturo ng wikang Filipino sa inyong lugar o paaralan?
Wala naman akong nakikitang problema sa Osaka University. Tuloy-tuloy ang kanilang suporta hindi lamang sa aming pagtuturo, kundi maging sa pananaliksik.
- Ano po sa palagay ninyo ang hinaharap ng pagtuturo ng wikang Filipino sa inyong paaralan at sa Estados Unidos?
Positibo ang aking pagtanaw sa kinabukasan ng pagtuturo ng Filipino at iba pang mga wika sa daigdig. Ngayong narito ako sa Japan at nagtuturo ng wikang Filipino sa mga estudyanteng Hapon, higit kong nakikita ang kahalagahan ng pagtuturo at pag-aaral ng banyagang wika. Sa bawat bansa ay kailangang bumuo ng kahit maliliit na sektor na magpapakadalubhasa sa iba't ibang banyagang wika ng daigdig. Ang maliliit na sektor na ito ang magiging tulay para mas makatwirang makapagdiyalogo ang mga bansa sa isa't isa nang hindi umaasa at hindi sinasala ng isang dominanteng wika tulad ng Ingles.