Ang Lagay ng Pagtuturo ng Wikang Filipino
University of California, San Diego
(UCSD)
San Diego State University (SDSU)
Kasalukuyang nagtuturo si Atilio Vega Alicio ng LIHL 112 at 132: Beginning & Advanced Filipino for Filipino Speakers sa ilalim ng Heritage Language Program, Dept. of Linguistics, University of California San Diego (UCSD) mula pa noong Taglagas 2005 at Filipino 101, 102 at 201 sa Dept. of Linguistics & Asian/Middle Eastern Languages, San Diego State University
(SDSU) mula noong Taglagas 2006.
Kamakailan nagturo siya ng Intensive Filipino para sa US Navy/Military Personnel sa LARC-SDSU: July 7 – 29 Aug. 2008; at ng Conversational Filipino sa Kalusugan Community Services (KCS) Fil-Am Wellness Center, National City: Sept.-Nov. 2007 at 2008. Nakapagturo
rin siya ng Filipino sa Defense Language Institute - Foreign Language Center (DLIFLC: 2004-2005); sa Dept. of East Asian Languages & Cultures, University of California Los Angeles (UCLA: 2004); sa Dept. of Asian & Asian American Studies, California State University Long Beach (CSULB: 2003-2004); at sa Beverly Hills Lingual Institute (BHLI: 2003-2004).
Naging Lecturer siya sa Department of Asian and European Languages, Faculty of Languages and Linguistics, University of Malaya, Kuala Lumpur, Malaysia kung saan nagturo
siya ng Espanyol (1987-1994) at Filipino (1997-2001).
Sa Pilipinas, nagturo siya ng Espanyol sa Unibersidad ng Pilipinas (Maynila), Lyceum of the Philippines, Colegio de San Juan de Letrán, Trinity College of Quezon City, Philippine Women’s University, Centro Escolar University, Adamson University at Philippine Christian University. Nagtapos siya ng A.B. Spanish [Colegio de San Juan de Letrán: Manila], M.A. Spanish [Instituto de Cultura Hispánica de Madrid: Espanya], M.A. General Education [Lyceum of the Philippines: Manila], at Ph.D. in Modern Language Studies/Comparative Linguistics [Universiti Malaya: Kuala Lumpur].
Dahil sa kanyang paglilingkod at pagtulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Malaysia, pinarangalan siya bilang Presidential Awardee: `Bagong Bayani Awards 1999’. At sa pagkilala sa kanyang matapat at mahabang panahong paglilingkod bilang guro ng Wikang Espanyol, iginawad sa kanya ang `Most Outstanding Alumnus Award 2001’ ng Lyceum of the Philippines sa okasyon ng 49th Foundation Anniversary nito.
Awtor siya ng Learn Filipino, Language Phrases in English, Bahasa Melayu, Filipino, Spanish, Multilingual Idioms, Español Avanzado at Estructura del Verbo Español. Nagsusulat din siya tungkol sa samu’t-saring paksa para sa magasing LifeToday [Philippines] mula pa noong 1995 hanggang ngayon at sa kasaluyukan bilang `guest writer’ sa Column
na `Bakit Nga Ba?’ ng The Filipino Press [San Diego]. Nagbibigay din siya ng Review Classes in Linguistics para sa mga kukuha ng California Subject Examinations for Teachers (CSET-Filipino) mula noong Oktubre 2007.
-Gaano po kalalaki ang klase? Ilan ang estudyante sa bawat klase?
UCSD – LIHL 112 (Beginning Filipino for Speakers of Filipino) – 15
UCSD – LIHL 132 (Advanced Filipino for Speakers of Filipino) – 25
SDSU – Filip 102 (Elementary Filipino 1) – 30
SDSU – Filip 102 (Elementary Filipino 2) – 25
SDSU – Filip 201 (Intermediate Filipino) – 30
- Gaano na katagal po kayong nagtuturo ng Filipino?
Mula 1997 – 2001 (UM-KL)
2003 – 2010 (CSULB, UCLA, BHLI, DLIFLC, UCSD, SDSU)
Kabuuan: 11 taon
- Ano po ang inyong panuntunan o pedagogy sa pagtuturo ng Wikang Filipino?
Ang mga klase ng Filipino sa UCSD ay para sa mga `Heritage Learners’, habang sa SDSU ang mga ito ay itinuturo bilang `Second/Foreign Language (L2)’. Tulad ng lahat ng pagtuturo ng isang wika, ang pedagohiyang pinapairal at ginagamit ko ay nauukol sa pagpapaulnad at pagpapabuti ng lahat ng kakayahang pangwika (pagbabasa, pakikinig, pagsusulat at pagsasalita) ng mga mag-aaral.
- Ano po ang binibigyang-diin ninyo sa klase?
Para sa lahat ng klase ng mag-aaral, `Heritage o L2 Learners’ man ang mga ito, nakatuon ang aking pagtuturo sa aspektong komunikatibo na kung saan ang pag-aaral ng gramatika ay pahapyaw lamang. Kaya ang binibigyan ko ng diin ay tungo sa pagsusulong ng kakayahan ng estudyante sa pagsasalita at pagpapahalaga ng kultura sa pamamagitan ng mga babasahing tumutukoy sa lahing Pilipino.
- Sa kasalukuyang umiiral na budget cuts, ano naman po ang lagay ng
pagtuturo ng Wikang Filipino sa inyong lugar o paaralan?
Ang `budget cuts’ ay tunay na nagdudulot ng napakasamang epekto hindi lamang sa larangan ng edukasyon kundi lalo na sa pangkabuhayan at ekonomiya. Sa eskuwelahan o pagtuturo, kasama na ang mga asignaturang Filipino, sa SDSU meron kaming `furlough’, kung saan sa loob ng isang semestre, hindi kami nagtuturo ng 18 oras o 4 na oras sa isang buwan at ito ay malaking kawalan, di lamang sa pagbabawas ng suweldo ng mga guro, kundi para sa mga
estudyante. Ito ang tinatawag kong `more for less’; ang ibig sabihin, nagbabayad ang mga estudyante ng `mas mataas na matrikula’ sa `konting’ oras na pag-aaral! Makatuwiran ba ito?
- Ano po sa palagay ninyo ang hinaharap ng pagtuturo ng Wikang Filipino sa
inyong paaralan at sa Estados Unidos?
Hangga’t hindi nagbabago ang takbo ng kasalukuyang krisis pang-ekomoniya at tayo’y makaahon sa dagok na ito, mananatili ang patuloy na pangamba sa magandang hinaharap ng pagtuturo na kinasasangkutan din ng pagtuturo ng Filipino sa iba’t ibang antas ng paaralan sa buong bansa. Sa lahat ng may malasakit at pagmamahal sa Wikang Pambansang Filipino, kailangang magbantay, makipagtulungan, makipag-ugnayan at makiisa sa anumang pagbabanta at nakakabahalang hakbangin laban sa pagpapalaganap, pagsusulong, pagpapabuti at pagpapaunlad nito saanmang panig ng mundo!