Mga Sulatin mula sa mga Mag-aaral ng UC Berkeley

 

Mula sa Stateside Sinigang: Isang Pagtitipon ng mga Natatanging Akda ng

mga Pilipino-Amerikano, Volume 1 Spring 2009. Lupon ng mga Editor: Jan

Tristan Arroyo Gaspi, et. al.


Untitled


              Dahan- dahan ang aking paglakad pataas ng entablado at nakikita ko


ang mga mata ng aking mga kaibigan habang kami'y nakangiti sa isa't


isa. Araw ng aming pagtatapos. Gamit ang aming umaasang mga puso,


inaaasam namin ang hinaharap na kinabukasan habang kami'y


pinagmamasdan at pinapalakpakan ng aming mga pamilya, mga kaibigan,


at mga tagapayo.


                Just my imagination, running away with me...


Maingat akong pumasok sa mga pinto habang aking tinatanggal ang mga natirang


alikabok sa bago at malinis kong bestida. Dumating na ang pinakaimportanteng araw.


Ang interview para sa trabahong matagal ko nang pinag-iisipan. "Please take a seat,


he will be with you in a moment," sabi sa akin ng resepsiyonista. Umupo ako sa mga


silyang ubod ng liwanag ang kulay--para bang nagsasabi na kahit na hindi mo makuha


ang trabaho, kailangan mo pa ring maging masaya. Bagamat hindi ko pa matapos isipin


ang aking mga sasabihin, maya-maya'y bumukas ang pinto at ako'y nakikipagkamay na


sa boss.


                Just my imagination, running away with me...


Naalala ko ang pagmamalaki sa mga mukha ng aking mga magulang nang sabihin ko


sa kanilang natanggap ako sa trabaho. Dumagdag lang ito sa kaligayahan na


nararamdamanng aking puso dahil papalapit nang papalapit na ako sa aking mga


pangarap. Matatag na trabaho, masiglang pamilya, at masayang buhay, katulad ng


pinaghandaan para sa akin ng aking mga magulang.


                But it was just my imagination, once again...


Limang taon na ang nakalipas, at sa araw na ito, ako'y magsisimula sa pinakamataas


na posisyon ng aming kompanya. Hindi na ako makapaghintay na makita ang mga


hitsura ng aking asawa at mga anak habang kanilang binubuksan ang kanilang mga


regalo. Ito'y magiging isang kasiya-siyang Pasko at isa na namang mapalad na


bagong taon.


                Just my imagination, once again running away with me...


"Nena!" tawag ng aking ina, "tama na ang pagpapangarap diyan at tulungan mo akong


maglinis dito." Tumalikod ako at natanto ko na lahat ng ito ay isa lamang palang


panaginip. Heto ako, isang hamak na bata na mayroong malaking panaginip, maaaring


hindi mangyari, hindi matupad.


                Just my imagination, running away with me...


Pero ano ang buhay ng walang hangarin? Hindi na lang ako basta-bastang susuko at


tatalikuran ang lahat ng aking pangarap. Ito man ay isang panaginip lang ngayon,


pero sa sampu, dalawampung taon mula ngayon, maaring ako'y maging isang


abogado, doktor, negosyante. Hanggang mayroon akong imahinasyon, walang


makakapagpigil sa akin na gawin kung ano ang aking pinapangarap.


- Cher Krista Padua



Kumot


    Maraming gamit ang kumot.  Kapag ika'y giniginaw, gamitin itong saklob, at


dahan-dahan na mararamdaman mo ang pag-init ng iyong katawan. 


Sa gabi naman, kapag nag-iisa ka sa madilim na kuwarto, magtago ka sa ilalim ng


kumot, at tiyak na mawawala ang iyong takot.  Kung mayroon ka na mang bagay na


itinatago, mabisa ang kumot na panaklob nito.      


    Ang batang si Mikey na labing-isang taong gulang ay laki sa Pilipinas.  Ngunit tila


biglaan, ngayon ay nakatira na siya sa California.  Ramdam niya ang halu-halong


emosyon ng isang imigrante: pagkasabik, pagkanerbyos, kasiyahan, at kalungkutan.


"Mikey, gising na," 'ika ng nanay niya.  Ngayon ay Lunes, at unang araw ni Mikey sa


kanyang bagong paaralan.  Agad niyang inalis ang kumot na bumabalot sa kanyang


katawan.  Mabilis siyang bumangon sa kama at dumiretso sa banyo.  Naririnig ng


nanay niya ang kanyang pagkanta habang siya'y naliligo. 


    Ang tinig ni Mikey ay nagbigay-buhay sa maliit na apartment.  Samantala, hinanda ng


nanay niya ang kanyang isusuot at babaunin para sa eskwela.  Napangiti ang nanay


sa boses ng kanyang pinakamamahal na anak.


    Pagkatapos ng ilang mahahabang minuto, dumating na ang school bus sa kanto.


"Magpakabait ka ok?  At makinig ka sa titser mo," ang huling sinabi ng nanay ni


Mikey sa kanya.  "Opo, Ma," ang sagot naman ni Mikey.  Hinalikan ng nanay ang


noo ng anak bago siya tuluyang pumasok sa loob ng dilaw na bus.  Pasan ang


backpack sa likod at hawak ang lunchbox sa kamay, naghanap si Mikey ng


mauupuan.  Subalit mga matang nakatitig lamang ang kanyang natagpuan.  Pilit na


iniwasan ni Mikey ang dayuhang mga mata, at nagmamadali siyang lumakad patungo


sa likod ng bus.  Biglang umandar muli ang bus, kaya naman natumba si Mikey. 


Pinagtawanan siya ng mga bata, at ni wala man lang isa sa kanilang tumulong sa


kanya.  Umapaw ang hiya sa loob niya, at mabilis siyang umupo sa likod ng bus. 


Hindi niya pinansin ang ingay ng mga bata, at dumungaw na lamang siya sa bintana.


"Good morning class," 'ika ng titser.  "Today we have a new student, and he just


recently came from the Philippines.  Would you like to introduce yourself?"  Lumunok


si Mikey nang malalim, at nagsalita siya nang malakas at malinaw.  "My name is


Michael Manalo, Mikey for short."  Narinig niya ang mga bungisngis ng mga kaklase,


pero hindi niya sila ininda.  "Thank you, Mikey," sabi ng titser.  Bahagyang ngumiti


si Mikey, at muli siyang umupo.


    "If x equals 2y, then what is y equal to?"  Natahimik ang klase sa tanong ng titser.


Sabay may isang kamay na biglang tumaas.  "Yes Mikey?"  Pagkatawag na


pagkatawag ng titser sa kanyang pangalan, tumayo si Mikey mula sa kanyang upuan


at malakas siyang sumagot.  "Ma'am, y equals one-half x."  Tila pagputok ng bulkan


ang halakhakan ng kanyang mga kaklase.  Muli na namang kinain si Mikey ng


kahihiyan, at tahimik siyang bumalik sa kanyang upuan.  "Ok, that's enough," ang


tanging nasabi ng titser.


    Sa pagtunog ng bell, nagdagsaan ang mga estudyante papasok sa cafeteria. 


Naghanap si Mikey ng mesang mapagkakainan.  Sabik na sabik niyang binuksan ang


bagong lunchbox, at nakita niya ang longanisa at kanin na inihanda ng nanay niya. 


Tumingin siya sa mga pumapalibot na mesa, at nakita niya ang kinakain ng ibang mga


estudyante.  Panay hamburger, french fries, pizza, at sitsirya.  Madalian niyang ibinalik


ang kanin at ulam sa loob ng lunchbox, at hindi niya pinansin ang kumakalam na


sikmura.


    Muling dumating ang dilaw na school bus sa kanto ng apartment ni Mikey.  Pagbaba


pa lang ni Mikey ng bus ay nakangiti nang nag-aabang ang nanay niya sa harap ng


kanilang pintuan.


"Hi anak! Ano, kamusta?"          


"Nagustuhan mo ba ang titser at mga kaklase mo?"            


"Opo, Ma."            


"Ay mabuti naman.  O sige, kwentuhan mo nga si Mama."            


"Mamaya na lang po.  Pagod na po ako eh."  


"Mikey, bakit..." pabulong na sinabi ng nanay, ngunit hindi umimik ang bata. Dumiretso


lang si Mikey sa loob ng kanyang kwarto at nagtago sa ilalim ng kumot. Tuluyang


bumuhos ang luha mula sa kanyang mga mata.  Ngunit walang may alam nito.


Hindi alam ni Mama, ng titser, ng nagtatawanang mga estudyante, o ng kahit sino pa.


Tanging si Mikey lang at ang kumot na nagpoprotekta sa kanya.


- Gil Edrie Zerrudo Navarro



Salamin ng Isipan


Dagok, Bayo, Dagok, Bayo,


Walang katapusang pagtatrabaho,


Pinto ng liwanag pilit na nagsusumamo,


Dalhin mo ako  sa berdeng  paraiso.


Luntiang kagubatan, mga ibong nagtutukaan,


Kasabay ng mga unggoy na naghihiyawan,


Uniti-uniting ginigising ang kamalayan,


Sa hinahanap na di makamtang kaligayahan.


Isang grupo ng mga kuting,


Na kung anu-ano and binubutingting,


Sila'y binugaw ng walis tingting,


Habang ang tindera'y kumakanta ng Magic Sing.


Biglang wika, Luningning, Luningning,


Habang kanyang ulo'y umiiling,


Tila yata ang tinawag na dalaginding,


Muli na nama'y tinanghali nang gising.


Sarili'y pinilit na lumingon,


Sa sandaling pagkakataon,


Subalit tadhana'y tila nanghahamon,


Ang hangi'y pumigil nang pabulong.


Kasabay ng paghagod ng pagod,


Ang paglubog ng hari sa puntod,


Pagdating ng Reyna ng mga perlas,


Ang pagbabadya ng pag-asang ipamamalas.


Mga bagay sa isipa'y sadyang lumiligoy,


Na parang di matakasang kumunoy,


Nangangailangan ng malalim na pagpanaghoy,


Sa tulong ng malamig na simoy.


Pagdungaw sa kawayang bintana,


Langit ay may ipinasadya,


Pakiramdam na parang sa soap opera,


Lovers in Paris na tila.


Sino itong aking natatanaw,


Isang dilag diwata sa parang,


Biglang tinamaan puso'y nagagalak,


Esposang inibig sa aki'y tumambad.


Aking minamahal, ako'y iyong dinggin,


At magpakailanman, pakamamahalin,


Tapat na hangari'y, sa 'yo'y iaalay,


Kinang ng dyamante'y, pakaiingatan.


Ako'y sawimpalad, kung masasalamin,


Sadyang lupa't langit, sa 'ti'y pumipigil,


Bigkasin mo lamang, ako'y iibigin,


Sa bukang liwayway, ay pagbubuklurin.


Kung ako'y limutin, ng tangi kong irog,


Tuluyang babaon, sa puso ang tinik,


Na di kailanma'y, aking naranasan,


Pagkat ang nais ko'y, tunay na pag-ibig. 


Biglang sumingit, "Balot, balot,"


Sambit ng isang mamang kulot,


Sumisirit na galit sa gagong asungot,


Sa mala-rosang eksenang naudlot.


Sa muling paglingon,


Biglang natanto, paglaho ng puting ibon,


Tuluyan nang nabaon,


Ang ninakaw na pagkakataon.


Sa pagtilaok ng manok,


Kasabay ng paglisan ng antok,


Katawa'y pilit na hinihimok,


Sa panibagong umagang kumakatok.


Dagok, Bayo, Dagok, Bayo,


Walang katapusang pagtatrabaho,


Pinto ng liwanag pilit na nagsusumamo,


Dalhin mo ako  sa berdeng paraiso. 


- Jan Tristan Arroyo Gaspi



Ang Aking Takasan: Mervin Morris Tennis Courts


    Tumutulo ang aking pawis sa semento. Nararamdaman ko ang ihip ng hangin sa


aking balat. Nakatutok sa amin ang mga ilaw ng poste. Katapat ko ang aking kaaway.


Net ang naghihiwalay sa aming dalawa. Hawak-hawak namin ang aming armas na


raketa. Hinagis niya ang bola at biglang hinampas sa aking direksyon. Pinalo ko


pabalik ang bola. Tahimik ang mga nanonood, sinusundan lang ang pabalik-balik na


bola. Pumapalakpak at sumisigaw lang pagkatapos ng bawat puntos. Sa huli, ang


kaaway ay nagiging kaibigan ulit habang kami ay nagkakamayan sa gitna ng courts.


    Ito ang Mervin Morris Tennis Courts. Bahagi ito ng parke na katapat ng dati kong


high school. Maraming tao ang pumupunta rito kasi mayroon itong skate park, malaking


picnic area, at tennis courts. Madalas ipagdiwang ng mga tao ang kaarawan nila dito


sa parke. Minsan nga, mayroon pang pistahan na ginaganap dito. Ang pinupuntahan ko


dito ay ang tennis courts. Sa tennis courts kasi kami naglalaro pag mayroon kaming


kumpetisyon. Ngayon, tuwing umuuwi ako sa San Leandro, pinupuntahan ko pa rin ang


courts, kahit hindi ko planong maglaro.           


    Naging malaking bahagi na ng buhay ko ang Mervin Morris Tennis Courts. Ito ang


pangalawang bahay ko pagkatapos ng anim na taon. Ito ay aking takasan sa buhay.


Pumupunta ako sa Mervin Morris Tennis Courts para ilabas ang aking nararamdamang


galit, kalungkutan, at pati na rin kasayahan. At pagkatapos ng lahat, gumagaan ang


aking katawan at nagiging mapayapa ang aking nararamdaman.


    Marami ang pumupunta sa Mervin Morris Tennis Courts para maglaro lamang. Ako


naman, ito ang aking lugar para makatakas sa mga problema.


  1. -Jann Michael Pagdanganan



Isang Kuwentong Pambata: Nakakandadong Bodega


    Limang daang taon na ang nakalipas matapos ang rebolusyon sa kaharian ng


Perlasan, at marami na ring pagbabago ang naganap. Ang mga lumang gusali ay


napalitan na ng makabagong modelo at lahat ng literatura ng nakalipas ay


sinunog at ipinatapon na ng mga bagong namumuno. Para sa bagong kaharian, ang


mga lumang literatura ay nagbabalik lamang ng mga ala-ala ng paghihimagsik ng


mga tao sa Perlasan. Kaya naman kahit saan ka tumingin ay puro mga malilinis


at nagkikislapang estatwa ang iyong makikita... kahit saan ka tumingin ay


walang bakas ng nakalipas na masasaksihan.


    Sa kahariang ito, natatangi ang isang bata na nagngangalang Gabriel. Mula sa


lahi ng isang kilalalang pamilya sa Perlasan, si Gabriel ay may karamdaman na


pilit nilulutas ng mga doktor ng Perlasan. Ayon sa kanila, ang karamdaman ni


Gabriel ay delikado at simula pa ng ipinanganak ito, tinaningan na ng mga


doktor ang buhay ng bata hanggang sa ikapitong taong kaarawan nito. Kaya naman


magmula noon ay hindi pinapayagan ng mga magulang ni Gabriel na lumabas ito ng


bahay at maki-halubilo sa ibang mga bata.


    Ngayon ay Ika-11 ng Hunyo at bisperas na ng ikapitong kaarawan ni Gabriel. Sa


munting kuwarto nito, laging nagnanais ang bata na makalabas man lang kahit sa


maikling panahon at maranasan kung papaano mabuhay ng normal. Kahit may


karamdaman si Gabriel, hindi ito naging hadlang para ito'y mangarap ng mga


makukulay na larawan tungkol sa mundo ng Perlasan-ang mundong nais niyang


masaksihan. Isa sa mga pangarap ng bata ay ang makalabas ng kaniyang kuwarto


at humuli ng mga puting ibon at tutubi. Para sa kaniya, ang Perlasan ay hindi


lang puro makikintab na gusali, dahil sa isang lihim na lugar, mayroong mga


sariwang damo at makukulay na bulaklak kung saan matatagpuan ang mga puting


ibon at tutubi.


    Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakalimutan ng tagapag-alaga ni Gabriel na


susian ang kwarto ng bata. At dahil na rin sa pagnanais na makalabas ng


kaniyang kwarto at kaunting kalikutan, dali-daling tumakas si Gabriel. Gabi na


noon at tatlong oras na lamang ay tutuntong na ng pitong-taong gulang ang


bata. Walang alam si Gabriel sa kaniyang karamdaman dahil lahat ito ay itinago


ng kaniyang mga magulang. Kaya naman para sa bata, ang mga oras na iyon ay


hindi kalungkutan at pangamba, ngunit kalayaan at kasiyahan.


    Bago makalabas ng kaniyang bahay, isang bodega ang nakita ni Gabriel. Sa gitna


ng bodega ay isang kandadong puro kalawang na. Para sa imahinasyon ni Gabriel,


ang bodegang iyon ay marahil isang sekretong daan patungo sa kaniyang inaasam


na lugar kung saan mayroong mga tutubi at puting ibon. Kaya naman kumuha siya


ng bato at pilit binuksan ang kandado. Dahil na rin sa katandaan ng kandado at


sa kalawang na bumabalot dito, ay  bumigay ang kandado at bumukas ang pintuan.


    Sabik na sabik si Gabriel at dali-daling pumasok sa loob. Kahit puro dumi at


sapot ang bodega ay hindi natakot ang bata na maghanap ng ilaw para makita ang


kung ano mang nasa loob. Para sa kaniya, pagsubok lamang ang mga dumi at sapot


para sa lihim na lugar na kaniyang ninanais. Pagbukas ng ilaw, hindi matawaran


ang mga nasaksihan ni Gabriel. Ang bodega ay punong-puno ng mga literatura ng


nakaraan. Sa batang edad nito pilit binasa ng bata ang mga pamagat ng


aklat-"Ka-la-ya-an... kalayaan," wika nito. Isa sa mga libro ay may pamagat na


"I-pag-la-ban-ang-Per-la-san.... Ipagbalan ang Persalan"... sa bulol na salita


ni Gabriel, kumislap ang kaniyang mga mata at nabuhay ang isang natatagong


imahinasyon.


    Habang pilit binabasa ni Gabriel ang mga literatura kahit hindi pa nito


naiintindihan ang mga salita gaya ng "karapatan," "rebolusyon," at


"pagbabago," may boses na biglang nagsalita, "Ano ang ginagawa mo rito?". Sa


takot ni Gabriel ay nahulog nito ang mga libro at pilit na ipinikit ang


kaniyang mga mata. "Wala po, wala po" ang pilit nitong binibigkas. "Hindi mo


ba alam na bawal magbasa ng mga lumang literatura?" sabi ng boses, "'indi po,


'indi po", ang baluktot na sagot ng bata. "Halika rito at umupo ka," ang wika


ng boses. Sa takot ni Gabriel ay sumunod na lamang ito at naupo sa isang tabi.


    Nang muling buksan ng boses ang ilaw ay nagulat si Gabriel sa kaniyang nakita.


Ang boses ay galing sa isang matanda na nakasuot ng kulay berde at


kayumangging uniporme. Ang matanda ay nakaupo sa isang duyan habang isang unan


ang nakasuporta sa ulo nito. "Sino po kayo?" ang bigkas ng bata. "Ako si


Andres at matagal-tagal na rin akong nakakulong dito." "Nakalukong?" ang


tanong ni Gabriel. "Oo, nakakulong. Ayaw akong payagang lumabas kaya naman


dito ko na lamang hinihintay ang mga araw ko," ang sagot ni Andres. "Bakit


nakakulong? Alam mo ba kung saan mayroong puting ibon?" "Ang dami mong tanong.


Ayaw ng kaharian sa akin kaya nandito na lang ako. Halika rito at ikukwento ko


sa iyo... lahat ng nakita ko.... pati na rin ang mga puting ibon," ang wika


muli ni Andres. Sumunod ang bata at tumabi sa duyan ng matanda. Habang


nagkukuwento, pilit na nakatitig si Gabriel sa damit ng matanda dahil may


tatlong butas ito na nasisinagan ng ilaw. Ngunit hindi na rin nagtanong ang


bata dahil na rin sa makukulay na kuwento ng matanda. Mula sa mga bangka at


"rebolusyon," hanggang sa mga munting labanan para sa "kalayaan," pilit


nakinig nang mabuti si Gabriel kay Andres kahit napapapikit na ito.


    Lumipas ang mga oras at sa kabilang sulok, pilit na hinahanap ng mga magulang


ni Gabriel ang bata. Isang katiwala ang sumigaw, "Dito! Dito! Nandito ang


bata!"  Dali-daling tumakbo ang mga magulang ni Gabriel at sa pagkagulat ay


natagpuan ang bata na nakahiga sa duyan at parang anghel na nakapikit ang mga


mata... nakangiti... Ngayong araw  ay ika-12 ng Hunyo-araw ng kapanganakan at


muling pagkabuhay ni Gabriel sa isang lihim na mundong kaniyang narinig at


nilikha.


- Kaegy Pabulos



Salamin


Ang suot na salamin ay


pangkaraniwan, matibay, at pang araw-araw.


Ito ay bilog at kuwadrado.



Para ito sa iba't-ibang panahon.


Nakakatulong ito para tayo'y makakita.


Ito ay gamit pang proteksyon sa araw.



Ito ay suot ng lahat, bata man o matanda.


Ngunit, ito ay karaniwang suot ng mga may kaya sa buhay.


Malayo man o malapit, 


ang salaming suot ay ang sagot sa bulag na katotohanan.


Naghihingalo ang Republika, 


Pero ang salamin na ating suot ay puno ng galos at dumi.


- Jane Alegria Rosales




Home Page